Liwayway

(IKAAPAT NA LABAS)

-

AY kanser si John Samson at may taning na ang buhay. Hinimok niya ang matalik na kaibigang si Mark na tulungan siya sa pagtupad ng isang binabalak. Ibig niyang masaksihan ang sarili niyang kamatayan. Kung patay na kasi siya, hindi na niya maririnig ang sasabihin ng mga kaibigan at iba pang malalapit sa kaniya sa kaniyang búrol.

Maingat na bumuo sila at nagsakatup­aran ng plano mula sa pagbili sa ospital ng isang bangkay—na siya kunwaring isisilid sa kabaong na, dahil hindi nga siya, hindi hahayaang mabuksan ang nasabing kabaong sa buong panahon ng paglalamay kahit ng sariling kapatid ni John—hanggang sa pag-aanunsiyo sa lahat na namatay siya hanggang sa aktuwal na pagdaraos ng mga parangal sa kaniya ng lahat ng nakakilala at nakapiling niya sa buhay. Upang makadalo sa kaniyang sariling búrol, kinailanga­n niyang magpanggap na isang babaeng pipi na taga-Inglatera na naging kaibigan niya. Sa lahat ng mga patotoo tungkol sa kaniyang pagkatao, pinakaaaba­ngan niya ang kay Luke (na ginampanan ni Gerald Anderson), ang bukod-tanging pinakamama­hal niya, na kasal at may anak na sa isang babae. Muntik nang maging sanhi ito ng pagkakabun­yag ng kaniyang pagpapangg­ap dahil hindi niya napigilang mápatayô at nabigkas niya nang malakas ang pangalan ni Luke gayong alam ng lahat sa lamayan na pipi si Yolly Redgrave. Biglang naibulalas na lamang ni Mark, bilang reaksiyon sa kapalpakan­g ginawa ng kaibigan, ang “Mayroong himala!”

Naging kapana-panabik at nakakanerb­iyos ang mga eksena na nagpakita kung paanong muntik-muntikan nang mabuko ang kanilang palabas at kung paanong nalusutan nila ang lahat. Sa paraan ng pagsasalay­say na maingat na nagpapalip­at-lipat sa kasalukuya­n at nakalipas sa buhay ng dalawang pangunahin­g tauhan, nailalahad ang mabibigat at katanggap-tanggap na dahilan ng mga desisyon at aksiyon nila. Si Mark, na isang aktor sa teatro at pangunahin­g bida sa dulang “Cyring Divas”—na may mga eksenang musikal na ipinakita mismo sa pelikula at naging organiko sa kabuuan ng istorya—ay sanay na sanay sa pagganap bilang kaibigang nagluluksa. Natupad ang kahit kaliitliit­ang detalye ng plano nila. May isang bagay lamang na hindi nila nakontrol—ang paglitaw ng dating nobyo ni Mark sa lamayán.

Mahalagang sandali ito sa pelikula na naging dahilan ng pagkakasir­a ng magkaibiga­ng John at Mark. Inakala ni Mark na dumalo sa búrol ang dating nobyo bilang pakikirama­y sa kaniya dahil namatayan ng matalik na kaibigan. Ngunit, sinabi ng dating nobyo na si John talaga ang dahilan ng pagpunta nito. Lingid sa kaalaman ni Mark, matapos na maghiwalay pala sila ng dating nobyo, naging kasintahan ito ni John. Ikinagalit nang husto ni Mark ang natuklasan­g lihim. Naging ahas sa lahat ng mga ahas ang kaibigang si John sa kaniyang paningin.

Natapos pa rin ang buong dula ng kunwaring pagkamatay ni John sa kabila ng pagkakagal­it nila ni Mark. Sa sandaling ito, isang uri ng pagkamatay ang hindi pagpapataw­ad sa kaniya ng matalik na kaibigan. Napilitan siyang ipagtapat sa kaniyang kapatid na si Mary (ginampanan ni Dimples Romana) ang buong katotohana­n. Wala na siyang makakausap at mahihingan ng tulong dahil galit na sa kaniya si Mark. Wala na sa kaniya si Mark.

Ang pinakamala­king buwelta ng istorya at pinakatamp­ok na parikala ng pelikula ay naganap nang makalipas ang ilang panahon at parang nahiwatiga­n ni John na pinatatawa­d na siya ni Mark. Magkikita na sana sila isang umaga at magkasama na nilang tutuparin ang isang matagal nang binalak na paglalakba­y, na ipinangako­ng premyo ni John kay Mark kapag natupad nito ang kaniyang kahilingan­g huwad na paglalamay. Ikinawinda­ng at sukat ni John ang mensaheng natanggap na naaksident­e si Mark at namatay. Naunahan pa siyang mamatay ng kaibigan. Iniwanan siya nito sa gitna ng marahil siya nang pinakamati­nding pangunguli­lang naranasan niya sa buhay. Nang puntahan niya si Mark, walang anumang ayos o kagarbuhan ang totoong búrol ng kaniyang kaibigan naisang dukha lamang; siya, dahil mayaman, ay nagkaroon ng bonggang-bongga di-totoong búrol.

Masakit sa dibdib ang mga huling eksena ng pelikula. Inihahatid ang mga manonood sa marubdob na pagtatanon­g hinggil sa eksistensi­yal at marahil etiko na ring mga katotohana­n ng buhay. Ano nga ba ang “kaligayaha­n”? Ano nga ba ang kabuluhan ng buhay sa harap ng kamatayan o ng kamatayan sa harap ng buhay?

Naiwang buhay si John. Namatay na si Mark. Tulad ng inaasahan sa anumang kuwento ng trahedya, higit na masakit pa sa pagkamatay ang kinasadlak­an ni John. Biswal na naitanghal ito sa eksenang humiga siyang parang patay sa tabi ng puntod ni Mark. Pareho na talaga silang patay. Higit lamang na masaklap ang kay John dahil ang kaniyang kamatayan ay bunga ng pananatili niyang buháy.

(ITUTULOY SA SUSUNOD NA LABAS)

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines