Si Sec. Lorenzana ang salarin
“BAKIT nabigo ang mga opisyal ng University of the Philippines (UP) na protektahan ang mga bata na sumapi sa mga samahang ito at napatay. Talagang malungkot ako para sa mga batang ito na namatay sa ganitong paraan. Kung maipapaliwanag nila, magusap kami. Kung hindi, kalimutan na ito,” wika ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa kanyang press briefing nitong nakaraang Miyerkules.
Ang kanyang tinuran ay kaugnay sa kanyang pagbawi sa kasunduan sa pagitan ng Department of National Defense at UP officials na nagbabawal sa mga security forces na pumasok sa lahat ng campus ng unibersidad. Binatikos kasi ang kanyang ginawa ng mga taga UP dahil, anila, ito ay pagsagka sa academic freedom at kalayaang magpahayag ng salungat na opinyon hindi lamang sa UP kundi sa lahat ng mga paaralan. Ang ipinagbabawal ng kasunduan ay iyong labas-pasok ang mga pulis at sundalo sa loob ng paaralan at malayang gumawa ng operasyon. Kailangan humingi muna sila ng permiso sa mga opisyal ng unibersidad upang hindi sila makaistorbo o makapanakot sa pagtuturo at pag-aaral ng mga estudyante. Na ang mga estudyante ay malayang nakapag-aaral ng walang pangamba na hindi ito mangyayari
kung naririyan ang mga security forces?
Ayon kay Lorenzana, laos na ang kasunduan. Ginagamit lang, aniya, ito bilang kalasag ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army sa pagkakalap ng kanyang miyembro. Kaya sa kanyang press briefing, may inilabas ang kalihim na mga larawan ng mga estudyante ng UP na napatay na kasama ang mga rebeldeng komunista. Ang mga ito ang hinihingian niya ng paliwanag sa mga opisyal ng UP kung bakit hindi nila sila naprotektahan. Grabe itong si Lorenzana. Hindi kaya naitanong niya sa sarili kung bakit siya nagsundalo? Ano ang malayang naituro sa kanya at kanyang natutunan, kaya niya napagpasiyahan na siya ay magsundalo? Kung mayroon unang nakakaalam kung bakit may mga rebelde, komunista man o hindi,
ay si Lorenzana mismo. Siya rin ang nakakaalam kung kailangan pang i-recruit ang mga ito, o kusang sumasapi sa mga samahang sa kanilang akala ay nararapat para sa kanilang layunin pero sinasalungat ang pamamahala ng gobyerno at magsusulong ng ninanais nilang maganap. Sa palagay kaya ng kalihim, kailangan pang udyukin ang mga kabataan para isakripisyo ang kanilang buhay? Bilang sundalo na kahit paano ay nanganib ang buhay, may nagudyok ba sa kalihim para ilagay niya ito sa panganib?
Hindi ang kasunduan ang salarin sa pagkakaroon ng mga batang mag-aaral na itinataya ang buhay para sa kanilang ipinaglalabang hangarin. Mayroon man o wala ito, hindi mawawalan ng batang tulad ng nasa larawang inilabas ni Lorenzana na namatay sa laban na
kasama ang mga rebeldeng komunista. Hinihingi sila ng pagkakataon na nangangailangan ng mga anak ng bayan para may magsulong ng pagbabago. Susulpot at susulpot ang mga ganitong uri ng mag-aaral dahil isinisilang sila ng panahon na ang kasagutan sa kahirapan at kagutuman dahil sa maling pamamahala ay pananakot, karahasan at kamatayan. Kung may maituturing na salarin ay si Lorenzana dahil ipinagtatanggol niya ang ganitong klase ng pamamahala.