Liwayway

Pagwasak Ng Pugad (1)

- Neri Jedeliz

(UNANG BAHAGI)

NAGPASIYA ang magasawang sina Carlos at Divina na pansamanta­lang tumira muna sa isang condo unit habang ipinapatay­o pa ang kanilang bagong bahay. Magiisang buwan pa lang silang nakasal at bagong dating nga lang mula sa Hongkong kung saan sila nag-honeymoon. Si Carlos ay isang manager ng isang kilalang bangko at maganda ang kinikita. Samantala si Divina naman ay sa bangko rin noon nagtatraba­ho subalit nagpasiyan­g tumigil na lang sa pinapasuka­n upang magampanan nang maayos ang tungkulin ng isang plain housewife. Lubos na nagmamahal­an ang mag-asawa.

“Me condo unit ang aking nakatatand­ang kapatid na lalaki na paupahan muna niya at tutungo siya sa Canada upang doon magtatraba­ho,” ani Carlos. Isang inhinyero ang kanyang kuya na palipat-lipat lang ng bansang mapapasuka­n sapagkat wala pa naman itong asawa.

“Pero para sa atin, wala na raw upa at pansamanta­la lang naman tayo. Habang ginagawa lang ang ating bahay,” patuloy ni Carlos.

“P’wede naman doon tayo sa aking mga magulang pansamanta­lang pumisan. Sila pa nga ang nagyaya na doon muna tayo,” sambit ni Divina. “Pero mukhang hindi ka interesado na pumisan muna sa aking mga magulang.”

“Love, di sa wala akong gusto. Nais ko lang na ngayong may sarili na tayong buhay, dapat lang na maging independen­t tayo.”

“Marahil ayaw mo lang talaga na makasama ang iyong mga biyenan. Para kang si Pepe Pimental sa tv noon, madalas na kutyain ang kanyang biyenan.”

“Di ko sinasabi na masama ang iyong mga magulang bilang mga biyenan. Pero alam mo namang

independen­t akong tao. Parang di ako makakakilo­s nang maayos pag me nagbabanta­y sa akin.”

“Aber, iwaksi mo na ang ugali mong masyadong loner sapagkat me asawa ka na. Habang buhay na kitang babantayan.”

“Aba, kung ikaw ang magbabanay sa akin, okey lang. Kung gusto mo’y itali mo pa ako sa iyong baywang.”

“Ulol! Ang sabihin mo’y itatali kita sa haligi ng ating bahay upang di ka na makakahabo­l sa mga chicks. Akala mo’y di ko alam na chick boy ka.”

MAGANDA rin at moderno ang condo unit na kanilang nilipatan. Sa isa itong building na 10 storey sa Makati. Halos okupado na ang lahat ng unit ng condo. Karamiha’y mga mayayaman ang nakatira, mga pulitiko at mga negosyante. Talagang ang maykaya lang ang makapagmam­ayari ng isang condo unit. Milyon kasi ang halaga ng isang unit lang. At sa maintenanc­e pa lang, mahirap nang kayanin ng isang ultimong empleyado.

Sa second floor ang unit nina Carlos at Divina. Kumpleto sa gamit, well-furnished, ‘ika nga. Naririyan lahat ang kailangang mga gamit sa salas at sa kusina. Centralize­d din ang air conditione­d.

“Parang nakatira lang tayo sa isang palasyo,” kumento ni Carlos. “Inilalaan yata ito ng aking kuya kung dumating ang panahon na gusto na niyang mag-asawa at mananahimi­k.”

“Okey rin sana ang ganito. Pero na-confine ka lang sa loob ng iyong unit. Kung ibig mong bumaba at umakyat, sa elevator ka sasakay. Di yata ako p’wedeng makatira rito for the rest of my life,” puna ni Divina. “Bakit?” “Mas prefer ko ang isang bahay na nakalapag sa lupa, kung saan makapaghar­din ako at makatanim ng mga kahoy at mga sari-saring gulay sa paligid. Mas gusto kong nasa bukid ako, at malayang makahinga ng sariwang hangin. Dito, pati hangin ay komersiyal.”

“Pareho tayo ng preference, Love. Gusto ko rin ang makapagtan­im sa paligid. Kaya doon tayo bumili ng lote na patatayuan ng ating bahay sa isang bayan sa probinsiya ng Iloilo kung saan ako isinilang. By the way, nakausap ko na ang arkitekton­g na-hire ko. Tapos na raw ang plano ng ipapatayo nating bahay at p’wede nang umpisahan. Approval na lang natin ang kulang at sisimulan na nila.”

“O, ano pa ang hinihintay mo? Go na, upang maumpisaha­n na nila. Nang sa gayo’y may malilipata­n na tayo bago tayo maging zombie sa condo unit na ito na ang lahat ay artipisyal. Kahit ang hangin rito’y parang artipisyal sa pakiramdam ko.” “Ang hangin nanggagali­ng ‘yan sa air-conditioni­ng unit.” “O, di ba artipisyal?” “Mabango naman. Me air freshener at deodorant.” “Aray, pati pabango’y artipisyal. Ang nais ko’y ‘yong pabango na malalangha­p ko mula sa aking hardin. Bango ng mga rosas, tapulanga, sampaguita, eskarlata. Kahit na bulaklak ng damong ligaw basta tunay at di artipisyal.”

DAHIL bagong occupants sila sa condo’y di pa sila kilala ng katabing mga unit. Nagkatitig­an lang sila kung sumabay sa pagsakay sa elevator. Pero di naglao’y naging pamilyar na ang kanilang pagmumukha sa kanilang mga “kapitbahay” kaya may nakangiti o bumabati na sa kanila kung may makasasalu­bong o makasabay sa elevator.

Si Divina’y di masyadong lumalabas sa kanilang unit. Samantalan­g si Carlos ay araw-araw kung lumabas upang pumunta sa kanyang pinapasuka­ng bangko.

Isang hapon, narinig ni Divina na tumunog ang doorbell ng kanilang unit. Nang buksan niya’y nakita niya ang isang magandang babaeng may tangan na isang plato at may nakapatong na isang hiwa ng cake.

“Hello,” bati ng kanyang bisita. “Nag-bake ako ng cake kaya naisip kong bigyan ka upang matikman mo naman kung masarap.”

“Aba, pasok ka,” masuyong yaya ni Divina. Pumasok sila at umupo sa sopa. Ipinatong ng bisita ang platong may cake sa center table.

“Ako pala si Lumen. Katabi lang ninyo ang aking unit. Next door lang. Kaya naisip kong mas mabuti kung magiging magkakilal­a tayo,” anang babae.

“Ako naman si Divina,” tugon ni Divina. “Paminsanmi­nsang nakikita rin kita pag lumabas ka.” “Bago lang po kayo rito ano?” “Opo. Dalawa lang kami ng husband ko. Nagtatraba­ho siya sa isang bangko dito rin sa Makati. Kaya madalas na nag-iisa lang ako rito sa aming unit. At pansamanta­la lang kami rito. Lilipat din kami kapag natapos na ang ipinapatay­o naming bahay. Kayo, matagal na rito?”

“More than two years na yata. Mahilig akong mag-bake ng cake. Iyon lang ang libangan ko sa loob ng aking unit.”

“Parang gusto ko ring matutong mag-bake ng cake. Wala naman akong masyadong ginagawa rito.”

“Kung gano’n, punta ka sa unit ko. Tuturuan kita.”

IYON ang umpisa ng kanilang pagiging magkaibiga­n ni Lumen. Bata pa si Lumen. Sa tingin ni Divina’y kailan lang yata ito naging 18 ang edad. Masasabing tin-edyer pa, kaya kung kumilos ay tipikal na magaslaw at palabiro. Naaaliw rin siya sa mga jokes nito. Hanggang sa nagkapalag­ayan-loob na sila. Parang matagal nang magkakilal­a. Minsan, si Divina naman ang dumalaw sa unit ni Lumen. “Welcome sa pugad ko. Hi-hi-hi!” salubong ni Lumen na maliwanag na masaya dahil sa dinalaw siya ni Divina.

Tinuruan ni Lumen si Divina sa pag-bake ng cup cake. Mukhang ang kasiyahan na lang ni Lumen ay ang pagluto. Nagkalat lang sa center table ang maraming cook book.

“Kapag magretiro na ako’y magpapatay­o na lang ako ng bake shop doon sa probins’ya namin,” nawika ni Lumen.

“Anong mag-retire, e, wala ka namang pinapasuka­n,” nagtataka si Divina.

“Ang ibig kong sabihin, kapag umalis na ako rito sa aking pugad. Uuwi na ako sa aming probins’ya.”

Di kaagad naunawaan ni Divina ang tinutukoy ni Lumen. Ngunit may napupuna si Divina kay Lumen. Minsang nasa unit siya ni Lumen at nagluluto sila ng spaghetti, di nakatiis na di magtanong ni Divina.

“Teka, Lumen. Mukhang nag-iisa ka lang dito sa unit mo. Wala kang kasama?” tanong ni Divina.

“Nag-iisa lang ako rito. Ayaw ni Daddy kong me kasama ako. Masyado siyang seloso.” “Daddy mo? Tatay mo?” “Hindi. Daddy ko siya, pero di ko siya tatay.” Napanganga lang si Divina. Di niya nasakyan ang ibig sabihin ni Lumen. Napupuna rin ito ni Lumen.

“Ikaw, mukhang inosente ka pa sa takbo ng buhay ngayon. Kung sabihin kong Daddy ko pero di ko tatay, ibig sabihin niyan e, sugar daddy ko. Gets mo?”

Gets na ni Divina. Isang mistress lang pala si Lumen. Isang kerida, kabit, whatever. Isang babaeng ibinabahay ng isang mayaman na tao, at itinira sa ganitong class na condo unit.

“Hindi naman madalas kung dumalaw rito si Daddy, at busy siya sa kanyang mga negosyo. Marami siyang business. Me

constructi­on business, rent-acar business, at may hacienda pa siya sa Tarlac.” Tinitigan ni Lumen si Divina na matamang nakikinig.

“Siguro, once a week lang kung dumalaw rito sa aming pugad,” patuloy ni Lumen. “E, okey lang. Wala naman akong problema rito. Kumpleto na ako sa gamit, me allowance pa ako na iniabot sa akin tuwing dumalaw siya rito. May kotse nga ako sa garahe ng ating condo. Subalit paminsan-minsan lang ako pag lumabas, at sawa na rin ako sa pamamasyal.” Napatango lang si Divina. “Ang allowance na bigay sa akin ay iniipon ko. Nagpapadal­a rin ako ng pera sa aking pamilya sa probins’ya. Me pinapaaral kasi akong dalawang kapatid. Ang isa’y malapit nang maggradwey­t sa kolehiyo. Medyo malaki rin ang iniabot niyang

allowance sa akin. ‘Yan lang ang nagustuhan ko sa kanya, di siya kuripot sa kanyang kulasisi. Kaya, plano kong kung magretiro na ako, ang ibig kong sabihin, kapag magpasiya na akong tumigil sa ganitong uri ng buhay, uuwi na ako sa aming probins’ya at magnegosyo na lang. Nakita kong magandang negosyo ang bake shop o bakery.”

Ngayon naunawaan nang lubusan ni Divina ang katayuan ni Lumen. Kabit ito ng isang mayamang tao. Itinira sa condo upang maitago sa mapang-usig na mga mata ng ibang tao.

“Di ko pa nakikita itong Daddy mo,” nawika ni Divina na ngumiti.

“Kasi, madalas na ang punta niya rito’y gabi. Dito siya natutulog at madilim pa sa umaga kung umalis.” “Bakit naman?” “Bakit? Magtatanon­g ka pa. Siyempre upang di siya mabuko ng kanyang misis. O baka me makakita sa kanya rito at magsumbong sa kanyang misis na me kulasisi pala siyang itinatago rito. E, di giyera sila.” Napatawa pa si Lumen.

“Ay, me pamilya pala itong si Daddy mo,” inosente nga talaga si Divina.

“Siyempre naman, ang gumagawa nitong mag-alaga ng kerida, madalas mga taong me asawa na. Alangan namang binata pa.” Tuluyan nang napatawa si Lumen. Di nakahuma si Divina. “O, baka magtanong ka na naman sa edad niya. Siyempre naman, matanda na. Senior Citizen na. Ayon sa kanya’y seventy

plus na siya. Panot na nga. Nagsasalim­bayan na ang piliges sa mukha. Malalaki na nga ang kanyang mga anak na ang iba’y me sarili ng pamumuhay.” Muling napasulyap si Lumen sa inosente niyang bisita.

“Seventy plus na nga siya pero diyos me, tatalunin pa niya ang isang tin-edyer sa romansa,” patuloy ni Lumen. “Kung naririto siya’y di ako patutulugi­n sa magdamag. Kinabukasa­n, kelangang uminom ako ng tableta para sa sakit ng ulo. Di bale, makapal namang perang papel ang iwanan niyang allowance ko. Me pangmatrik­ula naman ang dalawa kong pinapaaral na mga kapatid sa probins’ya.”

IKINUWENTO ni Divina sa kanyang asawang si Carlos ang tungkol kay Lumen.

“Ganyan talaga ang gawain ng ibang me asawa nang matanda. Naghahanap ng ligaya sa labas ng kanilang tahanan. Mga dirty old men kung tawagin. Naghahanap ng mas bata,” komento ni Carlos. “Nag-aalaga ng mas batang kulasisi at patitirahi­n sa isang condo unit. Kaya patuloy na nagbo-boom ang negosyong condominiu­m.”

“Nahahabag ako kay Lumen, Love. Bata pa siya upang mapariwara ng gayon. Oo nga, sagana siya sa pera, pero ang kapalit naman nito’y ang pagkapariw­ara ng kanyang pagkatao at kinabukasa­n. Paano na lang siya kung magsawa na ang kanyang

sugar daddy? O, paano siya kung matuklasan ng misis ni old man ang tungkol sa kanya? Tiyak, di lang bugbog ang kanyang matatangga­p o alipusta sa kanyang pagkatao. Baka ipapatay pa siya ng misis ni tanda. Masyado raw selosa ang misis ng kanyang sugar daddy.”

“E, di ba, magkaibiga­n kayo nitong si Lumen? Di payuhan mo. Baka titigil din siya habang may panahon pa kung mapagtanto niyang masama ang kanyang aabutin sa bandang huli.” Iyan nga ang planong gawin ni Divina. Nais niyang iligtas si Lumen sa kumunoy ng pagkakasal­a. Aywan, mukhang naging symphathiz­er na siya ni Lumen.

“LUMEN, paano ka napasadlak sa ganitong sitwasyon,

I mean, paano ka naging kulasisi ni Tanda?” tanong ni Divina nang muli silang mag-usap ng kaibigan. This time, sa kanyang unit sapagkat nagpaturo siya kay Lumen kung paano mag-bake ng cup cake.

“Isang mahabang estorya ‘yan,” tugon ni Lumen. “Malungkot ang simula.” “O, simulan mo na.” Sisimula na sana sa pagkuwento ni Lumen, nang biglang makarinig sila ng sunod-sunod na tunog ng doorbell sa unit ni Divina. Agad namang tumayo si Divina upang tingnan kung sino ang tumimbre ng doorbell. Nasa isip niyang baka ang baklang beautician na pinapapunt­a niya upang mag-service sa kanya ng manicure at pedicure.

Pero ang nakita niya’y isang may edad nang lalaking maginoo naman ang postura. Nakakurbat­a at nakaamerik­ana.

Natanaw rin ni Lumen kung sino ang dumating, nang buksan ni Divina ang pintuan ng unit. Agad na tumayo ito at lumapit. “Ay, si Daddy!” Nahulaan naman ni Divina kung sino ang dumating. “Pasens’ya ka na, Misis,” anang bisita. “Gusto ko lang makausap si Lumen.” “Okey lang. Pasok po kayo!” Pumasok ang bisita na nilapitan naman kaagad ni Lumen. “Bakit ba naririto ka, Daddy? Hindi pa naman visiting day mo ngayon, a. The other day ka lang naparito, di ba?” usisa ni Lumen. “Emergency lang ngayon, kaya naparito ako.”

“Anong emergency?” “Natuklasan na ni Misis na me…me alaga akong babae. Naparito ako upang warningan ka. Huwag ka munang lumantad o pagala-gala sa labas ng iyong condo unit. Baka maispatan ka.” “Kilala ba ako ng misis ninyo?” “Hindi siyempre. Pero me sinuhulan siyang taong upang magmasid o magmanman, kung saan ako pumupunta, every

Sunday. At baka makilala ka. Alam mo na, maraming me makating dila riyan.”

“Sus, e, ano kung makilala ako? Ano, susugurin niya ako rito? Aba, lalaban ako sa kanya ng sabunutan.”

“Iwas lang muna, Sweetheart. Mas mainam kung malayo sa disgrasya.”

“Kanino bang disgrasya ang kinatataku­tan mo? Disgrasya mo o sa akin?”

“Basta, iwas muna. Baka ilang araw ding di ako papakita sa ‘yo. Mabuti rin kung madalas ka rito sa unit nitong amiga mo. Ano nga pala ang pangalan mo, Misis?” Binaligan ni Tanda si Divina. “Divina po,” maiksing sagot ni Divina. “Pasens’ya na po kayo sa perhuwisyo. Pero p’wede bang mag-stay muna si Lumen rito for a few days? Mas mabuti kung me kasama siya.” “P’wede po. Magkanugno­g lang naman ang aming unit.” “Salamat, Divina. Sige, Lumen, aalis na ‘ko.” “Ingat,” pahabol ni Lumen. Tuluyan nang lumabas ang bisita. Nang wala na ang kanyang sugar daddy, biglang bumunghali­t ng tawa si Lumen. “O, ano ang tinatawan mo?” Nagtataka rin si Divina. “Ang animal, takot pala sa asawa. Under de saya pala! Haha-ha!”

Sa halip na tumawa, nahahabag na napatitig na lang si Divina kay Lumen.

(MAY KARUGTONG)

 ??  ?? “Hello,” bati ng kanyang bisita. “Nag-bake ako ng cake kaya naisip kong bigyan ka upang matikman mo naman kung masarap.”
“Hello,” bati ng kanyang bisita. “Nag-bake ako ng cake kaya naisip kong bigyan ka upang matikman mo naman kung masarap.”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines