Balita

Turkey, ibinoykot ang France; European leaders, dumepensa

-

Sumali si Turkish President Recep Tayyip Erdogan nitong Lunes sa mga panawagan para iboykot ng mga kalakal ng France, pinatindi ang bangayan sa pagitan ng France at mga bansang Muslim tungkol sa Islam at kalayaan sa pagsasalit­a.

Pinangunah­an ni Erdogan ang paratang laban kay President Emmanuel Macron dahil sa kanyang matatag na pagtatangg­ol sa karapatang manunuya sa relihiyon kasunod ng pagpatay sa isang gurong French na nagpakita ng mga cartoon ni Propeta Mohammed.

Nitong Lunes, idinagdag ng pinuno ng Turkey ang kanyang boses sa mga panawagan sa Arab world para sa mga mamamayan na itakwil ang mga panindang French.

“Never give credit to French-labelled goods, don’t buy them,” sinabi ni Erdogan, na nagdulot ng galit nitong weekend sa pagdeklara­ng kailangan ni Macron ng

“mental checks,” sa isang televised speech sa Ankara.

Matapos akusahan ng France ang Turkey na nanatiling tahimik sa pamumugot kay Samuel Paty ng isang Chechen extremist noong Oktubre 16, kinondena ng tagapagsal­ita ni Erdogan na si Ibrahim Kalin, nitong Lunes ang “monstrous murder”, na idinagdag na walang makatuwira­n sa pag-atake.

Ang mga kalakal na French ay inalis na mula sa mga istante ng supermarke­t sa Qatar at Kuwait, bukod sa iba pang Gulf states, samantalan­g sa Syria ang mga tao ay nagsunog ng mga larawan ni Macron at ng mga watawat ng France ay sinilaban sa Tripoli, ang kabisera ng Libya.

Kasunod ng pagpatay kay Paty, nagpalabas si Macron ng isang masidhing pagtatangg­ol sa malayang pagsasalit­a at secular values ng France, na nangangako na ang bansa ay “will not give up cartoons.”

Habang lumalawak ang backlash sa France, nag-rally ang mga pinuno ng Europe sa likod ni Macron.

“They are defamatory comments that are completely unacceptab­le, particular­ly against the backdrop of the horrific murder of the French teacher Samuel Paty by an Islamist fanatic,” sinabi ng spokesman ni German Chancellor Angela Merkel na si Steffen Seibert.

Ang mga punong ministro ng Italy, Netherland­s at Greece ay nagpahayag din ng suporta sa France, tulad ng ginawa ng pangulo ng European Commission na si Ursula von der Leyen.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines