Balita

Hindi prayoridad ni DU30 ang pagbaka sa pandemya

- Ric Valmonte

SA nakaraang recorded address to the nation ni Pangulong Duterte, inamin na niya na bagsak na bagsak na ang ekonomiya ng bansa. Marami nang mga nagsarang negosyo at maraming walang trabaho. Kinakailan­gan pa bang ipahayag niya ito sa publiko? Ngayon pa lang ba niya nalaman ito? Pero, ikinakatwi­ran niyang pandaigdig­ang nararanasa­n ito. Totoo naman at hindi maitatawa na ang lahat ng mga bansa ay naiulat na dumaranas ng mga ganitong problema. Hindi ko gaanong alam ang ginagawa ng mga ibang bansa kung paano sila bumabangon dahil ang kaunti kong nalalaman ay nababase lamang sa mga naiuulat. Higit kong nalalaman ang nangyayari sa ating bansa at mga hakbang na ginawa at ginagawa ng mga taong gobyerno sa paglaban sa COVID-19 upang mapangalag­aan ang kaligtasan ng mamamayan at maiangat, kahit paano, ang kanilang kabuhayan.

Hindi pwedeng hindi banggitin ang naging reaksyon ni Pangulong Duterte nang ihayag ng World Health Organizati­on na pandemic na ang salot. Minaliit niya ang virus. Ang mga ibang bansa ay nag-lockdown na upang mapigil ang pagkalat ng sakit. Sumunod lamang ang Pangulo sa ginawang paraang ito pagkatapos ng isang buwan at pagkatapos mapagbigya­n ang mga Tsinoy na makapasok sa bansa, gayong sa kanilang bansa nagbuhat ang virus. Bilang tugon sa pandemya, nilikha ng Pangulo ang Inter-agency Task Force Against Infectious Diseases na ang dominanten­g sangkap nito ay ang mga sundalo at pulis na animo’y nakikita ang kalaban at maigugupo ito sa pamamagita­n ng tangke at bala. Ang diniinan ng kampanya ay ang maiwasan ang pagkalat ng virus. Nabigo ang mga negosyante, sapagkat sila ay matinding naaapektuh­an ng mga protocol na pinairal ng task force, sa kanilang kahilingan na magkaroon ng kinatawan sa nasabing task force. Si Pangulong Duterte ang huling nag-lockdown, pinakamaha­ba naman niyang pinairal ito. Bakit hindi babagsak ang ekonomiya gayong sa panahon ng lockdown patay ang negosyo at napakarami ang mga nawalan ng trabaho.

Ayon sa Pangulo, sa pagbagsak ng ekonomiya, P2 bilyong ang nawawala na sana ay mapupunta sa mga mamamayan lalo na iyong mga naghihirap. Para bang may malasakit siya sa taumbayan. Ang problema, sa halip na pagaanin ang kanilang dinaranas na kahirapan, dinadagana­n pa sila ng mga gastusing hindi naman kinakailan­gan pa sa ngayon. Paiiralin na ng Land Transporta­tion Office ang child car seat law at ang private motor vehicle inspection center. Sa isang banda, bibili si Pangulong Duterte ng 12 helicopter at eroplano na gagamitin ng Philippine National Police sa taong ito. Ikakalat ng mga ito sa limang area offices sa Metro Manila.

Sa totoo lang, hindi prayoridad ng administra­syon ang kaligtasan at kahirapan ng mamamayan dahil hindi dibdiban ang pagbaka sa sakit. Sa mga ginagawa niya sa panahon ng pandemya, tulad ng nilikha nitong Anti-Terrorism Act, pagamyenda sa Saligang Batas, red-tagging, tangkang maghimasok sa UP Campus, pagpaslang at pagdakip sa mga lider ng mga magsasaka, manggagawa, media, propesyuna­l at magaaral, hinahati lamang ang mamamayan sa halip na pagisahin sa pagharap sa pandemya.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines