Nakatutok tayo sa mga kaganapan sa Myanmar
MAHIGPIT nating tinututukan ang mga kaganapan sa Myanmar, para sa ilang rason.
Isa itong kapatid na bansa na maraming pagkakatulad sa atin. Magkapitbahay tayo sa bahaging ito ng daigdig, isang grupo ng mga bansa sa Timog Silangang Asya sa timogkanlurang bahagi ng malawak na Karagatang Pasipiko. Ang Myanmar, na may higit 650,000 square kilometers ay higit doble ang sukat sa land area ng Pilipinas na may higit 298,000 square kilometers. Ngunit ang ating populasyon na 110 milyon ay higit na doble sa Myanmar na may 54.5 milyon.
Kapwa tayo napasailalim sa kolonyal na pamamahala. Ang Myanmar, na kilala bilang Burma, ay dating pinamahalaan ng British mula 1824 hanggang 1948. Ang Pilipinas ay dating kolonya ng Spain sa loob ng tatlo’t kalahating siglo, at ng United States na tumagal ng kalahating siglo hanggang 1946. Sa kasalukuyan, kapwa miyembro ang dalawang bansa ng ten-nation Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Nitong Lunes, laman ng balita ang Myanmar—isang military takeover sa pamahalaan ang nagpatalsik sa halal na gobyerno na pinamumunuan ni State Counselor Suu Kyi, na ang partido ay nanalo kamakailan sa ginanap na parliamentary elections, at ni President Win Myint. Iginiit ng militar, sa pangunguna ni Gen. Min Aung Hlaing, na nagkaroon ng dayaan at iba pang iregularidad sa halalan at pumalit sa pamumuno.
Matagal na pinanghawakan ng militar ang kapangyarihan sa Myanmar. Mula nang makalaya mula sa pamamahala ng Britain noong 1948, dalawang beses na nakuha ng militar ang pamumuno sa bansa sa pamamagitan ng kudeta noong 1962 at 1988.
Mabilis na kinondena ng United Nations, United States, at Australia ang naganap na kudeta, ngunit ang Pilipinas, at iba pang bansa sa ASEAN ay tinitingnan ito bilang usaping panloob. “We will not meddle,” pahayag ni presidential spokesman Harry Roque. Ang ating agarang pangamba ay para sa kaligtasan nang maraming Pilipino na nagtatrabaho sa Myanmar sa mga industriya nito gayundin para sa United Nations at iba pang international agencies.
Ilang grupo naman ang nagsabi na sa Pilipinas, laman ng balita ang militar nitong mga nagdaang araw. Kamakailan lamang, ilang opisyal ng militar ang nagsabing nagiging “breeding ground” ang Unibersidad ng Pilipinas para sa mga estudyante na kalaunan ay sumasali ng New People’s Army. Naglabas pa ang militar ng isang listahan ng mga pangalan na kalaunan ay itinakwil naman ng mas matataas na opisyal.
Kaya naman pinahupa ni Secretary of Defense Delfin Lorenzana ang anumang pangamba hinggil sa sitwasyon sa Myanmar. Ang pagkuha ng kapangyarihan ng militar “will never happen” sa Pilipinas, aniya.
Malayo ang posibilidad ng isang military takeover sa Pilipinas, dagdag ni Civil Defense Administrator Ricardo Jalad. May ganitong pagtatangka sa mga unang taon ng Cory Aquino administration matapos ang pagbagsak ng batas militar, ngunit nabigo ito at hindi hahayaan ng militar na maulit ang pagtatangka, aniya.
Nakikiisa tayo sa pag-asang ito at pagpapahayag ng kumpiyansa, ngunit kailangan nating patuloy na tutukan ang mga kaganapan sa Myanmar at anumang mga kaugnay na bagay dito at sa ibang bahagi ng mundo. Tulad ng ipinupunto sa tanyag na sipi mula kay Thomas Jefferson ng US, “eternal vigilance is the price of liberty.”