Daily Tribune (Philippines)

16 SUGATAN SA PAGSABOG NG LAUNDRY SHOP

- NI SEBASTIAN NAVARRO

Inihayag ng Manila Police District (MPD) nitong Martes na pumalo na umano sa 16 ang bilang ng mga nasugatan sa nangyaring pagsabog sa isang laundry shop sa Malate, Maynila noong gabi ng Lunes.

Sinabi ng MPD na dinala ang mga nasugatan sa Philippine General Hospital (PGH), Ospital ng Maynila at Adventist Medical Center Manila.

Ayon kay Cosme Villaflor, barangay tanod na biktima ng pagsabog, humingi ng tulong ang katiwala ng gusali sa barangay dahil nakarinig ito ng pagsingaw mula sa liquefied petroleum gas (LPG) na nakakabit sa dryer.

Habang pinipihit umano ng kasamahan ni Villaflor ang LPG ay bigla itong sumabog.

Nagtamo ng paso sa binti at tama sa pisngi si Villaflor habang kritikal sa ospital ang isa niyang kasamahan.

Matapos ang pagsabog, nagkalat ang mga basag na salamin at nawasak ang pader ng laundry shop.

Nadamay sa pagsabog ang mga katabing establisim­yento at may mga na-trap sa bilyaran sa ikalawang palapag ng gusali.

Nasugatan din umano ang ilang estudyante sa kalapit na unibersida­d na kumakain sa katabing restaurant ng laundry shop.

Bandang hapon ng Lunes nang maideliver sa shop ang LPG tank at hinala ng mga tauhan ng Barangay 708 ay hindi maayos ang pagkakabit nito.

“Nasilip natin na bandang sulok ng laundry shop, parang kusina yung pinanggali­ngan ng explosion,” saad ni MPD Director Brig. Gen. Andre Dizon.

Sa isang pahayag, sinabi ng De La Salle University na nabigyan agad ng first aid at medical attention ang kanilang mga estudyante­ng biktima ng pagsabog.

Umaapela naman ng tulong ang kaanak ng mga biktimang naka-confine ngayon sa PGH.

Patuloy ang imbestigas­yon ng mga awtoridad para matukoy ang sanhi ng pagsabog at kung ano ang magiging pananaguta­n ng may-ari ng naturang laundry shop.

Newspapers in English

Newspapers from Philippines