MABUTING BALITA
Heb 12:4-7, 1115 • Slm 103
Noong panahong iyon, si Hesus ay nagtungo sa sariling bayan, kasama ang kanyang mga alagad. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, nagturo siya sa sinagoga. Nagtaka ang maraming nakarinig sa kanya at nagtanong, “Saan niya nakuha ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakagagawa ng mga kababalagban? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago at Jose, Judas at Simon? Dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” At siya’y ayaw nilang kilanlin. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang propeta’y iginagalang ng lahat, liban lamang ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.” Hindi siya nakagawa ng anumang kababalaghan doon, maliban sa pagpapatong ng kanyang kamay sa ilang maysakit upang pagalingin ang mga ito. Nagtaka siya sapagkat hindi sila sumampalataya. At nilibot ni Hesus ang mga nayon sa paligid upang magturo.
PAGSASADIWA:
“At namangha siya sa kawalan nila ng paniniwala.”—Sa Marcos 3:21, dumating ang mga kamaganak ni Hesus at nagtangka silang hulihin siya dahil iniisip nilang nababaliw na siya. Sa ebanghelyo, muling bumalik si Hesus sa kanyang bayan at nang makilala siya ng kanyang mga kababayan sa loob ng sinagoga, tinawag siya sa harapan at binigyan ng pagkakataong bumasa mula sa banal na kasulatan at magbigay ng ilang pananalita. Hudyat ito ng mataas na pagtingin ng mga kababayan ni Hesus sa kanya. Katunayan, namangha sila sa kanyang karunungan. Higit pa rito, namangha rin sila sa mga himalang ginawa niya. Malaking palaisipan sa kanila kung saan kinuha ni Hesus ang kanyang kapangyarihan gayong iniisip nilang kilala nila si Hesus at ang kanyang mga magulang at mga kamag-anak.