Balita

Lumang palaspas, puwedeng sunugin sa bahay

- Mary Ann Santiago

Pinayagan na ng Simbahang Katolika ang opsiyon na sa kanikanila­ng mga tahanan na lamang sunugin ng mga mananampal­ataya ang kanilang lumang palaspas, kung hindi nila madadala ang mga ito sa mga simbahan, upang magamit ang mga abo nito sa Ash Wednesday sa darating na Pebrero 17.

Ang Ash Wednesday ay hudyat ng pagsisimul­a ng panahon ng Kuwaresma.

Ayon kay Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng committee on public affairs ng maimpluwen­siyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippine­s (CBCP), dapat pa ring dalhin sa simbahan ang mga palaspas, gayunman, kung hindi talaga madadala ng mga pamilya ang kanilang lumang palaspas sa simbahan para sunugin, ay binibigyan nila ang mga ito ng opsiyon na sa bahay na lamang isagawa ang pagsunog.

“Dapat pa ring dalhin sa simbahan. Pero meron kasing pagkakatao­n na hindi pwedeng lumabas ang mga tao ng bahay kasi nga may mga age restrictio­ns, kaya nagkaroon din ng option na ‘yung mga family pwede rin nilang sunugin ang mga palaspas na meron sila, lalong-lalo na ‘yung ‘di rin naman sila makakasimb­a sa araw na yan,” paliwanag ni Secillano, sa isang panayam sa teleradyo.

Paglilinaw naman ni Secillano, hindi basta-basta lamang sinusunog ang mga palaspas dahil may ritwal aniya na sinusunod para dito.

Aniya, mayroon naman silang kopya ng naturang ritwal na maaaring ipamigay at matatagpua­n na rin sa Facebook account ng mga Parokya.

“Merong ritwal na dapat gawin at meron kaming kopya n’yan, pwede naming i-disseminat­e ‘yan at nasa Facebook account ng mga parokya. Andoon ang ritwal na babasahin, dadasalin ng mga pamilya para magawa ang pagsusunog ng palaspas,” aniya.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Secillano na magpapatup­ad pa rin ng pagbabago ang simbahan hinggil sa pagdiriwan­g ng Ash Wednesday dahil pa rin sa nananatili­ng banta ng pandemya ng coronaviru­s disease 2019 (COVID-19).

Aniya, sa halip na ipahid sa noo ang abo ay ibubudbod na lamang ito sa tuktok ng mga tao.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines