Nasaan Ang Forever (34)

Liwayway - - Mga Nilalaman - Neri Jedeliz

(IKA-34 NA LABAS)

HININTAY ni Juday na makatapos sa pag-aalmusal si Magda at saka sinabihan.

“Kung p’wede raw na makausap ka ni Senyora Trining,” ani Juday kay Magda.

“Aba, bakit hindi. Naririto ako sa kanyang tahanan at dapat lang na sundin ko siya. Ibig ko ring magpasalamat at tinanggap niya ako rito,” tugon ni Magda at tumayo. “Nasaan po ba si Senyora Trining?” “Naroon siya sa kanyang silid. Halika, sumunod ka sa akin.” Umuna nang lumakad si Juday. Sumunod din si Magda. Nang makarating sa labas ng silid ni Senyora Trining, binuksan ni Juday ang pinto at pumasok na kasunod si Magda. Di na siya kumatok at di naman makatayo ang senyora upang magbukas ng pinto. “Naririto na po ang ating panauhin, Senyora,” ani Juday. “Halika, Iha. Umupo ka,” sambit ni Senyora Trining na nakangiting nakatitig kay Magda. Umupo naman si Magda sa isang silya na kaharap si Senyora Trining.

“Magandang umaga po, Senyora Trining. Maraming salamat,” nabitiwang salita ni Magda. “Bisita ka raw ng anak kong si Ray?” tanong ng senyora. “Opo.” “Ano bang pangalan mo?”

“Magda po.” “Bakit magkasama kayo ni Ray na aking anak?” “E, mahabang istorya po.” “Mag-ano ba kayo ni Ray? May relasyon ba kayo?” Tila nangangapa si Magda ng kanyang isagot sa ina ni Ray. Sa harap ng matanda’y di niya magawang magsinungaling.

“A, e, si Ray na lang po ang tanungin ninyo sa bagay na iyan. Mas mabuti kung si Ray ang sasagot sa tinatanong po ninyo.”

“Marahil nahihiya ka lang na umamin. Buweno, nais ko lang malaman mo na kung me relasyon man kayo ng aking anak, di ako tutol. Ang totoo’y matagal na ang sulsol ko sa aking anak na mag-asawa na, sapagkat nagkakaedad na siya. Baka mahuli na siya sa biyahe. Isa pa, ibig kong makita muna ang aking apo bago ako lumisan sa mundong ito.”

Di nakahuma si Magda. Sa kanyang isipan, sanay may relasyon nga sila ni Ray, lalo na’t wala palang problema sa ina nito. Sino ba namang babae ang makatanggi kay Ray? Isang de kampanilyang abogado at mayaman pa ang pamilya. Kung siya ang maging asawa ni Ray, tiyak gagaan ang kanyang buhay. Pero ngayon, limitado pa ang kanyang mga galaw, sapagkat

wanted siya ng pangkat ni Gudo. Kung sakaling alam ni Donya Trining ang kanyang background, tatanggapin kaya siya?

Magsasalita pa sana si Donya Trining, pero biglang nabuksan ang pinto ng silid. Nagulat pa ang dalawa nang makita si Ray na pumasok.

“’Ma, naririto pala ang aking bisita. Kararating ko lang. Sumaglit lang ako sa opisina at me kinuha lang akong importanteng mga papeles. Bumalik ako kaagad.”

“Inimbita ko ang iyong bisita at gusto kong makausap siya,” sambit ni Donya Trining. “O…” “Wala naman kaming masyadong napag-usapan at dumating ka kaagad.”

“Sorry, ‘Ma. Pero, dapat na umalis na kami kaagad.” “Saan kayo pupunta?” “Sa Baguio.” “Oy, magha-honeymoon kayo roon? Di pa nga kayo kasal,” biro ni Donya Trining na ngumisi.

“Walang honeymoon, ‘Ma. Saka ko na lang sabihin sa iyo ang dahilan. Naghahabol kami sa oras.” Lumapit si Ray sa kanyang ina at masuyong dinampian ito ng halik sa noo, saka binalingan si Magda.

“Tayo na, Magda. Kelangan makaalis tayo kaagad. Baka makatunog sina Gudo na naririto ka.” Tumayo naman si Magda at nagpaalam sa matanda. “Maraming salamat po, Senyora,” ani Magda. “Aalis na raw kami.”

“Sige, Iha. Happy trip na lang,” ang nawika na lang ni Donya Trining.

Hinapit ni Ray sa braso si Magda hanggang sa makalabas sila sa kanilang bahay. Dumiretso sila sa garahe at sumakay sa kotse. Pinaandar kaagad ni Ray ang sasakyan nang makaplastar na sila. Lumabas sila ng bahay hanggang sa makarating sa highway.

“Mukhang hinahabol ka ng maligno. Anong nangyari?” tanong ni Magda.

“Naghahabol talaga tayo ng oras. Nabalitaan ko sa aking kaibigang detektib na hinahanting tayo ng pangkat ni Gudo. Di ko nais na matagpuan ka nila sa aming bahay. Madamay pa ang aking ina na matanda na’t sakitin.”

“Ray, sorry kung nadamay pa kita sa aking problema. Pero, me bahagi ka rin dito. Nagalit si Gudo sa akin sapagkat di ko sinunod ang kanyang utos na ipitin ka, kung bakit dinala kita sa motel. Kung nagkataon na nakunan tayo ng litrato o video sa loob ng silid ng motel sa hindi kaaya-ayang sitwasyon, gagawin niya akong pain upang ma-blackmail ka. Mukhang alam niyang mapera ang pamilya ninyo.”

“Alam ko. Naipagtapat mo na ‘yan sa akin. Kaya pupunta tayo sa Baguio upang makatago kayo pansamantala sa aming bahay-bakasyunan doon.” “Iwanan mo ‘ko roon?” “Oo. Kelangang makabalik ako kaagad sa Maynila. Kelangang lutasin ko itong problema natin kay Gudo, once and

for all. Ngayon ako na mismo ang kikilos.” “Aba, di ka rin pala paaapi. Paano ang problema ko sa aking anak?”

“Susunod na ‘yan, matapos na maayos ang problema natin kay Gudo.”

Makaraan ang halos tatlong oras, narating din nila ang lunsod ng Baguio. Dineretso ni Ray ang kanyang sasakyan sa kanilang bahay-bakasyunan o rest house na nakatirik sa mataas na bahagi ng gulod. Mula rito matatanaw nila ang halos kabuuan ng lunsod ng Baguio. Mag-asawa lang na may edad na rin ang caretaker ng bahay.

“Kumusta rito, Mang Temyong? Wala bang problema?” bati ni Ray sa caretaker.

“Wala naman, Sir. Tahimik nga rito,” sagot ni Mang Temyong.

“Me bisita tayo, si Magda. Pansamantalang dito muna siya titigil. Di ko lang alam kung hanggang kelan.” “Sige, Sir. Kami na ang mag-aalaga sa kanya.” “Narinig mo, Magda?” binalingan ni Ray si Magda. “Sana’y magiging good girl ka rito habang wala ako.”

“Ako ang bahala, Ray. Di na ako bata,” tugon naman ni Magda. “Sige, aalis na ako. Maiwan ka muna rito.” “Kararating lang natin, aalis ka na kaagad? Ano, di ka napapagod?”

“Hindi. Sanay na ‘ko. Para sa akin, time is gold. Maiksi lang naman ang panahong ititigil natin dito sa mundo, kaya huwag nating sayangin ang oras.”

Tatalikod na sana si Ray, ngunit may naalaala siya. Muling hinarap niya si Magda.

“Sino nga iyong lalaking nagtago sa ‘yo sa Tondo at siyang nagdala sa iyo sa akin?” tanong ni Ray.

“Sabi niya’y si Boy Turko raw ang kanyang pangalan. ‘Yon lang ang alam ko tungkol sa kanya,” tugon ni Magda. “Dati mo siyang kilala?” “Hindi. Sa safehouse lang nina Marco kami nagkita, nang saklolohan niya ako laban sa dalawang tauhan ni Gudo.”

“Pero sa pagsasalita niya’y mukhang kilala ka na niya, at kilala na niya ako kahit ‘yon ang una kong pagkikita sa kanya ng ihatid ka niya sa akin.” “’Yan din ang napansin ko. Mahiwaga ang taong ‘yon.” “Gusto ko siyang makita muli at makausap. Marahil me nalalaman siyang gusto ko ring malaman.”

“Nakuha ko ang number ng kanyang selpon. Kung gusto mo ibigay ko sa ‘yo.” “Sige. Akin na.” Ipinasa ni Magda ang number ng selpon ni Boy Turko gamit ang kanyang selpon sa selpon ni Ray.

Ilang saglit pa’y umalis na si Ray sakay sa kanyang kotse. Pero di sa Maynila siya patungo kundi’y dumaan muna siya

Unti-unti nang namumulat si Ray sa katotohanan tungkol kina Ana at Liza. Napagtanto niyang marahil magkakambal ang dalawa. Ngunit sino ba sa kanila ang tunay niyang minahal?

sa isang restaurant sa downtown ng Baguio upang kumain. Nakaramdam na rin siya ng gutom. Sa kanyang sobrang pagkaabala sa trabaho, kung minsa’y nakalimutan na niya ang pagkain. Matapos na maparking ang kanyang sasakyan sa labas ng

restaurant, pumasok na siya at umorder ng makakain. Magalas sais na ng gabi, at alanganin na kung bibiyahe pa siya patungong Maynila. Matulog na lang siya sa isang hotel at kinaumagahan na siya tutungo sa Maynila.

Matapos makakain, naalaala niyang tawagan sa selpon si Boy Turko.

“Boy, si Ray ito, ang pinagbilinan mo kay Magda,” pakilala ni Ray sa kanyang sarili.

“A, Attorney Ray? Nakatawag po kayo?” tugon ni Boy Turko.

“Ibinigay ni Magda ang iyong cell number sa akin, kaya naisip kong tawagan ka.” “O, kumusta naman si Magda?” “Naroon siya sa aming rest house dito sa Baguio. Safe na siya roon.” “Mabuti kung gayon.” “Kayo, nasaan ngayon?” “Ito, patuloy na nagpapatintero sa pangkat ni Gudo. Di ako p’wedeng tumigil sa isang lugal lamang. Baka masakote tayo. Me kelangan po kayo, Attorney?” “Sana…” “Bakit sana?” “Boy, didiretsuhin na kita. Ang totoo’y di talaga kita kilala.

First time ko ngang makita ka ng dalhin mo sa akin si Magda. Pero me nahalata ako sa ‘yo.” “Ano po ‘yon?” “Mukhang kilala mo ‘ko. Kilala mo ba ako?” Di muna nakahuma si Boy. Naalaala niya si Liza. Si Liza na tinatanaw niyang boss niya. At ipinagbilin sa kanya ni Liza na susubaybayan at pangangalagaan si Ray. Sabihin ba niya ang bagay na iyo kay Ray? Bakit hindi?

“Attorney, okey, talagang kilala kita. Alam mo, masyado akong gala na tao. Kaya marami akong kilalang mga tao na di nakakilala sa akin.”

“Halimbawa ako. Kilala mo ako, pero di kita kilala, di ba, Boy?” “’Yon na nga…” “Bakit kilala mo ako, Boy?” “E, nakilala kita dahil sa aking boss.” “Sino ba ang boss mo?” “’Yong unang girlfriend mo.” “Unang girlfriend ko?” Nabigla rin si Ray. “Ano ba ang pangalan nitong boss mo na unang girlfriend ko?” “Liza ang kanyang pangalan.” “Aba, wala akong girlfriend na Liza ang pangalan.” “Bakit, ano ba ang pangalan ng una mong girlfriend?” “Ana…” “Hmmm. Ana-Liza. Alam po ninyo, Attorney, itong boss kong si Liza, kung minsa’y tinatawag siyang Ana. Pati nga ako’y nalilito rin kung ano talaga ang kanyang pangalan—Liza ba o Ana.”

Bilang isang abogado, agad na tumubo ang interes ni Ray sa sinabi ni Boy. Matagal nga naman siyang nahihiwagaan ng tungkol kay Ana, na kung minsa’y narinig niyang tinatawag ding Liza. Baka, si Ana at Liza, ay iisang persona lamang?

“Boy, klaruhin natin ito. Sabi mo, ang boss mong si Liza ang nakakilala sa akin. Bakit, me sinabi ba itong si Liza ng tungkol sa akin?”

“Sabi nga niya, dating boyfriend niya kayo. Pero nag-break na daw kayo. Akala ko nga, si Magda naman ang iyong girlfriend sa ngayon.” “Di ko girlfriend si Magda. Okey, sabi ni Liza sa ‘yo’y dating

girlfriend ko siya, pero sa pagkakaalam ko’y Ana ang pangalan ng girlfriend ko. Bakit nagkagayon?”

“Kayo ang makasasagot niyan, Attorney, sapagkat abogado po kayo. Ang masabi ko lang po, baka si Liza at si Ana’y isang persona lang. Isang tao lamang.” “Baka… o baka naman magkakambal sila?” “Aba, me posibilidad, Attorney!” Napapalatak si Boy. “Boy, aalamin ko ‘to. Malaki ang interes kong malutas itong hiwagang nakabalot kina Ana at Liza, sapagkat me kaugnayan ito sa akin, sapagkat girlfriend ko nga itong si Ana o si Liza. Me nalalaman ka pa bang mga bagay tungkol sa boss mong si Liza?”

“Sa pagkakaalam ko’y itong si Liza’y dati sa Baguio ito nakatigil. Kelan lang itong biglang nagpakita rito muli sa Maynila at nakipagkontak sa akin. Kasi, itong si Liza dati’y layas din ito at maraming kakilala sa kalye.” “Naririto ako ngayon sa Baguio, Boy.” “Bakit di ka mang-usisa riyan? Baka mas kilala riyan si Liza sa Baguio kaysa rito sa Maynila.” “’Yan ang aking gagawin, Boy.” “Mas mabuti kong alam mo ang apelyido nitong si Ana na ayon sa ‘yo’y girlfriend mo upang madaling hanapin. Ako, di ko alam. Sa kalye, mga walang apelyido ang mga hudas. Panay alyas lang upang maitago ang tunay na pagkakakilanlan. Ang iba riyan, ilang beses magpalit ng pangalan sa isang linggo. Ang dami naming “boy” rito. Me Boy Doleng, Boy Aso, Boy Gasul, Boy Ngungo, ano pa ba?”

“Boy Dakdak, este, Boy Turko, alam ko ang apelyido ni Ana. Nasabi niya sa akin noon…”

“E, baka ang apelyido ni Liza’y gayon din ang apelyido ni Ana.”

“Aalamin ko, Boy. Maraming salamat, Boy. Magkikita tayong muli.” “Sige, Attorney, good luck!” Sumigla ang pakiramdam ni Ray dahil sa takbo ng usapan nila ni Boy. Naalaala niyang unang nakilala niya si Ana nang tumungo ito sa kanilang bahay upang mag-aplay sa anunsiyo noon ng kanyang ina na “wanted wife” para sa kanya. Ngunit makaraan lang ang isang araw, nasalubong niya ito sa Baguio, pero mukhang di na siya kilala, at Liza na raw ang pangalan nito. Di ba mahiwaga?

Simple lang naman ang kasagutan nito. Bilang isang abogado, ang maisip niyang kasagutan ay ganito: Si Ana na kanyang kasintahan, marahil may kakambal na Liza ang pangalan. Marahil, si Liza nasa Baguio nakatira, at si Ana namang kanyang kasintahan ay sa Maynila. Baka nga. Mukhang gayon nga… Nagdiriwang ang loob ni Ray nang lumabas ng restaurant. Alam niya kong ano ang apelyido ni Ana, sapagkat nagpakilala ito sa kanya nang pumunta noon sa kanilang bahay. Ana Villalobos. Marahil si Liza’y Villalobos din.

Di muna siya uuwi sa Maynila. Bukas na bukas din ay simulan na niya ang pagsasaliksik sa totoong katauhan ni Liza o ni Ana.

Tinungo ni Ray ang isang hotel upang doon magpalipas ng gabi.

(ITUTULOY)

“Naririto na po ang ating panauhin, Senyora,” ani Juday. “Halika, Iha. Umupo ka,” sambit ni Senyora Trining na nakangiting nakatitig kay Magda.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.