PESTENG YAWA
Nalagay sa alanganin ang mga opisyal ng pangunahing paliparan ng bansa nang pagpyestahan ng media ang surot na nangagat ng umupo sa upuang rattan sa passenger terminal at dagang naglalakad sa kisame roon. Dahil sa balita ng mga pesteng yawa, pinutakte sila ng puna at batikos sa umano’y kapabayaan sa pagpapanatiling malinis ng pasilidad na dinudumog ng tao araw-araw, kahit pa na tungkulin na ang gawain ng mga tagalinis. May pananagutan sila dahil sa command responsibility ika nga.
Kung tutuusin, pangkaraniwan na ang mga problema sa mga naglipanang peste sa maraming gusali sa lungsod at maging sa mga kalye. Hindi nagiisa ang mga opisyal ng Ninoy Aquino International Airport dahil kinakaharap rin ng maraming lokal na opisyal ang mga naglipanang daga, langaw, ipis sa maruruming sulok ng kani-kanilang nasasakupan.
Sadyang pabaya talaga ang mga Pilipino pagdating sa paglilinis, liban na lamang siguro kung maya’t maya silang babayaran na gawin ito. Halimbawa na lamang sa mga lumang pampublikong bus, gagapangan ang mga pasahero ng maliliit na ipis na naglalamyerda sa may bintana.
Lulubog-lilitaw rin ang mga ipis sa ilang bara-barang palengke o karinderya at may mga lumilipad na langaw sa loob ng istante ng mga tinapay o ulam sa bakery o turo-turo.
Ang mga pampulikong kubeta sa mga istasyon ng tren at terminal ng bus ang pinakamatindi dahil tila walang gustong maglinis ng mga ito nang husto.
Ang suliranin sa mga peste ay hindi dahil sa mga ito kundi dahil sa mga taong inatasan o may tungkuling alisin o patayin ang mga ito. Kailangan ng disiplina, malasakit at sigasig, hindi lamang ng mga pamuksa, upang maging tunay na malinis at walang mga peste sa mga suluk-sulok na bibiktima sa atin.
Kung tutuusin, hindi na ipinaaalala pa ang paglilinis at pagpuksa sa mga peste. Subalit kulang kung hindi walang pagkukusa ang ugaling Pinoy kaya huwag magtaka kung makakita muli ng dagang gumagala o surot na kumakagat sa passenger terminal ng NAIA.