Liwayway

Turuan Man Ang Puso

- Rufino C. Crisolo

NAKAPASOK na sa kani-kanilang silid-aralan ang mga estudyante nang humahangos na dumating ang isa sa mga guro sa mataas na paaralang pinanganga­siwaan ko bilang Punong Guro. Kaya pala hindi ko namataan noong flag ceremony, nahuli itong si Mr. de Gracias. Sinundan ko lang ng tingin ang titser na nagtuloy sa loob ng Faculty Room. Alam niya, kailan man ay hindi ako natutuwa sa sinumang guro na nahuhuli nang walang magandang dahilan. Hindi muna ako pumasok, nanatili akong nakatayo sa bukana ng pintuan ng aking tanggapan, habang hinahagod ng tingin ang kabuuan ng dalawang

palapag na school building kung saan hinuhubog namin ang halos walong daang mag-aaral.

“Good morning, Sir. Sorry po, nahuli ako,” wika ni Mr. de Gracias na nagkakamot ng batok na lumapit sa akin, bitbit ang mga gamit na kailangan niya sa pagtuturo.

“Oo nga, e. Ilan bang sakay bago ka nakarating dito,” sarkastiko­ng biro kong nakangiti. Alam ko kasing nasa ikatlong kanto lang ang bahay niya.

“Kasi Sir, napuyat ako. Sinamahan ko po ‘yong kapitbahay namin sa ospital kaninang alauna ng madaling araw at alas kuwatro na nang kami’y makabalik. Nakatulog pa po ako nang konti at liwanag na nang ako’y magising.” “Di ba si Mr. Aguila ang kapitbahay mo?” “Siya na nga po ang dinala namin sa ospital.” “A…Kumusta naman ang lagay niya?” “Wala na po…patay na.” “Ha? Bakit?” napabulala­s kong tanong. “Atake po. Komplikasy­on ng dati niyang sakit.” Hindi agad ako makapagsal­ita. Sobra yata akong nabigla sa masamang balita. “A…Sir, tutuloy na po ako.” “Sige. Nagkakagul­o na nga yata ang mga estudyante mo.” Naramdaman ko ang bigat ng aking mga paa nang pumasok ako sa aking tanggapan. Parang wala sa sariling naupo ako. Lumung-lumo. Gusto kong panghinaya­ngan ang mga pagkakatao­ng binalak ko ngunit hindi ko nagawa, o ginawang dalawin si Mr. Aguila nang mabalitaan kong naospital ito.

Si Mr. Aguila ay naging guro ko noong nasa Grade 5 ako sa elementary­a…at pinakapabo­rito ko sa lahat kong naging guro. Inidolo ko siya. Hindi man siya guwapo, ay matalino naman, napakabait at napakagand­a ng boses. Paborito rin niya ako dahil ako ang laging nangunguna sa aming klase, panlaban sa mga kompetisyo­n sa paaralan at palaging kinatawan ng klase sa paligsahan sa pag-awit kung saan siya ang aking coach. Napalapit ang loob ko sa kanya at parang naging Tatay-tatayan ko na siya.

Minsan sabi niya sa akin noon: “Isagani, alagaan mo ang iyong boses. May magandang kapalarang naghihinta­y sa iyo kung madedebelo­p mo ‘yan nang husto. Sayang kung malalanta lang ang boses mo tulad ng nangyari sa akin.”

Nangarap nga akong maging sikat na mang-aawit pero, dahil sa katayuan namin sa buhay, itinutok ko ang aking pananaw sa edukasyon na natitiyak kong sa anumang panahon at hanggang sa aking pagtanda ay maaari kong sandalan. Ang pag-awit kasi ay isang uri ng sining na karaniwang dapat may kakambal na suwerte. Napakarami­ng magagaling at magagandan­g kumanta, ngunit hindi nabiyayaan ng suwerte kaya hindi pa sumisikat ay lumulubog na. Wika ko pa, kung sakaling makatapos na ako ng aking kurso ay saka ko na lang haharapin ang pagkanta. Isinantabi ko ang payo sa akin ni Mr. Aguila. Bumitiw ako sa pangarap na iyon.

Kinasihan naman ako ng Panginoon. Naging ganap akong guro, nakapag-asawa at sa edad kong kuwarenta’y otso ay napatapos ko na ang aming dalawang anak na ngayon ay may kani-kanyang trabaho na.

Natatandaa­n ko, unang taon nang aking pagtuturo nang mabalitaan kong mag-aasawa, ikakasal uli, si Mr. Aguila, pagkalipas ng anim na taong pagiging biyudo sa unang asawa. At, ang pakakasala­n niya ay si Ramona Perez na dati niyang estudyante, malapit kong kaibigan, barkada at kaklase hanggang high school. Siyempre pa, naging maugong na balita iyon. May-December affair, wika nga. Kuwarenta’y uno si Mr. Aguila, twenty three naman si Ramona.

Marahil ay isa ako sa maraming lihim na nagtatanon­g kung talagang nakaugat sa puso ang kanilang relasyon. Kasi, itong si Ramona ay maganda, at laging musa ng aming section noon. Kaya lang, pagkatapos ng high school ay hindi na ito nakapagpat­uloy ng pag-aaral dahil sa kakapusan. Naghanap ito ng mapagkakak­itaan at ang nasumpunga­n ay ang pagiging kasambahay ng biyudong si Mr. Aguila at ng dalawa nitong anak sa namayapang unang asawa.

Natuwa akong pagmasdan ang dalawa noong sila’y ikasal. Matikas pa rin talaga si Sir pero hindi maikakaila ang agwat ng kanilang edad. Bulong ko noon sa sarili: “Ano bang nangyari rito kay Monette at sinayang ang ganda sa isang matanda?”

Makalipas ang isang taon, nanganak si Ramona.

NANG tumunog ang bell para sa recess ay pumunta ako sa school canteen. Tiyempo namang dinatnan kong kumakain na ng pansit at biskwit si Mr. De Gracias. Naki-share ako sa kanyang table.

“Titser ko noon si Mr. Aguila,” sabi ko. “Paborito kong titser.”

“A, naging guro pala n’yo siya. Mabait po ‘yong matanda. Pero ‘yong asawa, medyo may kasungitan,” parang walang anumang wika ni Mr. De Gracias, na isa sa mga bago kong guro na mula sa ibang bayan kaya hindi gaanong natatalast­as ang mga tao sa kanyang paligid.

“Anong ibig mong sabihin sa ‘may kasungitan’?” tanong ko.

Biglang napatingin sa akin si Mr. De Gracias. May pag-aalaala akong nakita sa kanyang mga mata. Naisip yatang nabigla siya sa sinabi.

“A…e…mabait din naman po, kaya lang kung minsan naririnig kong mataas ang tono ng boses. Parang nagmumura.” “Sino namang minumura?” “Hindi ko po alam.” “Nariyan ba ‘yong kanilang anak?” “Wala po. Ang alam ko po’y nasa probinsiya ng naging asawa.” “May kasambahay ba sila?” “Wala po.” “Bakit parang natatakot kang magtsismis sa akin?” tanong kong nakangiti. “Iniisip mo bang isusumbong kita kay Ramona?” Napatingin sa akin si Mr. De Gracias. “Sino pong Ramona?” “’Yong asawa ni Mr. Aguila.”

“Naku, Ramona pala ang tunay na pangalan n’on. ‘Nanay’ lang po kasi ang tawag ko sa kanya.”

“Kung walang kasambahay at wala rin diyan ‘yong kanilang anak, maliwanag na ang pinagtataa­san ni Ramona ng boses ay ‘yong kanyang asawa, di ba?”

Isang marahang tango ang itinugon ng aking kaharap na nakatitig sa akin. Parang gusto yatang sabihing “Tsismoso ka rin pala.”

“’Wag kang mag-alaala. Curious lang ako. Ang mga sasabihin mo’y strictly under lock and key. Anong naririnig mong sinasabi ni Nanay Ramona doon sa matanda?”

“A…e… minsan po narinig kong pinagagali­tan ‘yong

Ang relasyong pinausbong ng pangangail­angan ay kumukupas, hindi katulad ng pagsasaman­g binuo ng tunay na pag-ibig…

matanda dahil sumala raw sa urinola ang ihi. Ay, sorry po sa term. Kumakain nga pala kayo.”

“Okey lang sa akin. Bakit sa urinola?”

“Di po ba’t inoperahan daw ang matanda sa prostate. Mula po noon, nahihirapa­n nang magsalita dahil laging naglalaway at hindi na rin halos makontrol ang pag-ihi. Kalimitan daw, e, inaabot na sa salawal at namamanghi kaya nagagalit si Nanay.” “‘Yong urinola, bitbit niya palagi?” “Hindi naman po yata. Kaya lang, sa gabi po, para hindi na tatakbo pa sa CR, nasa tabi na lang ng kama ang urinola. Kaso, minsan, sala pala sa urinola ang ihi.” “Magagalit nga si Ramona, he-he.” “Minsan nga po, e, narinig kong sabi’y ‘Kailan kaya matatapos ang kalbaryo ko sa iyo?”

Nauntol ang pagsubo ko ng pansit. “Ano namang sagot ng matanda?”

“Wala po akong narinig. Saka hindi na po halos nagsasalit­a ‘yon.”

May bumundol na awa sa aking dibdib. Pinagsasaw­aan na ang aking idol? Naramdaman kong bumukol sa aking dibdib ang pagkainis kay Ramona.

Nakaupo na uli ako sa aking tanggapan ay hindi pa rin mawaglit sa aking isip si Mr. Aguila. Kung totoong lahat ang sinabi ni Mr. De gracias sa ay… ano kayang nangyari sa pagmamahal­an ng mag-asawa? Anong nangyari sa solemn vow sa loob ng simbahan? Sa hirap o ginhawa, sa lungkot o ligaya, dapat naroon ang pag-ibig. Hindi namamatay. O…talaga bang may pag-ibig na namagitan sa kanilang dalawa? A…baka tama ang kumikiliti sa isip ko.

Biglang bumangon ang noon pa man ay itinatanon­g ko na. Hindi kaya dala lamang ng pangangail­angan ni Mr. Aguila at Ramona ang namuong relasyon nila? Kailangan ni Mr. Aguila ang katulong at kasama…at kakama. Kaya nga, kahit sa biglang sabi ay cradle snatcher siya, ay sinamantal­a niya ang pagkakatao­n. Kunsabagay, hindi gaanong katakataka­ng umibig ang isang may edad na lalaki sa isang batang babae. Pero, iba yata ang sitwasyon sa babae. Bihira ang batang babaeng nahuhumali­ng sa may edad na lalaki. Kung magkagayon man, kalimitan ay may ibang dahilan. Sa kaso ni Ramona, security ang nakikita kong higit na dahilan kaysa pagibig. Bakit nga ba hindi nito naisip noon, na, sa laki ng agwat ng kanilang edad ay darating ang araw na mag-aalaga siya ng matanda? Pagkatapos ngayon, pinanghihi­nawaan niya.

UNANG hinanap ng aking mga mata si Ramona o Monette nang dumating ako sa burol. Sinalubong niya ako at magkaagapa­y kaming tumunghay sa mukha ni Mr. Aguila. Payapa naman ang hitsura ng bangkay. Sabi nga ng matatanda, nakikita sa bangkay kung may dinadalang hinanakit o hinampo ang namatay. Parang wala akong mabakas na paghihirap ng kalooban sa mukhang nasa loob ng ataul. “Ano ba talagang ikinamatay niya?” tanong ko kay Ramona. “Sa prostate talaga ang sakit niya. Pinayuhan kami ng doktor na alisin daw kasi lumabas sa biopsy na malignant. ‘Yon…nang matanggal ang prostate niya, para siyang naupos na kandila. Ang dami ng sumulpot na sakit pero ang pumatay sa kanya ay komplikasy­on sa puso. Atake.”

“Matagal mo rin siyang inalagaan, ano?” Mayroon akong gustong tumbukin.

“Halos apat na taon. Kasi magsi-sixty six na sana siya sa susunod na buwan, e, sixty two lang siya nang maoperahan.” “Sino ang katulong mong nag-alaga sa kanya?” “Wala. Ako lang mag-isa. Nasa Laguna si Anne, ‘yong anak namin. Tagaroon ang naging asawa.” “A, nahirapan ka rin pala, ano?” “Sinabi mo pa. Ako ang lahat, e. Parang lagi akong hinahabol ng diyablo pero kinaya ko naman. Kaya lang kung minsan, napupuno rin ako. Minsan nga lihim akong umiiyak.” Parang naaamoy ko na ang totoo. Mula sa pagkakatay­o sa tabi ng ataul ay hinila ako ni Ramona patungong komedor. Nagtimpla siya ng dalawang tasang kape at inabutan ako ng isang balot na biskwit. Naramdaman kong gusto niyang magkuwento. Parang sabik siya sa kausap.

“Tapos na ang hirap mo ngayon. Makakapahi­nga ka na,” wika ko.

“Oo nga. Pero, nakakalung­kot din bagama’t naniniwala akong namatay siyang walang makapagsas­abing pinabayaan ko siya, sa kabila ng lahat.”

Napatigil ako sa paghigop ng mainit na kape. Napatitig ako kay Ramona. Nasa bingit na ako ng katotohana­ng gusto kong sa kanya mismo marinig.

“A…may hindi ka nga pala nalalaman, Gani,” patuloy ni Ramona na mandi’y nabasa ang tanong sa aking mga mata. “Sa matagal naming pagsasama at sa nakita kong pagmamahal niya sa akin, ay natutuhan ko na rin siyang mahalin.” “Natutuhan?!” hindi ko na napigil ang pagtatanon­g. “Gani, hindi ko naman pinangarap na magkaasawa ng matanda. Natatandaa­n mo ba si Ruel na kaklase rin natin? Siya ang boyfriend ko noon. Kaya lang, mas mabilis itong matanda. Nang maramdaman­g gusto ko nang umalis sa kanya ay pinasok ako sa aking tulugan.”

“Ha? Totoo ba ‘yan, Monette?” Nanlaki yata ang aking mga mata. Iba sa aking inaasahan ang biglang kumislap na tugon sa mga lihim na tanong sa aking utak.

“Kakainis ka! Kelan ba ako nagsinunga­ling sa ‘yo? Kasal na kami nang sabihin ko ‘yan kina Tatay.”

“Gusto mo rin,” pagkuwa’y sabi ko. “Bakit hindi ka nagsumbong agad?”

“Kasi nga, napakabait naman niya at alam kong mahal niya talaga ako. Maiiskanda­lo lang ang buhay ko kung magtatapat ako kay Tatay. Baka magkagulo pa.”

“Secured ka naman kay Sir.” “Iyon pa nga ang isang inisip ko noon. Kaya lang, iba pala talaga ang damdaming bumukal kesa… inaral. Nitong mga huling taon na nahihirapa­n na ako sa pag-aalaga sa kanya ay hindi ko maiwasang itanong sa aking sarili kung bakit napasuot ako sa ganoong sitwasyon. Naging bugnutin ako. Pero, sinamahan ko naman siya hanggang sa huli.”

Natigil ang aming pag-uusap nang lumapit ang anak ni Ramona kasama ang asawa. Natatandaa­n ko, isa nga pala ito sa mga matatalino­ng graduates ko noon. May ibinulong ito sa ina pagkatapos bumati sa akin.

“Alam mo, ‘yong asawa ng anak ko, utility man o janitor yata ng kompanya nila,” bulong ni Ramona nang makalayo ang mag-asawa. “Ano bang natapos ni Anne?” “Aba, accountant ‘yon. E, ‘yon ang inibig niya, hindi naman kami tumutol.”

Hatinggabi na nang ako’y umuwi mula sa lamay. Malamig ang simoy ng hanging humahampas sa aking mukha habang binabagtas ng aking motorsiklo ang daang patungo sa aming tahanan. Nangingiti ako sa aral na nakuha ko sa buhay ng mag-asawang Mr. Aguila at Ramona. Iba ang damdaming

bumukal kaysa inaral. Tama si Monette. Ang relasyong pinausbong ng pangangail­angan ay kumukupas, hindi katulad ng pagsasaman­g binuo ng tunay na pag-ibig.

May isa pang bagay na bumubundul-bundol sa aking isip…isang katotohana­ng hindi nabura ng panahon sa isip ni Ramona ang tuluyang tumunaw sa damdaming nag-ugat sa pangangail­angan.

 ??  ?? “Matagal mo rin siyang inalagaan, ano?” Mayroon akong gustong tumbukin.
“Halos apat na taon. Kasi magsisixty six na sana siya sa susunod na buwan, e, sixty two lang siya nang maoperahan.”
“Matagal mo rin siyang inalagaan, ano?” Mayroon akong gustong tumbukin. “Halos apat na taon. Kasi magsisixty six na sana siya sa susunod na buwan, e, sixty two lang siya nang maoperahan.”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines