Banta na hindi tumatalab
SA harap ng halos kabi-kabila pa ring malalagim na paglusob sa mga drug den na ikinamamatay ng ilan, lalong tumibay ang aking paniniwala na tila hindi tumatalab ang matinding banta ng kasalukuyang administrasyon laban sa mga users, pushers at druglords. Nakakintal pa sa aking utak ang paulit-ulit na at nakakikilabot na babala ni Pangulong Duterte: ‘Yayariin ko kayong lahat.’
Maliwanag na tinutukoy ng Pangulo ang mga sugapa sa illegal drugs at iba pang drug personalities na hanggang ngayon ay walang patumangga subalit palihim na gumagamit at nagpapalaganap ng mga bawal na droga. At lalong maliwanag ang kanyang paninindigan na ang talamak na problema sa droga ang sumisira hindi lamang sa ating mga kabataan kundi maging sa halos lahat ng sektor ng komunidad. Naniniwala ako na ang gayong nakapanggagalaiting situwasyon ang nagiging balakid sa kanyang paglikha ng isang malinis at matatag na gobyerno para sa sambayanang Pilipino.
Totoong nakapanlulumong mabatid na tila hindi nababawasan kundi dumadami pa ang mga nalululong sa bawal na gamot; sa kabila ito ng katotohanan na hindi iilan ang nakitil ang buhay lalo na kung sila ay lumalaban sa mga awtoridad kapag sila ay nasusukol sa pinagkukutaan nilang mga drug den. Laging ipinahihiwatig ng mga alagad ng batas na ang pagpapaigting ng Operation Tokhang ang kailangang hakbang upang mabawasan kundi man ganap na masugpo ang malaganap na problema ng droga. Sa kabila ito ng mahigpit namang pagtutol at pagtuligsa ng mga human rights groups.
Sa harap ng ganitong nakadidismayang mga pangyayari, nahiwatigan ko na mismong ang Pangulo ay nagpahayag ng kabiguan sa sinimulan niyang pakikidigma sa illegal drugs. Katunayan, hiniling niya ang pakikipagtulungan ng sambayanan sa pagpuksa ng nabanggit na drug problem. Ibig sabihin, hindi niya kayang mag-isa ang paglutas sa gayong dambuhalang suliranin na malaon nang gumigiyagis sa lipunan.
Gusto kong maniwala na ang pagsisikap ng Pangulo ay nababahiran ng pagmamalabis ng ilang alagad ng batas na walang matapat na pagmamalasakit sa paglipol ng salot ng komunidad. Isipin na lamang na kamakailan lang, isang drug laboratory ang nadiskubre sa isang bayan sa Zambales na sinasabing pinamamahalaan ng mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police (PNP). Hindi ba ang gayong nakagagalit na sistema ay mistulang pagwawalang-bahala sa mahihigpit na tagubilin ng Pangulo laban sa droga? Ang gayong mga kapangahasan sa serbisyo ay nagiging dahilan upang mahawa ang huwaran at matapat na mga puwersa ng PNP.
Hindi malayo na hanggang ngayon, hindi pa rin naaawat ang mga tinaguriang ninja cops o mga pulis na nagbebenta ng shabu na nakukumpiska nila sa mga durugista; sila ang sinasabing nakikipagsabuwatan sa mga druglords -- isang sistema na masyadong nakasisira sa administrasyon.
Sa anu’t anuman, ang nabanggit na nakadidismayang mga pangyayari ang nagpapatunay na hindi tumatalab ang matitinding banta laban sa pagpuksa ng illegal drugs.