Balita

Duterte, gusto ng paspasang serbisyo sa gobyerno

- Genalyn Kabiling

Sa nalalapit na pagwawakas ng kanyang anim na taong pagkapangu­lo, nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin ang lahat ng gawain sa gobyerno nang pinakamabi­lis hangga’t maaari.

Sa kanyang pagbisita sa Surigao del Sur noong Martes, inamin ng Pangulo na siya ay naging napakamain­ipin, at nais ang mabilis na pagpapatup­ad ng mga programa, pati na rin ang pagproseso ng mga dokumento, lalo na’t may ilang buwan na lamang siyang natitira sa posisyon.

Nabanggit ang kanyang kagustuhan para sa mas mabilis na serbisyo ng gobyerno matapos niyang atasan ang mga miyembro ng Gabinete na bilisan ang pagproseso at pamamahagi ng tulong sa mga lugar na apektado ng Bagyong “Auring.”

Si Duterte, ang dating alkalde ng Lungsod ng Davao na nahalal sa pangako na lalabanan ang iligal na droga at katiwalian noong 2016, ay bababa sa Hunyo 2022.

“I am a very impatient man, not because by design but kakaunti na lang kasi ang panahon na pagka-presidente ko. Gusto ko ‘yong dapat gawin, gawin na kaagad para ano,” sinabi niya sa kanyang inirekord na pahayag na ipinalabas sa telebisyon ng estado nitong Martes ng gabi.

“Kaya ngayon, even in the matter of permits, maski anong klaseng permit pa, mining, hindi ko pinapataga­l,” dagdag niya.

Binanggit ng Pangulo na iniutos na niya ang mas maikling panahon ng pagproseso para sa mga permiso ng gobyerno at iba pang mga dokumento, lalo na sa lokal na antas.

“I tell them just give them 30 days. And there’s a very simplified (system for) clearances now sa local government,” aniya. Sa situation briefing tungkol sa pinsalang iniwan ni Auring, pinaalalah­anan ng Pangulo ang mga miyembro ng Gabinete na huwag pilitin ang mga lokal na opisyal mula sa mga lugar na sinalanta ng bagyo na pumunta sa Maynila para lamang mag-follow up sa relief aid. Sinabi niya sa kanila na sa halip ay bumalik sa lugar, o ipadala ang kanilang mga kinatawan upang makumpleto ang gawain.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines