TALAMAK ANG PANLOLOKO
Sa isa sa kanyang mga lingguhang pahayag sa publiko, nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte ng labis na pagkadismaya kaugnay ng hindi matinag-tinag na kalaban, ang coronavirus disease 2019 o COVID-19 na may kakayahang masabayan at igupo ang mga itinuturing nitong kahinaan.
Inamin ni Duterte na nahihirapan siyang resolbahin ang matitinding perhuwisyong idinudulot ng pandemya bago niya ipinag-utos ang muling pagpapaigting sa mga panuntunan sa quarantine.
“Gusto ko na nga umiyak sa harap ninyo, pero naubos na ang luha ko.”
Muli niyang isinailalim ang National Capital Region at ang apat na magkakalapit na lalawigan sa pinakaistriktong mga limitasyon pero exempted ang mga kinakailangang pumasok sa trabaho.
“Hay, buhay. Kung alam lang ninyo. Para akong dumadaan ng purgatoryo ngayon, at this time,” himutok ni Duterte. “Halos back to zero tayo dito,” pag-amin niya matapos ianunsiyo ang mga bagong pagbabawal.
Nang araw na iyon, ang mga bagong nagpositibo sa COVID-19 ay lumobo na sa mahigit 8,000 at nang sumunod na araw, umaabot na sa lampas 10,000 kada araw, kaya naman nangamba ang mga health experts na hindi na kakayanin ng sistemang pangkalusugan ng bansa ang malawakang hawahan.
Sinamantala naman ng mga kritiko ang pagkakataong ito upang isisi sa Pangulo ang arawang pagdami ng nahahawahan ng virus na kalaunan ay nauwi sa nakakatawang panawagan ng iilan na bumaba na siya sa puwesto.
Mabilisang mapapaniwala ang mga uto-uto sa mga alegasyong nakikinabang sa tumitinding emosyon ng publiko na resulta ng krisis na nararanasan natin sa ngayon.
Gayunman, ibang-iba ang katotohanan sa inilalahad ng mga kritiko at may kumpletong perspektibo ang World Health Organization dito.
Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, ang biglang pagdami ng mga kaso ay nangyayari sa maraming dako ng mundo at sa nakalipas na dalawang buwan, halos dumoble na ang mga naitatalang bilang ng bagong nahawahan ng virus kada linggo.
Malapit nang maabot ng mga bilang ang pinakamaraming nahawahan “that we have seen so far during the pandemic,” ayon kay Ghebreyesus.
Ibinigay niyang halimbawa ang kasalukuyang nararanasan ng Papua New Guinea (PNG), na kamakailan lamang naapektuhan ng pandaigdigang sumpa.
Nang magsimula ang taon, hindi pa umaabot sa 900 ang naiulat na COVID-19 cases ng PNG, at siyam lamang ang namatay sa virus.
Sa ngayon, natukoy sa datos ng WHO na nasa mahigit 9,300 na ang kaso sa PNG, at 82 na ang nasawi sa bansa dahil sa COVID-19.
Bagamat maituturing pa ring kakaunti ang bilang na ito sa PNG, ang ikinababahala ng WHO ay ang biglaang pagdami ng mga kaso at ang posibilidad ng “much larger epidemic”.
Ang problema, ayon sa WHO, ay hindi sapat ang ginagawa ng mga pinuno ng mayayamang bansa, ang ilan ay abala sa pamumuna kay Pangulong Duterte, para tiyakin ang pantay-pantay na pamamahagi ng napakahalagang bakuna.
Ang PNG ay isang perpektong halimbawa sa pangangailangang magkaroon ng bakuna ang lahat dahil nagawa nitong mailagan ang banta sa matagal na panahon pero ngayon ay ginigiyagis na rin ng mas nakakatakot na virus strain.
Tinukoy din ng WHO ang “understandable fatigue with social restrictions, low levels of immunity among the population, and a fragile health system” bilang mga dahilan sa pandaigdigang paglobo ng mga kaso.
Sa buong mundo, iisa lamang ang mensahe: na ang lahat ng bansa, lalo na iyong mga may kakayahan, ay may tungkuling dapat gampanan para tuluyan nang matuldukan ang pandemyang ito.
Naging talamak din ang mga insidente ng panloloko sa panahong ito ng krisis at kabilang dito ang pamemeke ng mga impormasyon na layuning lituhin ang publiko.