Daily Tribune (Philippines)

KURYENTENG KAPOS

-

Kakambal na ng mainit na tag-araw ang brownout. Kung kailan kailangang gumamit ng tao ng kuryente upang makapagpal­amig sa aircon at electric fan, nawawalan naman ng kuryente na magpapaand­ar sa mga appliances na ito. Resulta, pawisan at imbyerna ang mga residente ng mga apektadong lugar. Maging mga parokyano sa mga kainan ay di makatitiis sa init at napipilita­ng umiwas roon kaya bawas ang kita ng mga negosyante.

Batid naman ng pamahalaan at mga planta na gumagawa ng kuryente na humihina ang produksyon nila ng enerhiya tuwing tag-araw ngunit hindi nila nalulutas ang problema sa mga kinakapos o pumapalyan­g planta. Ang mga hydroelect­ric plant na umaasa sa mataas at malakas na daloy ng tubig upang mapaikot ang mga higanteng dynamo nito at lumikha ng kuryente ay nababawasa­n ng kapasidad dahil bumababa ang taas ng tubig sa ilog dahil sa pagsingaw nito sa tindi ng init.

Kapag nabawasan na ang kapasidad nito na lumikha ng kuryente, siya namang lakas ng paggamit ng kuryente ng mga tao. Kung bakit hindi makapaghan­da ang mga planta ng sapat na kuryente kahit alam nilang hihina ang kanilang produksyon tuwing ganitong panahon ay dahil sa sari-saring dahilan. Kung gayon, bakit hindi na lang magtayo ng planta na lumilikha ng kuryente sa pamamagita­n ng sikat ng araw na sagana tuwing tag-araw?

Kung mataas ang kapital sa pagtatayo ng plantang solar, maaari namang bigyan ng gobyerno ang mga mamumuhuna­n rito ng tax breaks at iba pang insentibo upang kayanin nila ang gastos. May mga nagtatayo na ng mga tinatawag na solar farms ngunit habang hindi pa ito tapos ay kailangang magkaroon ng alternatib­ong pagkukunan ng kuryente ang mga mamamayan lalo na tuwing tag-araw upang tumakbo rin ang mga negosyo at ekonomiya.

Marahil ay kailangan ring pababain ng gobyerno ang presyo ng mga solar panel upang makabili at makagamit ang mga mamamayan nito at mabawasan ang paggamit nila ng kuryenteng nanggagali­ng sa mga plantang hydro.

Kung hindi mangyayari ito, talagang magtitiis na lang tayo sa pamaypay.

Newspapers in English

Newspapers from Philippines