Nagsisimula nang umaksyon ang mundo sa polusyon
INILABAS ng Electric Vehicle Association of the Philippines (EVAP) nitong nakaraang linggo ang isang rekomendasyon sa pamahalaan upang suportahan ang electric vehicle sector bilang reaksyon sa sunod-sunod na pagsasara ng mga car-manufacturing plants sa bansa.
Nanawagan ito ng pagsuporta sa Senate Bill 1382, ang Electric Vehicles and Charging Stations Act ni Sen. Sherwin Gatchalian, na anim na taon nang nakabinbin sa bicameral level ngayon. Nagbibigay ang panukala ng mandato sa mga malalaking industriya at commercial firms, mga public transport operators, at mga ahensiya ng pamahalaan na magkaroon ng minimum na limang porsiyento ng electric vehicle na kanilang pag-aari.
Maaaring hindi lubusang nagtagumpay ang bill sa Kongreso ngunit inaasahan nito ang lumalagong pandaigdigang hakbang para wakasan ang carbon pollution sa pag-abandona ng mga gas-powered transportation at iba pang katulad na industriya at palitan ito ng mga electricity-powered.
Noong Marso 2020, iprinisinta ng European Commission ang isang proposal para sa lahat ng European Union nations upang ipagtibay ang batas na magluluklok sa EU bilang unang climate-neutral continent pagsapit ng 2050.
Nakatakda sa mungkahing European Climate Law ang target na net-zero greenhouse gas emissions pagsapit ng 2050. Iniutos sa mga miyembrong estado ang pag-develop at pag-iimplementa ng plano upang makamit ang hangaring ito, na nakaangkla rin sa Paris Agreement na layon namang mapanatili ang pagtaas ng world temperature below 2 degrees Centigrade.
Noong nakaraang Oktubre, ginulat ni President Xi Jinping ng China ang mundo sa kanyang naging pangako sa isang talumpati sa United Nations na gawin ang China na “carbon neutral” pagsapit ng 2060. Naging sentro ang China ng global na ekonomiya, na sumasakop sa halos kalahati ng global consumption ng steel, copper, aluminum, at cement, at nangangailangan ng malaking enerhiya na galing sa coal. Nagpaplano na ngayon ang mga lider ng China para sa pagbabawas ng kanilang bahagi sa polluting coal sa energy mix nito sa kanilang industriya –mula 58 porsiyento noong 2019 sa mas mababa sa 50 porsiyento pagsapit ng 2025—hanggang sa pinakahangaring 0 porsiyento pagsapit ng 2060.
Isang linggo matapos ang naging pangako ni President Xi sa UN, inihayag ni Japan Prime Minister Yoshihide Suga na hangaring maging isang carbon-neutral society rin ang Japan pagsapit ng 2050.
Ang susi sa lahat ng naging anunsiyo ng pagsisikap na maabot ang carbon neutrality ay ang pagdevelop ng mga bagong solar cells, carbon recycling, at pagsasa-digital ng lipunan. Ngayong may bagong pangulo na ang United States sa katauhan ni Joseph Biden, inaasahan ang pagpapahayag nito ng sariling plano upang mabawasan ang sarili nitong carbon pollution mula sa kanilang mga industriya at milyon-milyong mga sasakyan.
Kung ikukumpara ang carbon pollution na nalilikha ng nabanggit na highly industrialized na mga bansa, maliit lamang ang tungkulin ng Pilipinas sa kabuuang pagsisikap. Gayunman, lahat ng hakbang ay mahalaga. Kaya naman ikinalulugod natin ang panawagan ng Electric Vehicle Association of the Philippines sa pamahalaan para suportahan ang batang sektor ng electric vehicles sa bansa.
Bilang isang Third World country, ang lagay ng pag-unlad ng ating ekonomiya ay malayo sa Europe, China, at Japan, ngunit sa ating mga plano para sa pag-unlad, dapat nating simulang ikonsidera ang mga panukala na kalaunan ay maglalayo sa atin sa pagsandal sa mga industriya na nagdudulot ngayon ng polusyon sa mga siyudad, hangin at sa ating buhay.