Liwayway

Mga Bituin Sa Tubig (2)

- Efren Abueg

(IKALAWANG LABAS)

NANG tanawin ni Armand mula sa kinasasaky­ang segunda manong pick-up ang simbahan ng Peňaflorid­a, dinig niyang nagsalita ang kaangkas niyang si Bart. “‘Anluma na ng simbahang ‘yan, Uncle, pero pagpasok mo sa loob, baka sabihin mong nasa Rome ka!”

“Bakit? Nakapagsim­ba ka na ba sa Rome?” tudyo niya sa pamangkin.

“Si Uncle naman! May tablet na ako’t cellphone... padala ni Tatay mula Guam…” “Nagbibiro lang ako, Bart. Alam kong nagsa-surf ka sa internet kaya virtually nakarating ka na sa maraming lugar abroad!”

“Oo, Uncle. Nang kinukumust­a mo nga si Nanay sa cellphone niya, tiningnan ko agad sa tablet ko ang Saudi Arabia at iba pang bansang narating mo sa Middle East!”

Tinanaw niya ang kambal na simboryo ng simbahan ng Peňaflorid­a. Pingas-pingas, bitak-bitak at ginagapang­an ng mga ugat ng mga palumpon at damong ligaw na tumubo roon ang mukha’t tagiliran nitong yari sa bato’t laryong sinasabi sa mga libro na idinikit lamang ng apog. Nakapagtat­akang sa loob ng kung ilang siglo pagkaraang maitayo ang gayong istruktura, pagkukumpu­ni at pagmamanti­ne lamang ang ginagawa para manatiling nakatayo iyon at maayos na magamit ng mga taumbayan sa pananalang­in sa Panginoong Diyos.

“Luma sa tingin ang labas, pero pumasok ka sa loob ng simbahan at sasabihin mo, galing naman ng mga taumbayan ng Peñaflorid­a!”

Desidido si Armand na makalusong sa putol na ilog. Magkita kaya sila ng kaniyang kinasasabi­kan?

“Ow? Katakot-takot na ambagan siguro ang ginawa nila kaya nagaya nila ang interior ng mga simbahan sa Europe!”

“Uncle, imagine, fifteen years in the making ang loob ng simbahan. Pati si Nanay, humingi ke Tatay ng pangkontri­busyon sa simbahan!”

Naisip ni Armand ang may apat na silid na bungalow ng kaniyang pinsang si Nancy na nakatayo sa anim na raang metro kuwadradon­g bakuran. May maliit na garden sa harapan ng bahay na malaki ang pagkakauro­ng sa pambansang lansangan at may malaking taniman ng gulay at mga halamang-ugat sa likuran nito.

“Okey naman ‘yon, Bart. Kumikita naman ang Tatay mo sa Guam. At makapag-aaral kang tiyak sa college sa ating

provincial capital pagkatapos mo sa haiskul dito sa bayan!” Kampante sa pagkakasan­dal sa upuan ng kotse si Bart. Nakabarong nang puti at pantalong itim na tinernuhan ng itim na sapatos. Kasama niya ito sa simbahan at reception ng ikakasal.

“Di na kelangan na sa Maynila pa ako mag-college. Di ko naman maiiwang mag-isa si Nanay sa aming bahay!”

“Paano kung magtrabaho ka sa Manila pagka-graduate mo?” Sinuok niya kung gaano kabait ang kaniyang pamangkin.

“Pauuwiin ko na si Tatay. Dito na lang sila ni Nanay at ako na ang magtatraba­ho para sa kanila. Kung pangkain lang namin, may naipon na naman si Nanay!”

Nabalingan niyang nakatingin pa rin sa simbahan si Bart. Parang pumintog ang dibdib nito sa sinabi.

“At kung nagtatraba­ho ka na’t nakagusto ka, sa simbahang ‘yan ng Peňaflorid­a ka pakakasal?” biro uli niya rito.

“Ay, Uncle!” At nagtatawan­g bumaling sa kaniya. “Ikaw muna ang pakakasal dito sa ating bayan. Ako ang mag-aasikaso sa handaan mo!”

“Pangako ‘yan, ha? Baka pag nagtatraba­ho ka na, mauna ka pang lumarga sa akin!” “Hindi, Uncle…tutulungan kitang humanap ng chicks mo.

Forty ka na sa isang taon! It is too late to wait for another year,

ha?”

Nagkatawan­an sila habang binagbagta­s ang tulay na papasok sa bayan at sa isa pang kabig pakaliwa ng manibela, bumungad na sila sa kalyeng paakyat sa patyo ng simbahan.

“Uncle, ‘yung pick-up na itim!” bulalas ni Bart nang pumaparada na sila sa isang bakanteng espasyo sa hilera ng mga kotseng nakaharap sa simbahan.

Sa ilalim ng malabay na punong akasya sa tapat ng kanilang pinaradaha­n nakita niyang nakatutok ang tingin ni Bart. Nag-iisa ang pick-up na itim. Higit na malaki kaysa sa lumang modelo niyang pick-up, at kapansin-pansin agad ang tint nitong maitim na asul na waring ibinalot sa lahat ng mga salamin ng sasakyan.

“’Yan ang pick-up na nakita kong lumabas sa gate na bakal ng gubat na malapit sa atin.” Nakatabi na sa kaniya si Bart, titig na titig sa pickup at pumusturan­g gustong lapitan ang sasakyang pinagmamas­dan.

Pagkarinig ni Armand sa salitang gubat, inihagkis sa guniguni niya ang anyo ng dalawang babae na natutukan ng kaniyang largabista may dalawang gabi na ang nakalilipa­s.

“Ngayon mo lang ‘yan nakita sa bayan, Bart?” usisa niya sa pamangkin hindi tumitinag ang pagkakatin­gin niya sa sasakyang iyon.

“Kung may occasion lang kami nakapagsis­imba ni Nanay…”

Sinipat niyang mabuti ang kotse. Isang lalaki ang nasa manibela. Bukas ang bintana sa driver’s side at matingkad man ang liwanag ng araw sa umaga, wala siyang nakitang ibang tao sa loob ng kotse. Hinawakan naman siya sa braso ni Bart. “Tena na sa may simbahan, Uncle…umiinit na’ng araw,” yakag nito sa kaniya.

Sinadya niyang dumaan sa tabi ng kotse at nang makita siya ng lalaki sa driver’s side, ngumiti siya at nagtanong kung kasama ito sa kasalan sa umang iyon. Nagbuka ng bibig ang lalaki kasabay ng senyas ng mga kamay nito.

“Uncle…pipe yata ang lalaking ‘yon…,” sabi ni Bart habang papalayo sila sa itim na SUV.

Hindi iyon kahawig ng lalaking nahagip ng kaniyang largabista na sumungaw sa gubat, mayhawak ng tali ng mga asong hila-hila nito kamakalawa ng gabi.

Pinutol ng ring tone ng cellphone niya ang pansin niya sa lalaki. Nag-miss call si Gabby.

“Darating na rin ‘yung kaibigan kong ikakasal,” nasabi niya kay Bart. Nagpauna si Bart sa paglakad patawid sa patyo ng simbahan. Nakalingon pa rin si Armand sa lalaking nasa driver’s side ng pick-up, parang hindi siya hinihiwala­yan nito ng tingin.

“Masisilip mo pa ang loob ng simbahan,” ani Bart na naunang pumasok sa simbahan.

Hindi lamang dahil sa rahuyo ng ganda ng loob ng simbahan kaya sumunod siya sa pamangkin.

“Nagsimba kaya ‘yong dal’wang babae?” Sinalubong si Armand sa loob ng simbahan nang maaliwalas na simoy ng hangin gayong tag-init na.

“Presko sa loob,”nakaringga­n lamang niyang sinasabi iyon ni Bart dahil abala siya sa pagkilala sa mga mukha ng nasa loob ng simbahan.

Nakita niya ang dalawang malaking pintuan sa magkabilan­g gilid ng simbahan na humihigop ng hangin mula sa labas. Pag-angat ng mukha, nagpista ang tingin niya sa hilera ng mga arkong parang pahabang biniyak na mga bariles na ipinakong pataob sa kisame. Tabi-tabi ang mga iyon mula kanan, pakaliwa simula sa makapasok ng simbahan hanggang sa harapan ng altar. Sa tiyan ng mga arko nakapinta ang iba’ ibang eksena sa Bibliya, buhay ng mga santo at mga anghel na lumulutang sa mga ulap at daan-daang disenyo ng pinta ng mga tao’t bagay ng lumang panahon. Lubhang nakagigila­las ang pagkakapin­ta ng iba-ibang kulay sa mga lilok sa tumigas na masilya na waring makikipagt­alagalan sa mahabang panahon. “Kita mo, Uncle!” Sinagi pa ni Bart ang kaniyang katawan bago ito sumunod sa kaniya sa kanilang puwesto sa tabi ng pinto ng simbahan para hintayin ang pagdating ng mga sasakyan ng mga ikakasal, mga pamilya, kaibigan at kakilala ng mga ito.

“Oo na…,” nakatawang sang-ayon agad niya sa

pamangkin.

Nililisa pa rin niya ng tingin ang mga nagsisimba sa malapit sa kanilang kinatatayu­an ni Bart. Hindi niya masikil ang pagkasabik na makita niyang muli ang dalawang babaeng nilargabis­ta niya sa may batuhan ng ilog.

Unang dumating si Gabby, kasabay sa kotse ang ilang sasaksi sa kasalang iyon. Nagyakapan agad sila pagpasok nito sa may pintuan ng simbahan, saka ipinakilal­a niya rito si Bart.

“Pogi rin ang pamangkin mo, ha?” ani Gabby na isinampay ang isang bisig nito sa magkabilan­g balikat ni Bart. “’Wag kang tutulad sa amin, ha? Matanda na kami bago ikasal. Baka lolo na kami ng aming magiging mga anak!”

Nagtawanan silang tatlo at nagkaporma­lan lamang nang matanaw nilang dumarating na ang kotse ng nobya. Kaypuputi ng mga bulaklak na simple sa pagkakadek­orasyon sa unahan ng sasakyan. Pumuwesto sila nang tawagangpa­nsin ng wedding planner at naghanda sa pagpapauna sa paglakad patungo sa may altar, kasunod ang iba pang mga kasama sa seremonya ng kasal.

Hanggang makaayos na sila sa may altar at magsimulan­g magmisa ang pari ng parokya na naging propesor ni Gabby sa seminaryo, hindi pa rin mapigil ni Armand ang maghanap sa pulutong ng kakababaih­ang abot ng kaniyang tingin.

SA resepsiyon ng kasal, katabi nila ni Bart sa isang mesa ang namukhaan niyang mga kaanak ni Maryam, ang napangasaw­a ni Gabby. Hindi kalayuan iyon sa wedding long table na okupado ng bagong mag-asawa, mga ninong at ninang at mga magulang ng mga ito. Lumingon siya kay Gabby na nagtext pa sa kaniya tungkol sa pare na nagkasal sa kanila ni Maryam.

Armand, invited ko si Monsignor Apuled. Kaysa sa table namin, ibig niyang makipag-interaksiy­on sa mga di niya gaanong kakilala. Usap kayo, ha? Sinagot niya ang text ni Gabby. Gusto ko rin, Armand. Balita ko’y anak din siya ng probinsiya namin.

Hindi na bihis-pari si Monsignor Apuled nang umupo sa kanilang mesa. Namangha ang iba pang kasama sa kasal nang makilalang ito.

“Relaks lang kayo. Please regard me as a common friend. Nakasayad sa lupa ang mga paa ko!” Bigay ang pagkakangi­ti nito.

Naging masaya ang kainan sa kanilang mesa. Maraming nakatatawa­ng anekdota si Monsignor Apuled. Sa tingin ni Armand, marami ang pansamanta­lang nakalimot na pare ang kasama nila sa mesa.

Maraming tanong ang nabuo agad sa isip ni Armand. Naisip niyang maraming alam ang monsinyor sa maraming pagbabago sa bayan ng Peňaflorid­a.

“Ipinangana­k po ako at lumaki sa Baryo Daang Kalesa. Ngayon lang po ako nakauwi mula noong lumuwas ako sa Maynila’t naghanap ng suwerte!”

Ngumiti nang lubos na may paghanga sa kaniya ang monsinyor. “Di ko kilala ang parents mo dahil ipinangana­k ako sa

capital ng province natin. Pero ang pamilya Nuvienco dito sa bayan ang nagkuwento tungkol sa pagtira n’yo sa Daang Kalesa. Iyon daw ang panahong d’un dinadala ang mga biktima ng mga holdaper ng mga bus at jeepney. Hindi raw kayo natakot at tuloy lang sa farming ang pamilya n’yo sa lupaing baldyo o salat sa tubig! Kundi sa inyo, hindi made

develop ang lugar na ‘yon, pati na ang katapat ninyong malawak na palanas hanggang sa may bundok sa ilaya.” Tumawa si Armand. “Natakot din po ang mga kaanak namin. Awa naman po ng Diyos, di naman sila pininsala. Ano po ba naman ang pakikinaba­ngan nila sa dukhang pamilyang tulad namin? Saka ‘yung tapat po ng bahayan namin na ngayo’y mga subdibisyo­n na ang pinagdadal­han ng mga sasakyang hinaharang ng mga holdaper. Napakalawa­k pong palanas ‘yon ng mga palumpong at mga pandak na punongkaho­y na may mga ilat na wala namang tubig. Paligawan po ‘yon ng mga kalabaw at kambing kapag sumapit na ang tag-ulan. Sa tagaraw, mangangaho­y lang po ang nakikinaba­ng doon!” Bahagyang tumikhim ang monsinyor. “Sabagay…ibang-iba ‘yung lupa sa Daang Kalesa at katapat n’yong paligawan ‘kamo ng mga hayop kaysa sa gubat sa ibayo ng ilog. Masagana ang lupa roon dahil parang maraming bukal na nagpapaago­s ng tubig sa putol na ilog. Sayang at ibinenta ng kabataang mga Atanacio…pinuhunan kasi para makapag-abroad sila. Sa mga tagabayan na lang sana ipinagbili ang gubat na ‘yon!”

Mga tagabayan ng Peñaflorid­a ang kasama nila sa mesa. Isang maedad na lalaki na kasama ang anak nitong dalaga ang nagsalita. “Halos wala namang nakaalam…”. Parang may nabuksang pintuan kay Armand. Bumaling siya sa maedad na lalaki. “Kilala n’yo ang nakabili?”

Umiling ang tinanong. ‘Hindi kasi sakop ng bayang ito ang gubat na ‘yon!”

Parang narinig ni Armand na napahinga nang malalim si Monsignor Apuled.

“’Yong hinalinhan ko, si Fr. Bernardo ang nagsabing may bininyagan siyang dalawang batang babae, isang taon at kalahati ‘yung isa at tatlong taon naman ang ikalawa.”

Hindi nagpahalat­a si Armand na interesado siya sa huling sinabi ni Monsignor Apuled.

“Mag-asawang pipe daw ang nagdala sa mga bata sa simbahan…’yung gubat na ‘yon ang sinabing address nila!”

“Mabait daw si Fr. Bernardo. Kailan po ba ninyo siya hinalinhan, Monsignor?” sabi naman ng parang liyebo trenta dalaga na katabi ng isang binata.

Hindi nila namalayang nakababa na sa wedding long table ang bagong mag-asawa. Nagkaingay. Ihahagis na ni Maryam ang bouquet ng mga bulaklak na hawak nito.

“Bilis na, Maidan. Mahuli ka pa sa biyahe!” Nanudyo sa dalagang liyebo trenta ang binata sa kanilang mesa.

Sumimangot ang dalaga, ngunit sumanib din sa kababaihan­g nagkakagul­o sa katuwaan.

Kinabukasa­n ng gabi, nakapuront­ong si Armand nang patalilis na lumabas ng bahay nina Nancy. Tinalunton niya ang daan patungo sa barbed wire na may karatulang nagwawarni­ng.

Lumusot siya roon, saka hangos na naglakad, pababa sa putol na ilog.

(ITUTULOY)

 ??  ?? Maraming tanong ang nabuo agad sa isip ni Armand. Naisip niyang maraming alam ang monsinyor sa maraming pagbabago sa bayan ng Penaflorid­a.
Maraming tanong ang nabuo agad sa isip ni Armand. Naisip niyang maraming alam ang monsinyor sa maraming pagbabago sa bayan ng Penaflorid­a.
 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines