Ika-53 labas
PASADO alas singko ng umaga, gising na si Elsie. Sa tabi niya, parang napahimbing si Ronie. Dati una pa itong nagigising kaysa sa kanya. May mahinang kabang bumundol sa kanyang dibdib.
“Hoy, tanghali na.” Bahagyang tinapik ni Elsie ang braso ni Ronie. Hindi kumibo si Ronie. Sa pag-aakalang napahimbing lang ang asawa, yumuko siya at dinampian ng magaang halik ang pisngi nito. Muli, hindi kumilos si Ronie. Saka napansin ni Elsie, hawak ni Ronie ng dalawang kamay ang ulo nito. Parang sabunot pa ang mga
buhok. Sinumpong ba ng sakit? Pilit niyang inaninag sa dilim ang mukha ng asawa. Parang minaso ang dibdib niya. Dalawang kamay niyang hinawakan ang mukha ni Ronie. At nagimbal siya. Ang lamig-lamig ng mukha ni Ronie. “Ronieeee!” Patilili niya. Naroon na ang katiyakan. Sinumpong nga ng sakit si Ronie kaya sapupo nito ng dalawang kamay ang magkabilang panig ng ulo nito. Aaaa, Panginoong Diyosss!
“Ronieeee!” Muli, umalingawngaw sa katahimikan ng bata pang umaga ang basag, humahagulgol na boses ni Elsie.
Lord! Bakit sinumpong pala ng sakit si Ronie ay hindi man lang siya nagising: “Ronieeee! B-bumangon kaaaa!”
Kasalanan niya… kasalanan! Kasi’y sobra pa rin niyang pinapagod ang kanyang sarili sa overtime. Pasado alas onse na siya dumating kagabi. Dinatnan niyang gising pa si Ronie. Nauna raw lamang ng kaunti sa kanya ang mister niya.
“’Bumagon ka, Ronie… bumangon ka! Alam kong natutulog ka lang.” Nananaghoy ang boses ni Elsie.
Pareho naman kasi silang nago-overtime ni Ronie. Lalo na nitong napapadalas at napapatindi ang sumpong ni Ronie. Parang pareho silang nagka-shock na magkaharap na sila lang sa bahay nila. At para maiwasan ang sapilitan nilang pagtatagpo sa bahay, basta’t makakaya rin lang nila, pareho silang nag-oovertime.
Sa pamamagitan na lang ng kaibigan nitong si Ronie sa pinapasukan, nalalaman ni Elsie na sinumpong si Ronie. Pinagbabakasyon daw si Ronie ng may-ari ng pinapasukan, si Ronie ang nagpipilit pumasok. At iyon ay naiintindihan na ni Elsie.
Sa muling pagsigaw ni Elsie, ang akala niya’y nakasigaw pa rin siya. Ang hindi alam ng kaawaawang babae, wala nang nakawalang boses sa bibig niya. Nanigas na hindi lamang ang kanyang mga panga kundi ang kanyang buong katawan.
Samantala, kahit medyo mahimbing matutulog si Adora, nagising siya.
May sariling munting silid si Adora.
Parang naalimpungatan pa si Adora. Sa simula, hindi niya maintindihan kung anong gulo ang kanyang narinig. Bakit may sumisigaw? Na parang kilala niya ang boses.
Hindi pa agad bumangon si Adora. Baka ang ingay ay galing lamang sa labas ng kanilang bahay. O baka nanggaling sa isang kapitbahay. Muli na naman siyang pipikit nang marinig na naman niya ang isa pang sigaw. At nalinawan na niyang pangalan ng kanyang ama ang tinatawag. At nakilala rin niya ang boses ng kanyang ina.
Parang inis siyang bumangon. Ano ba naman itong kanyang ina at ang agaagang nambubulahaw. Bakit pa naman siya, ayaw na ayaw niyang nabubulhaw lalo’t ganitong mahimbing pa ang kanyang tulog.
Napilitan siyang bumangon. Inis pa rin siyang tinungo ang silid ng kanyang mga magulang.
Bago nakakarating si Adora sa kuwarto ng kanyang mga magulang, sa pagbukana niya sa silid, naabutan niyang parang naninigas ang katawan ng kanyang ina. Nasa aktong nakatayo pero parang mabubuwal.
Itutuloy...