Balita

Panelo, nakaquaran­tine

- Ni GENALYN KABILING

Kusang sumailalim sa home quarantine si Chief Presidenti­al Legal Counsel Salvador Panelo kung saan siya pansamanta­lang nagwo-work from home matapos na makasalamu­ha ang isang kasamahang opisyal na tinamaan ng coronaviru­s disease 2019 (COVID-19).

Sa kanyang programa nitong nakaraang Miyerkules (Pebrero 17), ibinunyag ni Panelo na ipinasya niyang gawin ang nasabing hakbang matapos masuring positibo sa COVID19 si Presidenti­al assistant for Visayas Michael Dino.

Si Dino ay isa lamang sa mga opisyal ng gobyerno na nakasama ni Panelo sa paglulunsa­d ng isang health facility sa Laoag City, Ilocos Norte, nitong nakaraang Huwebes.

“Tayo ay nasa quarantine sapagkat gaya ng kwento ko sa inyo kahapon tayo na-expose kay Secretary Michael Dino, ang ating Presidenti­al adviser on affairs sa Visayas dahil noong nagpunta kami sa Laoag, siya pala ay mayroong driver na may COVID,” ang bahagi ng pahayag ni Panelo nang sumalang sa kanyang programang “Counterpoi­nt.”

“Siguro noon hinatid siya sa airport, most likely baka unconsciou­sly naghubad ng kanyang face mask o ‘di nadapuan siya. Eh kaya since naexpose kami ni Senador Bong Go, kailangan mag-quarantine kami,” dagdag pa ni Panelo.

Kamakailan, isinapubli­ko ni Dini na nagpositib­o ito sa virus matapos makasalamu­ha ang taong nahawaan ng sakit.

Hinikayat din nito ang mga nakasalamu­ha nito na magpasuri laban sa virus.

Nang sumalang si Panelo sa kanyang programa na kinunan sa bahay nito, napansin ng publiko na naka-face mask ito. Ipinasya niyang gawin ito at ipairal ang health protocols upang maprotekta­han ang sarili at ang pamilya nito.

“Kaya tayo naka-face mask kahit nandito sa bahay dahil may mga kasama tayo sa bahay, lalung-lalo pa ang mga kasama ko laging nasa opsital. Sapagakat sila ay mga doktor. Ang asawa ko ay doktor, ang anak ko ay doktor. Tapos mayroon pa akong driver,” lahad ng opisyal.

Muli rin itong umapela sa publiko na magpatupad ng health measures, katulad ng pagsusuot ng face mask, physical distancing at iba pa.

Pinayuhan din nito ang publiko na kumain ng prutas at gulay, uminom ng bitamina, dalasan ang pag-eehersisyo at matulog nang walong oras upang maging malusog.

“Huwag na masyado junk food. Exercise pa rin ang the best. Sabi ni Dra. Panelo, walking okay na raw,” pahayag pa ni Panelo.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines