70% ng healthcare workers sa Marikina, handang magpaturok ng Sinovac
INIHAYAG ni Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro na nasa 70 porsiyento ng healthcare workers sa kanilang lungsod ang handang tumanggap ng COVID-19 vaccine ng Sinovac mula China.
Ayon kay Teodoro, nakumbinse at nagbigay ng consent ang naturang mga healthcare workers upang maturukan sila ng Sinovac.
Ang natitira pa naman aniyang 30 porsiyento ay nagpahayag naman ng kagustuhan na maghintay muna ng pagdating ng Astra Zeneca, na siyang preferred nilang brand, bago magpaturok ng bakuna.
Ayon sa alkalde, bagamat bibigyan ng pamahalaan ang mga health workers ng right to refuse ay pinayuhan rin niya ang mga ito na mas makabubuti kung magpabakuna agad kaysa hintayin ang pagdating ng nais nilang vaccine brand upang magkaroon na kaagad ng proteksiyon laban sa COVID-19, lalo na’t palagi silang lantad sa virus.
"Mabuting may proteksyon ka na sa pagkakataong ito. Dahil kung maghihintay ka pa ng linggo o buwan bago mo matanggap ang preferred vaccine mo, yung oportunidad para dun sa viral transmission ay naroon palagi," ani Teodoro, sa panayam sa radio at telebisyon.
“Tandaan natin mga ospital ito, ang exposure ay mataas. Kaya nga sabi namin sa kanila, mabuting may proteksiyon ka na doon sa moderate to severe para kung sakaling magkaroon ka man ng impeksiyon ay mild na lamang,” aniya pa. "'Yung possibility of fatality and other comorbidities ay mababawasan naman. Tingnan nila ang benefit-to-risk ratio.”
Nitong Linggo ay nakatakdang dumating ang Sinovac at habang ngayong Lunes naman inaasahang darating ang mga bakunang gawa ng AstraZeneca.
Aniya, isa ang Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa mga unang makakatanggap ng bakuna dahil isa itong COVID referral hospital.
Aminado naman si Teodoro na hindi kasama sa order nilang bakuna ang
Sinovac, ngunit ayaw aniya nilang alisin ang pagkakataon sa mga kababayan na mabakunahan agad.
Ipinaliwanag rin ni Teodoro na bago sila mag-order ng mga bakuna ay tinanong muna nila ang kanilang mga kababayan kung ano ang preferred brand ng mga bakuna ng mga ito, at iyon ang pinagbasehan nila sa pag-order.
“Nag-order kami ayon sa gusto ng mga residente,” aniya pa.
Batid naman aniya nila na magkakaroon ng alokasyon ang lahat ng local government units (LGUs), kaya inaasahan na nilang magkakaroon rin ang Marikina ng suplay ng Sinovac, kaya’t kasama rin ito sa bakunang maaaring pamilian ng mga residente.
Ang tanong na lamang aniya ngayon ay kung kailan ba talaga darating sa bansa ang iba pang brand ng bakuna na binili ng mga LGUs.
Aniya, bagamat tiniyak naman na sa kanila na aprubado na ang kanilang order na bakuna ay wala pang eksaktong petsa kung kailan ang pagdating ng mga ito.