Pag 11:19a; 12:1-6a, 10ab ● Slm 45 ● 1 Cor 15:20-27 ● Lc 1:39-56
Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.” At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalangalang niya ang balewalang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. “Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan… “Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. “Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.” …
PAGSASADIWA:
Tayo rin ay mga “Elizabeth.” Natanggap na natin ang Mabuting Balita. Subalit sa panahon ng mga agam-agam, hinahamon tayong tularan si Elizabeth. Tinatawag tayo upang ipahayag ang katotohanan nang walang takot. Kailangan lamang magtiwala tayong dakila ang mga ginagawa ng Makapangyarihan at ang Diyos ang siyang namamahala sa lahat. Walang hinihiling sa atin kundi ang ipahayag ang kadakilaan ng Diyos tulad nang ginawa ni Elizabeth.