May dapat ipagpasalamat
SA kabila ng kawalan ng katiyakan ng ating pamumuhay dahil nga sa kawalan din ng katiyakan kung kailan matatapos ang coronavirus, marami tayong dapat ipagpasalamat sa Dakilang Manlilikha. Lalo na ngayon na lalong pinaigting ng gobyerno ang pagpapatupad ng mahihigpit na health protocol upang mabawasan kundi man ganap na mahadlangan ang paghahawahan sa COVID-19; upang dumami pa ang mga gumagaling at wala na sanang makitil ang buhay.
Kahit hindi binago, bagkus ay pinalawig pa ang quarantine status ng National Capital Region (NCR) at iba pang lugar sa kapuluan, marapat lamang na tayo -- lalo na ang katulad naming mga senior citizen o nakatatandang mga mamamayan -ay magpasalamat sa administrasyon, higit sa lahat, sa Panginoon. Dahil dito, napipilitan tayong manatili sa ating mga tahanan kahit na tayo ay mistulang nakabilanggo o nagbubuhay-preso. Sa gayon, makatitiyak tayo na kahit paano ay hindi makahahawa o mahahawahan ng nakamamatay na mikrobyo.
Sa ganitong kalagayan, biglang sumagi sa aking utak ang mga karanasang kamuntik nang maging dahilan ng pamamaalam ko sa planetang ito. Isipin na lamang nang bigla akong isinugod sa isang ospital sa Quezon City dahil sa mild stroke; ipinasok sa Intensive Care Unit ( ICU) -- ang malimit na taguriang silid ng kamatayan. Mabuti na lamang at ayon sa mga doktor, mild stroke lamang ang kamuntik nang lumumpo sa aking kalusugan.
Sa isa pang nakalulunos na karanasan, biglang sumumpong ang dati kong karamdaman: Ulcer. Muling isinugod sa nabanggit ding pagamutan na itinuring ko nang pangalawang tahanan. Profuse stomach bleeding ang diagnosis. Sa Emergency Room pa lamang, tatlong bag na ng dugo ang isinalin sa akin. Mabuti na lamang at sa husay ng mga doktor at sa bisa ng mga gamot, halos hindi naman kumupas ang aking walang pagbabagong pagtupad sa isang misyon bilang isang mamamahayag.
Sa isa pang makapigilhiningang pakikipaglaban sa biglang pagsakit ng aking gallbladder stone, naibulong ko sa sarili: Hindi na kaya ako titigilang dapuan ng mga karamdaman? Ipinahiwatid ng aking doktor: Kung sisigid pa ang sumpong ng aking sakit, itatakda na niya agad ang gallbladder surgery.
Sa kabila ng halos sunudsunod na pagdapo ng mga karamdaman, lalo na nga ngayon na tayo ay hindi pa iniiwan ng nakakikilabot na coronavirus, lalong umiigting sa aking utak ang walang katapusang pasasalamat sa ating Panginoon. Lalo na nga kung isasaalang-alang na sa kabila ng sinuong kong mga pakikipaglaban sa mga sakit, nakasapit pa rin ako sa aking ika-82 kaarawan. Bukas, magsisimula akong tumuntong sa ika-83 taon ng panibagong pakikipagsapalaran sa buhay. Thank You, Lord.