POC, hindi magkakawatak-watak
NANGANKO si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino na hindi niya papayagan ang pagkakawatak-watak sa larangan ng sports dahil lamang sa halalan sa mga pinuno ng Executive Board sa Nobyembre 27.
“We cannot afford more division in Philippine sports,” ani Tolentino matapos dumalo sa halalan ng Philippine Canoe Kayak Dragonboat Federation nitong Linggo sa Century Park Hotel sa Maynila.
Si Tolentino, kinatawan ng ika-8 Distrito ng Cavite, ay nagsabing malaki na ang nagawa at ibinuti ng Team Philippines sapul sa pagsisimula ng 2018 Asian Games, at sa paghohost ng bansa sa 30th Southeast Asian Games sa n akalipas na taon.
Aniya, nang dahil sa internal bickering o awayan sa executive board, muling naudlot ang progreso ng sports. Binati niya ang bagong halal na opisyal ng PCKDF sa pangunguna ni Teresita Uy bilang pangulo.
Ang iba pang nahalal ay sina Almario Acosta (vice president), Tomas Tamayo (treasurer), Joven Franzuela (secretary general) at board members Arnel Gabutero, Gregorio Galang at head coach Len Escollante.
Ang POC elections na idaraos sa Nov. 27 ay nagbunga ng matinding bangayan sa general assembly ng local Olympic body, na binbuuo ng 51 regular voting national sports associations.
“Whatever happens in the POC elections, we must get behind our leaders and help in charting a viable course for Philippine sports,” ayon sa POC president.
Ang grupo ni Tolentino ay binubuo nina triathlon’s Tom Carrasco bilang chairman, basketball’s Al Panlilio bilang 1st vice president at fencing’s Richard Gomez bilang 2nd vice president.
Ang pangkat naman ni Archery’s Atty. Clint Aranas ay binubuo nina POC chairman Steve Hontiveros, athletics’ Philip Ella Juico (1st VP) at rugby’s Ada Milby (2nd VP), at iba pang board members.