Daily Tribune (Philippines)

‘SPAGHETTI’ IPABABA

-

Sa lahat ng handaang Pinoy, hindi mawawala ang pansit at spaghetti. Mapa pista, binyag o kaarawan ang okasyon, kasama ng pansit at spaghetti ang sarisaring ulam, panghimaga­s at samalamig sa hapag-kainan. May paniniwala kasi na ang bihon o miki, na mahaba at tuloy-tuloy, ay sumisimbol­o ng paghaba ng buhay. Kaya kinagawian ng marami na kumain nito upang humaba ang kanilang buhay.

Samantala, ang itsura ng pansit at spaghetti na buhul-buhol ay sumasalami­n rin ng kaguluhan at pagkalabu-labo. Kaya naman spaghetti ang tingin at bansag ng isang senador sa sangkaterb­ang kable ng telepono at Internet na nakasabit sa mga poste lalo na sa Metro Manila.

Nagkataong may nagsumbong kay Senador Raffy Tulfo na bumagsak na mga kable sa EDSA dahil sa dami at bigat nito. Lumikha ito ng matinding pagkaantal­a sa daloy ng trapiko dahil humarang ang bumagsak na kable sa daan. Kumain ng oras ang pagtanggal ng bumagsak na kable upang muling makaandar ang mga sasakyan.

Sa isang parehong insidente sa Binondo, Manila, bukod sa perwisyo sa mga motorista, naabala rin ang mga naputulan ng Internet at kuryente sa lugar.

Dahil mapanganib ang spaghetti cable sa mga naglalakad sa bangketa at dumadaang sasakyan sa kalsada, at perwisyo sa mga subscriber ng Internet at mga kabahayan, sinabi ni Tulfo na nakasisira ito ng itsura ng kapaligira­n. Nais niyang matanggal ang mga ganitong kable tulad ng ginawa sa mga siyudad ng Cebu, Davao, Pasig at Valenzuela.

Sa Davao City, ang mga bagong ikinakabit na kable ay hindi na sa itaas inilalagay kundi sa ibaba o sa ilalim ng lupa upang hindi makita. Sa Pasig City naman ay may ordinansa na nagbibigay ng pananaguta­n sa mga kable sa mga telco o kumpanya ng kuryente kaya sila ang pinananago­t kung mayroong mga spaghetti cable.

Nanawagan si Tulfo na dapat magkaroon ng ganitong opsyon ang mga lokal na pamahalaan upang mawala na ang mga ganitong kumpol-kumpol na kable.

Newspapers in English

Newspapers from Philippines