Balita

ISA PA!

Family’s Brand-Zamboanga kampeon muli sa 3x3 Presidents Cup

-

MULING naluklok sa trono ang Family’s Brand Sardines- Zamboanga City natapos madomina ang Leg 4 ng Chooks-to-Go Pilipinas 3x3 President’s Cup sa pagtataguy­od ng TM.

Pinangunah­an ni Santi Santillan ang muling pagwawagi ng Zamboanga City matapos ang kanyang offensive rebound at free throw na nagsilbing winning shot kontra Butuan City, 21-20, nitong Martes sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.

Mula sa 16-20 pagkakaiwa­n may tatlong minuto at 30 segundo ang natitira sa laban, tumabla pa ang Butuan sa 20-all kasunod ng back-to-back baskets ni Chris De Chavez.

Kay Joshua Munzon pa rin ibinigay ang bola ng Zamboanga, ngunit mintis ang dapat na go ahead basket niyang attempt. Sakto naman ang porma ni Santillan para makuha ang rebound at foul para sa libreng free throw na siyang naging bentahe ng Family’s Brand tungo sa ikalawang korona sa unang apat na leg ng kauna-unahang 3x3 pro league sa bansa.

Tumapos si Santillan na may anim na puntos kasunod ni Munzon na may siyam na puntos. Bunsod ng panalo, nakamit nila ang Top seeding sa Grand Finals.

Bagamat nabigo, nakatangga­p pa rin muli ang Uling Roasters ng P100,000 gaya ng pangako ni Bounty Agro Ventures, Inc. president Ronald Mascarinas para sa sinumang team na makakatung­gali ng Family’s Brand Sardines sa Finals.

Nanguna para sa Butuan si De Chavez na may 12 puntos kasunod sina Karl Dehesa at JR Alabanza na may tig-4 na puntos.

Kasama ng Zamboanga City na pasok na sa Grand Finals ang Butuan City, Nueva Ecija, at Pasig.

Para sa Grand Finals kung saan may nakatayang premyong P1-milyon sa tatanghali­ng kampeon, ang walong koponang nasa ilalim ng rankings ay maglalaban-laban sa isang knockout round kung saan ang top 4 ay papasok sa susunod na round.

Samantala,nagwagi naman si Roider Cabrera ng Petra Cement-Roxas ZN ang TM Two-Point Shootout habang sa ikatlong sunod na pagkakatao­n ay nagwagi naman sa TM Slam Dunk Contest si David Carlos.

“Nung unang game pa lang, bad start na kami so yung next games, kinailanga­n naming mag-adjust,” sambit ni Santillan. “Mula nun, binigay namin yung 100 percent.”

Iskor: Zamboanga -- Munzon 11, Santillan 6, Pasaol 3, Rike 1.

Butuan -- De Chavez 12, Dehesa 4, Alabanza 4, Lanete 0.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines