Balita

Kumusta ang bayan?

- Fr. Anton Pascual

KAPANALIG, kumusta ka na?

Natapos na ang eleksiyon, at kasama nito ang lahat ng ingay na dala nito sa ating buhay. Ngayong tapos na ito, nakikita ba natin at nadarama na may magandang hinaharap ang ating bayan?

Nitong Mayo 9, inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang gross domestic product ng ating bansa ay bumaba at ang antas nito ay pinakamaba­ba sa loob ng apat na taon. Nasa 5.6% ito, kapanalig, habang ang target natin ay 6% hanggang 7%.

Gayunman, malakas pa rin ang Pilipinas at mga Pilipino. Ilang krisis na ba ang ating matagumpay na pinagdaana­n? Lumiit man nang bahagya ang ating ecomic growth, hindi ito nangangahu­lugan ng kawalan ng pag-asa.

Kailangan lamang natin siguruhin na tayo ay makakabawi, at matiyak din na kaya pa ng maralita ang pagtaas ng bilihin, na ngayon, salamat sa Diyos, ay nako-control na.’ Di gaya nitong nakaraan mga buwan bunsod ng pagtaas ng inflation.

Paano natin masisiguro ang economic health ng bayan, kapanalig?

Unang-una, kailangan mapuksa ang kurapsiyon. Isa sa mga dahilan ng pagbaba ng ating GDP ay ang pagbagal ng government spending dahil naantala ang 2019 budget ng bayan. Ang pagkaantal­ang ito ay bunsod ng alegasyon ng pork insertions ng mababang kapulungan sa government budget. Kung hindi naantala ang budget ng bayan, nasa 6.6% sana ang ating economic growth.

Pangalawa, kailangang mag-focus ang pamahalaan sa mga sektor at industriya ng bayan na kailangan ng tulong, gaya ng agrikultur­a at industriya, na bumagal ang paglago nitong nakaraang taon. Kailangan din mamintina ang paglago ng services sector lalo pa’t marami ang nalilikha nitong trabaho para sa ating mga mamamayan.

Kailangan din, kapanalig, patatagin ang pribadong sektor upang maging katuwang ito ng pamahalaan sa paglago ng bayan. Mahirap ito gawin, lalo pa’t malalim ang dibisyon sa ating lipunan bunsod ng pulitika sa ating bayan. Kailangan nating malapamsan ang ating mga pagkakaiba at magtulunga­n para sa bayan, hindi lamang para sa iisang tao o partido.

Kapanalig, marami ang ating kailangang gawin bilang isang bayan. Ang ating laban ay ‘di natatapos sa eleksiyon lamang. Hindi man nanalo ang ating mga ibinoto, hindi ito nangangahu­lugan na tayo ay talo. Ibig sabihin lamang nito ay marami pa tayong gagawin. Una rito ay ang paniniguro na maayos ang ekonomiya upang tuwing kinukumust­a natin ang isa’t isa, tunay nating masasabi na tayo pa rin ay puno ng pag-asa.

Maging inspirasyo­n at hamon sana sa atin ang mga katagang ito mula sa Gaudium et Spes: Sa bawat henerasyon, responsibi­lidad ng Simbahan ang pagbasa ng mga “signs of the time” at ang pagpapaliw­anag nito sa madla ayon sa liwanag ng Ebanghelyo. Sa lenguwahen­g mauunawaan ng bawat henerasyon, dapat nitong sagutin ang mga nauulit na tanong ng mga tao: Ano ba ang kahulugan at kaugnayan nito sa aking buhay? (In every age, the church carries the responsibi­lity of reading the signs of the times and of interpreti­ng them in the light of the Gospel, if it is to carry out its task. In language intelligib­le to every generation, it should be able to answer the ever recurring questions which people ask about the meaning of this present life and of the life to come, and how one is related to the other).

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines