Maaari tayong matuto sa ‘Ministry for Loneliness’ ng Japan
NAGTALAGA si Prime Minister Yoshihide Suga ng Japan ng isang “Minister for Loneliness” sa kanyang gabinete sa gitna ng pagtaas ng kaso ng pagpapakamatay sa unang pagkakataon sa nakalipas na 11 taon. “The number of suicides is on a rising trend. I hope you will identify problems and promote policy measures comprehensively,” pahayag ng prime minster sa kanyang itinalaga sa bagong posisyon—si Tetsushi Sakamoto.
Lumobo ang bilang ng mga taong nagpapakamatay sa Japan sa unang pagkakataon sa nakalipas na higit isang dekada nitong nakaraang taon. Nagkaroon ng pag-usad sa paglaban sa mataas na suicide rate ang bansa ngunit pinanumbalik ng pandemya ang takbo nitong nakaraang taon. Nitong 2020, iniulat ng Ministry of Health and Welfare ng Japan ang 20,019 suicides, kumpara sa 3,460 pagkamatay mula sa COVID-19 sa kaparehong panahon.
Maraming salik ang pagpapakamatay nitong 2020 sa Japan, pinakauna rito—49 porsiyento— ang isyung pangkalusugan, mental man o pisikal. Sunod sa listahan ng sanhi ang isyu sa salapi at kahirapan, 17 porsiyento; isyu sa tahanan at pamilya, 15 porsiyento; isyu kaugnay ng trabaho, 4 porsiyento. Marahil ang pandemya nitong 2020 ay naging mahalagang salik sa mga isyung nabanggit.
Walang bansa sa mundo ang nakaligtas sa pandemya nang kumalat ito nitong nakaraang taon, bagamat tila hindi ito masyadong nakaapekto sa suicide rate ng ibang mga bansa ‘di tulad ng sa Japan. Sa Pilipinas, isang ulat mula World Health Organization ang nagsabi na nakatatanggap ang lokal na opisina nito ng 30 hanggang 35 tawag kada araw na nag-uulat ng kaso ng depresyon noong Marso-Abril-Mayo 2020, sa kasagsagan ng pandemya sa bansa.
Ngunit hindi naman ito tumulak sa aktuwal na kaso ng pagpapakamatay. Marahil malaking bahagi dahil sa malakas na impluwensiya ng Simbahang Katoliko sa mga Pilipino at ang malakas ng pagkondena ng simbahan sa pagpapakamatay bilang mortal na kasalanan. Nariyan din ang posibilidad na dahil hindi sinasang-ayunan ang pagpapakamatay sa lipunang Pilipino, ibang sanhi ng pagkamatay, sa halip sa suicide, ang kalimitang iniuulat.
Sa nagpapatuloy na pandemya, ang South Korea ang nakaranas ng pinakamaraming pagkamatay sa bahaging ito ng planeta. Sa buong mundo, pinakamatinding nagdusa sa COVID-19 ang United States, India, Brazil, Russia, at United Kingdom.
Ngunit tila Japan ang pinaka nagdurusa mula sa pagtaas ng kaso ng suicide, marahil dulot ng pagtaas ng isolation ng mga mamamayan nito at nagreresulta sa kalungkutan, partikular sa mga kababaihan ng bansa. Sinabi ni Prime Minister Suga na, “Women are suffering from isolation more than men and the number of suicides is on a rising trend.”
”I hope you will identify the problems and promote policy measures comprehensively,” mensahe ng prime minister kay Minister Sakamoto, na una nang nakatalaga sa paglaban sa bumababang birth rate ng bansa at pagpapalakas ng regional economies.
Maaaring kakaiba ang titulong “minister of loneliness” para sa isang posisyon sa gabinete, ngunit tinutumbok nito ang paniniwala ng prime minister na ugat ng tumaas na kaso ng pagpapakamatay sa bansa. Hindi man tayo malapit sa kaso ng suicide sa Pilipinas dahil sa panlipunan at relihiyong karanasan, ngunit dapat may matutunan tayo habang nakikita natin ang Japan na nagpapatupad ng kanilang eksperimento sa pamamagitan ng “ministry for loneliness.”