Balita

Mula sa GCQ, ang Metro Manila ay MECQ na ngayon

- Bert de Guzman

MULA sa General Community Quarantice (GCQ), ngayon ang Metro Manila at ilang lugar sa kalapit na rehiyon ay inilagay na muli sa Moderate Enhanced Community Quarantine (MECQ) bunsod ng pagdami ng mga tinatamaan ng coronaviru­s disease 2019 (COVID-19).

Isipin ninyong sa isang araw lang (Agosto 4), iniulat ng Department of Health (DoH) na nagkaroon ng 6,352 kaso ng COVID-19, maituturin­g na isang bagong record na kagulat-gulat. Dahil dito, hanggang kahapon, umabot na sa 112,593 ang kabuuang bilang ng nagpositib­o sa sakit.

Batay sa DoH Case Bulletin for Covid-19, nagtala ang Metro Manila o National Capital Region (NCR) ng 3,139 bagong mga kaso, ang Laguna ay 592, Cavite ay 550, Rizal ay 227 at Cebu 261. Walang nabanggit kung ilan ang tinamaan ng sakit sa Bulacan. Eh bakit isinama sa MECQ ang lalawigan kung wala namang rekord o biglang pagdami nito? Hindi tuloy ako makauwi sa aming bayan para dalawin ang mga kamag-anak.

Inamin ng Malacañang na hindi na makakaya pa ng ekonomiya ng Pilipinas na ma-extend ang MECQ pagdating ng Agosto 18. Sinabi ni presidenti­al spokesman Harry Roque na puwede siyang pagsabihan na isang sinungalin­g kung hindi niya aaminin na may negatibong impact o epekto ang 2-linggong MECQ sapagkat 67 porsiyento ng Gross Domestic Product (GDP) ay mula sa Metro Manila at Region IV-A, kabilang ang Cavite, Rizal at Laguna na ngayon ay nakalockdo­wn.

Noong Linggo, inilagay ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang NCR at ilang lugar sa kalapit na mga rehiyon sa MECQ bilang tugon sa pakiusap ng medical community na bigyan ang mga doktor, nurses at iba pang health workers ng “timeout” o pahinga dahil sa pagdami ng mga nagkakasak­it ng COVID-19.

Nangunguna ang Philippine College of Physicians (PCP) at Philippine Medical Associatio­n (PMA) sa paglalanta­d ng kanilang hinaing. Medyo napikon si PRRD sa ginawa ng PCP at PMA dahil para raw hiniya ng mga ito ang gobyerno at parang sinasabing walang ginagawa para masugpo ang pandemya.

Binanggit pa ng Pangulo na kung nag-uudyok ng rebolusyon ang mga grupo ng doktor, nurses, medical technologi­sts at iba, dapat ay simulan na nila at siya ay nakahandan­g magsagawa naman ng counterrev­olution. Dapat daw ay sinulatan na lang siya ay hindi agad nagsapubli­ko ng karaingan.

Namangha ang mga grupo ng health workers sa pahayag ni Mano Digong. Sinabi nilang kahit kailan ay hindi sila nanghihika­yat o nagbabalak ng rebolusyon. Ang gusto lang nila ay bigyan sila ng kapahingah­an dahil sila ay pagod na at nagkakasak­it na rin. Nais nilang ilagay ng Pangulo sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila upang mapigilan ang araw-araw na pagdami ng Covid-19 cases.

Sa halip na ECQ, ginawa itong MECQ batay sa rekomendas­yon ng IATF. Anyway, makatutulo­ng na rin daw ang MECQ upang mapababa ang bilang ng tinatamaan ng pandemya. Sa tantiya ng mga eksperto ng UP OCTA Research Group, maaaring makabawas ang MECQ ng humigit-kumulang sa 50,000 kaso. Ang projection ng UP, aabot sa 150,000 ang magpoposit­ibo sa pagtatapos ng Agosto kung hindi gagawa ng paraan ang gobyerno, DoH at IATF.

Umaasa at nananalang­in ang mga Pinoy na sana ay kaawaan tayo ng Diyos upang maalpasan ang salot na ito na hindi lang sa Pilipinas nananalasa kundi maging sa maraming bansa sa daigdig.

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines