Daily Tribune (Philippines)

TRIPULANTE­NG PINOY NAKALIGTAS SA ATAKE NG MGA HOUTHI

-

Ang mga rebeldeng Houthi ng Yemen ay nagpalipad ng anim na missile patungo sa dalawang barkong pangkalaka­l na may tripulante­ng Pilipino noong Martes, ayon sa militar ng Estados Unidos.

Tatlo sa mga missiles ay nakatutok sa MV Star Nasia, isang bulk carrier na may bandila ng Marshall Islands at pagmamay-ari ng Griyego, sinabi ng United States Central Command o Centcom.

“Ang MV Star Nasia ay nag-ulat ng pagsabog malapit sa barko na nagdulot ng maliit na pinsala ngunit walang pinsala (sa mga tripulante­ng Pilipino),” habang ang pangalawan­g missile ay lumapag sa malapit at ang ikatlo ay binaril ng isang barkong pandigma ng Estados Unidos, pahayag ng Centcom.

Ang iba pang tatlong missiles ay nakatutok naman sa MV Morning Tide, isang barko ng United Kingdom, ngunit sumabog ang mga ito sa Red Sea nang hindi nagdulot ng pinsala.

Tinitira ng mga rebeldeng suportado ng Iran ang mga barko ng Amerika at Britanya sa Red Sea bilang pakiisa sa mga Palestino sa digmaan nila laban sa Israel, at pagganti sa pagtira ng mga Amerikano at Ingles sa kanila.

Samantala, inihayag ng Ministro ng Transporta­syon ng Bulgaria na si Georgy Gvozdeykov sa pribadong istasyon ng telebisyon sa Bulgaria na bTV noong Martes na ang mga tripulante ng barkong pangkargam­ento ng Galaxy Leader, na dinalang bihag ng mga Houthi noong Nobyembre, ay kinumpirma na “ligtas at maayos” at babalik sa Bulgaria sa lalong madaling panahon.

Ang 25 tripulante ay nananatili sa isang hotel at ang kanilang pagbabalik sa Bulgaria ay inaayos, ayon kay Gvozdeykov.

Ang Galaxy Leader, na pag-aari ng isang British company na may kaugnayan sa isang negosyante­ng Israel, ay na-charter ng isang kumpanyang Hapon nang ito ay sampahan ng mga Houthi at dalhin sa Puerto ng Hodeida.

Ang kalagayan ng mga tripulante mula sa Bulgaria, Pilipinas, Ukraine, at Mexico ay hindi pa ibinunyag hanggang ngayon.

Sinabi ng Punong Ministro ng Bulgaria na si Nikolay Denkov noong Enero na ang mga talakayan sa mga Houthi ay nagpapatul­oy tungkol sa kanilang pagpapalay­a.

Newspapers in English

Newspapers from Philippines