Balita

Ika-93 labas

- R.V. VILLANUEVA

“MAHIRAP bang mamili kapag kaunti lang ang pamimilian?” sinadya niyang bigyan ng laman ang kanyang sinabi.

Napatingin sa kanya ang asawa habang inilalapag sa mesa ang ilang pinamili.

“Oo,” anito. “Nag-ikot-ikot pa kasi ako baka ‘kako me iba pang paninda, kaya ako natagalan.”

“Martes kahapon, bakit ngayon mo lang naisipan mamalengke?”

“Minsan kasi, nakakatama­d mamalengke pag market day, ang hirap kumilos at maglakad, siksikan. Ang init-init pa.”

“Alin ang mas mahirap, ang kakaunti ang pamimilian o dahil sa siksikan?”

Sinulyapan siya. “Ang dami mo namang tanong, ano bang problema mo?”

“Wala,” iling niya. “Nagtataka lang kasi ako dahil dati naman, kahit siksikan sa market day, mas gusto mong mamalengke dahil maraming pagpipilia­n at mabibili, ngayon sinasabi mo, ayaw mo dahil siksikan at mainit?”

“E, bakit ba kinukuwest’yon mo ang pamamaleng­ke ko? Kahit naman anong araw na gusto kong mamalengke, ano bang masama at problema ro’n?”

“Naninibago lang kasi ako,” aniya. “E, nabili mo ba ang bilin kong dadalhin sa destino. Mga iba’t ibang klaseng tuyo, dilis?”

Parang nagulat pa ang kanyang asawa.

“Naku,” anito pero hindi nakatingin sa kanya. “Sabi ko na nga ba’t me nakalimuta­n ako, e. Pero wala rin kasi ga’nong panindang mga tuyo kapag ganitong hindi market day.”

“Alin ba talaga, ang nakalimuta­n mo? O dahil hindi market day?”

Tumalim ang tingin nito sa kanya. “Alam mo, kanina pa kita nahahalata, me ibig kang sabihin? Ano bang gustong mong palabasin?”

Bumawi siya ng tingin. Naalala niya ang mga sinasabi ni Tony kanina. Pero siyempre, wala siyang balak sabihin iyon sa kanyang asawa. At bakit tila hirap mangatwira­n ang kanyang asawa sa kanyang mga katanungan? Anong nasa likod nito? Ayaw niyang isiping tama ang espekulasy­on ni Tony. Mahirap din naman kasing sumbatan niya ang asawa nang hindi niya aktuwal na nakikita. Pero ang sabi nga ng matatanda, hindi mo talaga mahuhuli ang taong sadyang hindi nagpapahul­i.

Nang maiayos ng kanyang asawa ang mga pinamili, tumunog ang selpon nito. Sinulyapan pa siya nito bago dukutin ang selpon sa bulsa ng pantalon. Habang binabasa nito ang text, hindi inaalis ni Leo ang tingin dito. Pero wala naman siyang balak na alamin kung sino ang nag-text.

Napansin ni Leo, nagpindot ang kanyang asawa. Isang palatandaa­n na nag-reply ito kung sinuman ang nag

text dito. Saka niya naalala uli ang sinabi ni Tony, kung bakit hindi niya subuking silipin man lang ang selpon ng asawa.

Muling sumulyap lang sa kanya ang asawa nang ibulsa nito ang selpon. “Nag

text ang kumare ko,” anito. “Nagkita kasi kami kanina sa palengke. Nagkatsika­han, kaya ayon, kaya natagalan ako sa pamamaleng­ke. Alam mo na, matagal nang hindi nagkita.”

“Akala ko ba, dahil sa kakaunti ang pamimilian, kaya ka natagalan sa pamamaleng­ke mo? At dahil nag-ikotikot ka pa?”

Biglang nagbago ang anyo ng kanyang asawa. Larawan ng pagkasukol. “Isa rin ‘yon, kaya ako natagalan,” katwiran nito at naghugas ng kaldero para sa pagsasaing­an nila.

“Kumare mo ba talaga nag-text sa ‘yo at nakausap mo sa bayan?” Umilap ang tingin nito. “O-Oo.” Matagal na namagitan ang katahimika­n. Tanging kaluskos ng hinuhugasa­ng kaldero ang maririnig.

Bahagyang lumapit si Leo sa asawa, at saka sinabi, “Bumalik pala dito sa atin si Ruel.”

Kahit nakataliko­d, naramdaman niyang tila napaigtad ang kanyang misis. Tumigil sa paghuhugas. Itutuloy...

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines