Balita

Lalaki, pumalag sa holdaper, pinatay

- Orly L. Barcala

Nagdadalam­hati ngayon ang pamilya ng isang dating seaman na hinoldap at pinagbabar­il hanggang sa mapatay ng dalawang hindi pa nakikilala­ng mga salarin sa Caloocan City, kahapon ng umaga.

Sa panayam kay P/ Lt. Col. Ferdie Del Rosario, Assistant Chief of Police for Administra­tion (ACOPA) ng Caloocan Police Station, dead on arrival sa Jose N. Rodriguez Hospital si John Paul Sargento, 25 anyos, naniniraha­n sa Kong Fisher Street, Zabarte Subdivisio­n, Novaliches, Quezon City.

Nagtamo siya ng mga tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo at katawan.

Ayon sa security guard na si Vincent Aniceto, bandang 6:30 ng umaga, nakarinig siya ng mga putok ng baril sa Quirino Highway sa harap ng MRT7 Depo Gate, Barangay 163, Caloocan City, malapit sa binabantay­an niyang establisam­yento.

“Tiningnan ko po kung saan galing ang putok at nakita ko na may lalaking nakahandus­ay at duguan,” ani Aniceto.

Kuwento pa ng guwardiya, may hinabol daw na dalawang lalaki ang mga barangay tanod na sakay ng motorsiklo, pero hindi ito inabutan.

Lumutang sa imbestigas­yon na tinutukan ng baril ng dalawang lalaki si Sargento at hinoldap, subalit nanlaban ito kaya pinutukan.

Tinangay din ng mga holdaper ang motorsiklo ng biktima at ginamit sa pagtakas.

Napag-alaman na suma-sideline si Sargento bilang motorcycle transport rider habang hinihintay ang kanyang pag-alis bilang seaman.

“Tinitignan po natin kung may CCTV sa lugar para ma-identified natin yung mga suspek, may team na tayo na nagpa-follow-up sa kaso,’ ani Lt. Col. Del Rosario.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines