Heb 12:18-19, 2124 • Slm 48
Noong panahong iyon, tinawag ni Hesus ang Labindalawa, at sinugong dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinan: “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.” Sinabi rin niya sa kanila, “At sa alinmang tahanang inyong tuluyan—manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang dako, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.” Kaya’t humayo ang Labindalawa at nangaral sa mga tao na pagsisihan nila at talikdan ang kanilang mga kasalanan. Pinalayas nila ang maraming demonyo sa mga inaalihan nito; pinahiran nila ng langis at pinagaling ang maraming maysakit.
PAGSASADIWA:
Maraming demonyo ang kanilang pinalayas at marami ring maysakit ang pinagaling nila sa pagpapahid ng langis.—Isinugo ni Hesus ang mga apostoles ng dala-dalawa para may kaagapay ang bawat isa at para hindi nila makalimutan na ang gawaing iniatang ni Hesus sa kanila ay hindi para sa isang tao lamang, kundi para sa buong bayan ng Diyos. Ibinilin ni Hesus na huwag silang magdala ng salapi at pagkain. Kailangang nakasandalyas at may isang damit lamang. Nais ni Hesus na maging mabilis ang paglalakbay ng mga apostoles at hindi sila maabala sa maraming alalahanin. Hindi maaaring makapaghintay ang pagpapalaganap ng Magandang Balita kaya’t kailangang maging mabilis ang kanilang pagkilos. Kailangang matuto rin ng kababaang-loob ang mga apostol sa pagtanggap nila ng tulong mula sa mga tao. Kailangan silang makuntento at hindi maging mapili ng matitirahan.