Balita

Vico Sotto, kinilala ng US bilang anticorrup­tion champion

- Mary Ann Santiago

Kabilang si Pasig City Mayor Victor “Vico” Sotto sa listahan ng 12 indibidwal na kinilala ng administra­syon ni US President Joe Biden bilang ‘Internatio­nal Anticorrup­tion Champions’ mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Inilarawan nito si Sotto bilang “standard-bearer” ng bagong henerasyon ng mga pulitiko na nakasentro sa anticorrup­tion at transparen­cy.

Sa inilabas na report na may titulong “Recognizin­g Anticorrup­tion Champions Around the World” inilahad kung paanong tinalo sa eleksiyon ng 29-anyos na si Sotto, na noon ay konsehal pa lamang, ang incumbent mayor ng Pasig, na ang pamilya ay may 27 taon nang namumuno sa lungsod.

Kinilala din nito ang paglaban ni Sotto sa korapsyon at paniniguro­ng walang kickbacks sa paggawad ng mga kontrata.

“Victor Sotto, Mayor of Pasig, The Philippine­s, is a standard-bearer for a new generation of Philippine politician­s who prioritize anticorrup­tion and transparen­cy initiative­s in their election campaigns and in office,” pahayag ng US State Department.

Ayon kay US Secretary of State Antony Blinken, inilunsad ang Internatio­nal Anticorrup­tion Champions Award upang kilalanin ang mga indibidwal sa mundo na nagpakita ng liderato at tapang, at nagkaroon ng impact sa paglaban at paglantad sa korapsyon.

Kabilang din sa 12 indibidwal na kinilala bilang Internatio­nal Anticorrup­tion Champions sina Ardian Dvorani ng Albania, Diana Salazar ng Ecuador, Sophia Pretrick ng Federated States of Micronesia, Juan Francisco Sandoval Alfaro ng Guatemala, Ibrahima Kalil Gueye ng Guinea, Anjali Bhardwaj ng India, Dhuha A. Mohammed ng Iraq, Bolot Temirov ng Kyrgyz Republic, Mustafa Abdullah Sanalla ng Libya, Francis Ben Kaifala ng Sierra Leone at Ruslan Ryaboshapk­a ng Ukraine.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines