MGA OFW SA CAMBODIA, NASAGIP
Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na nasagip ang isang grupo ng mga overseas Filipino workers na ginawang cryptocurrency scammer sa Cambodia, ayon kay DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac.
Sinabi ni Cacdac na malapit nang umuwi sa Pilipinas ang mga nabiktimang manggagawa.
“Meron tayong at least mga 9 ano, yun yung nasa ulat na natanggap namin na nasagip at of course soon they will be repatriated,” saad ni Cacdac at dagdag pa niya, patuloy ang kanilang operasyon para masagip ang iba pang Pilipinong nangangailangan ng tulong sa Cambodia.
“Alam natin na merong, meron pang, ito’y ongoing kasi yung mga, yung mga tinatawag na mga cryptocurrency scam, mga call center na nagsasagawa ng illegal activities in Cambodia, so alam natin na merong mga possible pang nabibiktima nito,” sabi ni Cacdac.
“Kaya’t we are cooperating, ang mahalaga dito we are cooperating, coordinating with the Cambodian authorities at sabay nito, naalertohan na rin ang Department of Justice natin, at ang IACAT, Inter-Agency Council Against Trafficking, para yung (Philippine National Police) at NBI naman ay makapag-ugnayan sa kanilang counterpart sa Cambodia,” dagdag niya.
Kuwento ni Cacdac, ang mga Pilipinong nabiktima ay pinaniwalang magtatrabaho sa isang call center.
“Eto yung mga tinatawag na grupo na sindikato na nag-lure sa kanila na magtrabaho doon, and merong mga Filipino elements kasi unfortunately, they’re being lured and given mga nakakaduda na mga means of communication. At pagdating doon, (may) mga elemento na susundo sa kanila sa airport at dadalhin sila sa probinsya. Tapos pagdating nga doon, yung kanilang cryptocurrency activities usually mga tagaUS yung mga binibiktima nila, pinagtatrabaho sila ng hanggang 16 na oras, walang tulog, 7 days a week,” sabi niya.
“At meron pang mga kuwento na sinasaktan eh. Physically eh, mga kinukuryente,” dadgag niya.
Payo ni Cacdac sa mga Pilipino, huwag patulan ang mga alok na trabahong hindi dadaan sa DMW o Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Ayon kay Cacdac, patuloy na nakikipag-ugnayan ang Pilipinas sa Cambodia para tuluyan nang masawata ang illegal recruitment at cryptocurrency scam na nagaganap dito.
“There are three ways na nakikipag-ugnayan tayo. Una yung diretso, sa Philippine Embassy ng (Department of Foreign Affairs) na nakikipag-ugnayan sa Cambodian authorities. Pangalawang kaparaanan yung through the IACAT, Inter-Agency Council Against Trafficking. At ito nga yung pakikipag-ugnayan through the DOJ, PNP, the NBI dito sa atin,” sabi ng opisyal.
“Pangatlo, meron kasing ASEAN Convention Against Trafficking. So doon, ay nag-sound na rin tayo ng red alert sa Cambodian counterpart nung trafficking, antitrafficking committee sa ASEAN.”