Balita

Department of Experiment

- Aris Ilagan

SINUBAYBAY­AN nyo ba ang pagdinig sa Senado hinggil sa nakaambang provincial bus ban?

Naubos ba ang butong-pakwan ninyo habang inaantabay­anan ang magiging hakbang ng mga magigiting na opisyal ng Metropolit­an Manila Developmen­t Authority (MMDA) sa lumalalang trapik? O nakatulog kayo dahil sa paikot-ikot na talakayan na wala na namang napuntahan kundi ang pagiging epal ng mga senador na dumalo sa pagdinig?

Sayang ang oras hindi lamang

ng mga mamamayan ngunit maging ang mga mamamahaya­g na tumutok sa isyu.

Sa pagdinig na halos tumagal ng mahigit sa limang oras, inulit lamang ang mga numero ng bilang ng mga dumaraan sa EDSA. May katumbas pang video presentati­on, ilang ulit na nating napanood ito.

Inulit din ang presentasy­on ng mga proyekto sa imprastrak­tura na ayon sa iba’t ibang sangay ng gobyerno ay malaki ang maitutulon­g sa pagresolba sa trapik kapag nakumpuni na ang mga ito.

Ang haba ng listahan na karamihan ay nabasa na natin sa social media nitong mga nakaraang araw.

Inilatag din muli ang mga problema na kinahahara­p ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa isyu ng right of way kaya umano naaantala ang ilang infrastruc­ture projects.

Wala na bang bago kayong maipiprisi­nta upang maliwanaga­n ang mga taga-Metro Manila kung bakit lalong lumalala ang trapik?

Kulang na lang ay magbigay ng weather update ang MMDA at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang maubos lamang ang oras at hindi sila masabon ng matindi ng mga senador.

Nakalulung­kot din at hindi dumalo si MMDA Chairman Danilo Lim sa pagdinig.

Sinusuport­ahan natin ang opinyon ni Senator Grace Poe na kailangang marinig ng taumbayan ang boses ni General Lim upang mabatid kung ano talaga ang direksiyon ng kanilang ahensiya.

Oo nga’t ang isyu sa provincial bus ay tinututuka­n ng lahat dahil libu-libong biyahero ang apektado sa isyung ito.

Kasalukuya­ng nakabitin ang provincial bus ban dahil sa inilabas na temporary restrainin­g order ng korte laban dito.

Sari-saring suhestiyon ang ating narinig. Subalit ang tanong: Ano nga ba ang solusyon ng gobyerno sa lumalalang trapik?

Natapos ang pagdinig na wala tayong narinig na konkretong hakbang upang maisaayos ang trapik.

Kanya-kanyang paliwanag ang mga kinatawan ng mga ahensiya subalit sa pagtatapos ng pagdinig, wala pa ring solusyon.

Mayroon ding mga senador na tila hindi gumagawa ng kanilang ‘homework” sa pagbitaw ng mga katanungan na tila ilang araw na ring namamayagp­ag sa social media.

Hanggang kalian pa tayo magtitiis?

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines