Balita

‘NI-RAPE’, MUKHA TINAPYAS

Bangkay ng 16-anyos sa talahiban

- Ni MARY ANN SANTIAGO

Isa na namang 16-anyos na babae ang natagpuang patay, may tapyas ang mukha at walang suot na pang-ibaba sa Antipolo City, nitong Biyernes.

Ayon kay SPO3 Edwin Caimoso, deputy commander ng Police Community Precinct 2 (PCP-2) ng Antipolo City Police, tinutukoy pa ang cause of death ng biktima, Grade 10 student, ng Old Bosoboso, Barangay San Jose, Antipolo City.

Sa ulat, ang bangkay ng dalagita ay nadiskubre ng isang magsasaka sa talahiban sa Sitio Binayoyo, Bgy. Calawis, bandang 2:00 ng hapon.

Nangunguha umano ng mga talahib ang magsasaka nang makita ang bag ng biktima at nang bumaba pa sa mabundok na bahagi ng talahiban ay nakita ang paa ng dalagita kaya agad na ini-report sa kanilang barangay.

Sa paglalaraw­an ni Barangay Chairman Allan Abonio, nakasuot ang biktima pang-itaas na uniporme, ngunit hindi na nakabutone­s, ngunit walang damit pang-ibaba kaya posible umanong ginahasa bago patayin.

“Wala na ring saplot pang-ibaba so kaya malakas ‘yung paniniwala namin na talagang rape victim ‘yung bata,” ani Abonio, sa panayam sa telebisyon. “Parang lamog yung mukha ng bata. Tsaka parang may mga putik. Parang kinain ng hayop o parang pinukpok siya.”

Nabatid nitong Huwebes pa iniulat na nawawala ang dalagita. Pumasok umano ito sa paaralan, ngunit hindi na umuwi.

Tatlong persons of interest naman ang dinampot ng mga tauhan ng PCP-2, kabilang ang tiyuhin ng biktima, na ayon sa ilang testigo ay huling kasama ng biktima.

Patuloy na iniimbesti­gahan ang insidente.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines