SINOVAC VACCINES, DUMATING NA!
Sisimulan na ng pamahalaan ang programa nitong pagbabakuna sa pagdating ng mahigit sa isang milyong dosis ng coronavirus disease (COVID19) vaccines.
Ito ang tiniyak kahapon ni vaccine czar at National Task Force Against COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr.
matapos na dumating sa bansa kahapon ang 600,000 CoronaVac vaccines mula sa Chinese pharmaceutical firm na Sinovac Biotech Ltd.
Ang nasabing bakuna ay sakay ng Chinese plane na dumating sa Villamor Air Base sa Pasay City, kahapon.
Ngayong araw, Lunes, inaasahan ding idi-deliver sa bansa ang 525,600 vaccine doses mula sa BritishSwedish pharmaceutical company na AstraZeneca.
“With the arrival of vaccines from Sinovac and AstraZeneca on Sunday and Monday, respectively, the country’s vaccine rollout formally starts,” ayon kay Galvez.
Ang naturang Sinovac vaccines ay donasyon lamang ng Chinese government sa Pilipinas.
Nitong Pebrero 13, ipinaalam ng Chinese Embassy sa Department of Foreign Affairs (DFA) na aabot sa 500,000 doses ng bakuna ang mapupunta sa national government habang ang 100,000 doses ay ilalaan sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Magmumula naman ang AstraZeneca jabs sa World Health Organization (WHO)-led COVAX facility, isang global initiative para sa equitable access ng COVID-19 vaccines kung saan kabahagi ang Pilipinas.
Kamakailan, binigyan na ng Food and Drug Administration (FDA) ng Emergency Use Authorization (EUA) ang Sinovac at AstraZeneca.
Inihayag ni Galvez, ang paunang dosis ng bakuna ay ibibigay sa mga piling malalaking ospital, kabilang na ang Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila.
“Ito po ay isang pagpapatunay na ang lahat ng mga bakuna na ating ituturok sa ating mga kababayan ay ligtas at epektibo.
Kaya’t hinihikayat po namin ang ating mga kababayang Pilipino na magparehistro na sa kanilang mga barangay upang kayo ay makapagpabakuna na,” sabi ni Galvez.
Naiulat na magpapaturok si Galvez ng Sinovac vaccine sa PGH ngayong araw.
Kabilang din sa inaasahang magpapabakuna sina Health Secretary Francisco Duque at NTF deputy chief implementer at testing czar Vince Dizon.