Myanmar’s UN envoy sinibak matapos batikusin ang junta
Sinibak ng Myanmar ang United Nations ambassador nito matapos nitong kondenahin ang pagpapatalsik sa civilian leader Aung San Suu Kyi, habang patuloy ang crackdown ng mga pulis sa mga nagpoprotesta sa buong bansa.
Niyanig ang bansa ng bugso ng demostrasyon mula nang patalsikin sa pamamagitan ng kudeta si civilian leader Aung San Suu Kyi nitong Pebrero 1.
Pinalakas ng awtoridad ang paggamit ng puwersa upang makubkub ang mga tumututol, sa pagpapakawala ng tear gas, water cannon at rubber bullets upang watakin ang hanay ng mga raliyista.
Para pangatwiranan ang pagkamkam sa kapangyarihan, ipinakalat ng militar ang umano’y naganap na malawakang pandaraya sa naganap na eleksiyon noong Nobyembre, na napagwagian ng partido ni Suu Kyi via landslide, at nangako ng panibagong halalan sa loob ng isang taon.
Gayunman, nilabag ng kinatawan ng Myanmar sa United Nations ang tungkulin nito at nagpahayag ng apela sa international community para sa “the strongest possible action... to restore democracy”.
Nanawagan din si Kyaw Moe Tun sa kanyang “brothers and sisters” sa Burmese na patuloy na lumaban.
“This revolution must win,” aniya, nasinundan nito ng pagpapakita ng three-finger salute na naging simbolo ng pagtutol sa junta.
Nitong Sabado ng gabi, inanunsiyo ng state-run TV ang pagtanggal sa tungkulin ni Kyaw Moe Tun bilang Myanmar’s UN ambassador.
“(He) didn’t follow the order and direction by the state and betrayed the country,” ayon sa MRTV broadcast.
“That is why he is revoked from his position starting from today.”