GINAGAMOT SA COVID-19, 200K+ NA!
Sumampa na sa mahigit 200,000 ang kasalukuyang ginagamot sa COVID-19 sa bansa, matapos makapagtala ang Department of Health (DOH) ng karagdagang 11,101 kaso nitong Sabado, Abril 17.
Ito ang pinakamaraming active cases na naitala sa buong Southeast Asia simula nang magkaroon ng pandemya noong Enero 2020.
Sa latest data ng DOH, may kabuuang 926,052 na ang nagpositibo sa COVID-19 sa Pilipinas.
Sa bilang na ito, 203,710 ang active cases, habang 15,810 na ang namatay. Ngayong halos sumampa na sa 16,000 ang nasawi sa COVID-19 sa bansa, malaking usapin ang malaking pagkakaiba ng computations ng DOH at ng OCTA Research Group sa fatality rates sa Metro Manila.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakikipag-ugnayan na sila sa mga statisticians ng OCTA upang alamin kung paano nito na-compute ang 5.4% case fatality rate sa National Capital Region (NCR), gayung 1.46% lang ang naitala ng DOH.
Nababahala ang OCTA sa 5.4% fatality rate na naitala nito sa Metro Manila simula noong Marso 28 hanggang Abril 13, na tatlong beses ang itinaas mula sa 1.82% noong Marso 1-27.
“When we saw the difference, we reached out to OCTA,” sinabi ni Vergeire sa televised briefing ngayong Sabado. “Our experts and epidemiologists intend to meet with them, so we can have a unified messaging.”
Nilinaw naman ni Vergeire na sadyang may “different opinions” ang mga epidemiologists sa mga case fatality rates dahil gumagamit ang mga statistician ng magkakaibang numerators at denominators para matukoy ang aktuwal na percentage.
Hindi sinabi ni Vergeire kung kailan makikipagpulong ang DOH sa OCTA, pero iginiit niyang ang computation ng DOH ay base sa formula na itinakda ng World Health Organization (WHO) at ng US Centers for Disease Control and Prevention.
Batay sa formula na gamit ng DOH, ang lahat ng kumpirmadong kaso, kabilang ang mga pagkamatay, mga gumaling, at mga aktibong kaso, ay pawang bahagi ng denominator.
Samantala, wala pang paliwanag ang OCTA sa ginawa nitong computation, bagamat iginiit ng research group ng University of the Philippines (UP) na ginagamit nito ang datos ng DOH na basehan sa kanilang mga pag-aaral.
“The DOH and OCTA are both working using the same data set and maybe the difference is on the averaging of the data,” sabi ni Butch Ong, fellow ng OCTA.
“The DOH and OCTA are both working using the same data set and maybe the difference is on the averaging of the data,” dagdag ni Ong.
“Probably, it’s in some of the mathematical assumptions and some mathematical elements used by OCTA and the DOH. But both of us are working to advise on policy to keep people informed,” aniya.
Sa datos ng DOH, nasa 5,912 na ang namatay sa kabuuang 407,096 na confirmed COVID-19 cases sa Metro Manila.