Malalaking pagbabago sa US energy program
NAKIISA ang United States sa ilalim ng bagong President Joe Biden sa lumalagong pandaigdigang hakbang upang malabanan ang climate change. Sa kanyang unang linggo sa opisina, nanawagan siya para sa isang “whole-ofgovernment approach” upang makamit ang hangaring ito.
Ipinag-utos niya sa lahat ng federal agencies ang pagbili ng elektrisidad na pollution-free, at mga sasakyan na zero emissions. Biniyan din niya ng direktiba ang Department of Interior na harangin ang anumang aksiyon para sa mga bagong oil at natural gas leases sa mga public lands at offshore.
Nagtakda siya ng dalawang agresibong hangarin—kailangang makamit ng US ang clean electricity pagsapit ng 2035. At dapat na magkaroon ng net-zero emissions economy-wide pagsapit ng 2050.
Sa pagtatakda ng tiyak na petsa para sa dalawang espesipikong programa, sinamahan ng US ang China na nangakong ihihinto ang lahat ng carbon emissions pagsapit ng 2060, at ang Japan na nagtakda rin ng sarili nitong deadline na 2050 upang wakasan ang lahat ng emissions ng greenhouse gases.
Maging ang European Commission ay nagtatag na rin ng European Climate Change Program for 2000-2004, na nananawagan sa lahat ng bansang kasapi ng European Union na tapyasan ang kanilang collective greenhouse emissions ng 55 porsiyento ng 1900 levels pagsapit ng 2030.
Sa panahon ng administrasyong Trump, ibinasura ng US ang ideya ng climate change bilang dahilan ng worldwide carbon emissions. Isa sa mga unang hakbang noon ni President Donald Trump ay ang pagkalas ng US sa Paris Climate Change Agreement, na napagkasunduan ng mga bansa sa mundo, kabilang ang Pilipinas, na pababain ang emission upang mapanatili ang temperatura ng mundo sa pagtaas sa higit 2 degrees over pre-industrial levels.
Isa sa naging aksiyon ni President Biden sa kanyang pag-upo sa opisina nitong Enero 20 ay ang pagbalik ng US sa Paris Agreement. Pinangalanan niya ang dalawang climate officials – White House National Climate Adviser Gina McCarthy at Special Presidential Envoy for Climate Change John Kerry na magiging kinatawan ng US sa world stage.
Dagdag pa sa dalawa, pinangalanan ni President Biden si former Rep. Deb Haaland na mamuno sa Department of the Interior, Michael Regan bilang pinuno ng Environment Protection Agency, at former Michigan Gov. Jennifer Granholm bilang secretary of energy.
Isang Interagency Working Group on Coal and Power Plant Communities and Economic Rehabilitation naman ang bubuuin upang umisip ng paraan kung paano mapipigilan ang paglala ng environmental damage sa mga komunidad na apektado ng coal mining, oil drilling, at fracking, at suriin kung ang mga lugar ay maaaring i-convert bilang sentro para sa renewable energy.
Iniasa ng nakaraang US administration ang mga isyung pangkapaligiran sa ilang ahensiya ng gobyerno, kabilang ang Environmental Protection Agency, Department of Energy, at ang Department of Interior. Sinabi ng White House na isasama ng bagong Biden administration ang iba pang ahensiya sa pangkalahatang pagsisikap—ang Department of Housing and Urban Development, upang mag-implementa ng bagong pamantayan sa mga bagong konstruksiyon; ang Department of Transportation, upang magtayo ng mas maraming charging stations para sa mga electric vehicles; at ang Department of Agriculture upang makipagtulungan sa mga magsasaka ng bansa upang mabawasan ang nalilikhang carbon emissions mula sa livestock at lupa.
Mabigat pa rin ang pagsandal ng US economy sa oil, natural gas at oil, ngunit tumatahak na ito tungo sa renewable energy. Nagtakda na ang bagong Biden administration ng decarbonization targets at pinakilos “virtually” ang buong pamahalaan upang makamit ito.
Ang pagsisikap ng US, kasama ng iba pang maraming bansa, ay makatutulong nang malaki sa pagpapahinto ng polusyon na nagbabanta sa buong mundo sa pagtaas ng lebel ng karagatan, pagdalas ng wildfires sa maraming bahagi ng daigdig, at mas mapaminsalang mga hurricanes at bagyo.