Balita

2 ‘gunrunner’ utas sa shootout

- Mary Ann Santiago

Dalawang ‘gunrunner’ ang napatay nang makasagupa ang mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa Pililia, Rizal kahapon ng madaling araw.

Isa sa mga napatay ay nakilalang si Jake Pingal, habang inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakil­anlan ng isa pang suspek.

Tinutugis naman ngayon ng pulisya ang sinasabing leader ng mga nasawi na si Ryan Dele Cruz, alyas “’Mokong’ na may warrant of arrest sa kasong kidnapping.

Sa ulat ng pulisya, ang engkwentro sa pagitan ng mga suspek at ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ay naganap sa Sitio Kawayan farm, Barangay Halayhayin, dakong 3:00 ng madaling araw. Nauna rito, nagkasa ng anti-illegal drugs operation ang pulisya laban sa mga suspek.

Sa gitna ng transaksiy­on ay nakatunog ang mga ito na mga alagad ng batas ang kanilang ‘kliyente’.

Dahil dito, nagbunot ng baril ang mga suspek at pinaputuka­n ang mga pulis kaya’t napilitan ang mga awtoridad na gumanti ng putok, na nauwi sa engkwentro.

Ayon sa pulisya, bukod sa iligal na pagbebenta ng mga armas, sangkot din ang mga suspek sa iba pang kriminal na aktibidad, katulad ng kidnapping, robbery hold-up, gun-for-hire, at carnapping.

Narekober ng mga awtoridad sa encounter site ang limang piraso ng kalibre .45 na baril, at isang hinihinala­ng nakaw na motorsiklo.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines