Muling Paghakbang

Liwayway - - Mga Nilalaman - Jemarbenzo P. Ponce

KABABATA ko si Glen sa probinsiya. Siya ang pinakamalapit kong kalaro noong siyam na taong gulang pa lamang kami. Piko, tagu-taguan, patintero, moro-moro; ilan lamang iyan sa mga nilaro namin nina Glen kasama ng iba pa naming mga kababata. Wala pa noon sa konsepto namin ang pag-ibig. Pero, may iba akong nararamdaman kay Glen. Puppy love raw ang tawag dito sabi ng ate ko; crush naman ang sabi ng iba. Baka nga... baka nga crush ko na si Glen noon; ngunit, hindi ko ipinahalata. Nahihiya kasi ako sa kaniya at saka bata pa naman kami. Naaalala ko pa nga noon, isa ako sa mga taya sa patintero; sinubukang makatawid ni Glen sa akin pero nahawakan ko ang braso niya. Napatingin siya sa akin. Nagkatitigan kami! Tila kinukuryente ang pakiramdam ko. Para bang gusto kong tumalon sa tuwa, pero baka magtaka siya. Baka ‘pag nalaman niyang crush ko siya, mailang na siya sa akin at hindi na niya ako kausapin pa. At saka bata pa nga kami... dapat pag-aaral muna ang inaatupag ko.

Matapos ang pangyayaring iyon, ipinangako ko sa sarili ko na kapag nasa tamang edad na kami, liligawan ko na siya. Nagtungo ako sa bukid namin kung saan nakatayo ang tatlong puno ng mangga. Tanging ang huni lamang ng mga ibon at hampas ng mga dahong isinasayaw ng hangin ang maririnig sa lugar na yaon. Habang sinasalubong ako ng sariwang hangi’y lumapit ako sa puno ng mangga na nasa gitna ng dalawa pang puno ng mangga. Doo’y mag-isa kong iniukit ang unang letra ng mga pangalan namin - letter G para sa Glen at letter C para sa Cristof. Tapos, nilagyan ko ng puso sa gitna.

Pilit kong itinatago ang nararamdaman ko sa kaniya. Kadalasan, sabay kaming umuuwi galing sa eskwela kasama ang ilan pa naming mga kapurok. Minsan, tinutukso na rin kami ng aming mga kamag-aral. Inaasar na bagay raw kami sa isa’t isa.

Masaya kahit papaano ang magkaroon ng lihim na pagtingin sa kaibigan ko. Sa tuwing sumusulyap ako, nginingitian niya ako. Labis na nakabibighani ang puyo sa magkabila niyang pisngi. Ang mga mata niya ay waring mga talang kumikislap sa langit. Masaya... masaya kahit magkaibigan lang kami; hanggang sa nagkaroon na nga ako ng tapang na aminin sa kaniya ang totoo kong pagtingin.

Maglalabindalawang taon ‘ata ako noon. Pumitas ako ng mga bulaklak ng santan sa hardin ni Aling Piring tapos bumili ako ng pitong tigpipisong tsokolate sa tindahan ni Aling Dalia. Pinuntahan ko

si Glen sa bahay nila. Hinawakan ko ang kamay niya at hinila siya papunta sa bukid namin.

Sa tapat ng puno ng manggang may ukit ng unang letra ng mga pangalan nami’y ikinalat ko ang mga bulaklak ng santan. Lumuhod ako sa harap niya at inilagay sa palad niya ang pitong tsokolate.

“Anong ginagawa mo, Tof?” pagtatakang tanong niya. “Tumayo ka na,” utos pa niya. Ngunit, hindi ako tumayo. Habang hawak ko ang kamay niyang may hawak na tsokolate’y huminga ako nang malalim at saka unti-unting binitawan ang mga salitang matagal ko nang gustong pakawalan.

“Glen... Glen, gusto kong aminin sa iyo na... matagal na kitang crush. Mahal na nga kita, eh.”

“Tof...” mahinang wika niya habang tinititigan niya ang mga mata kong unti-unti nang naluluha.

“Alam ko na ang gusto mong sabihin, Glen. Hindi pa p’wede dahil bata pa tayo, ‘di ba? Oo nga’t bata pa tayo, pero hindi ko pababayan ang pag-aaral ko. Hindi ko lang kasi kayang kimkimin pa ang nararamdaman ko sa iyo,” sabi ko.

Hinawakan niya nang mahigpit ang kamay ko. Waring inililipad ako sa alapaap sa mga katagang lumabas sa bibig niya.

“Tof... may nararamdaman na rin kasi ako sa iyo. Crush kita, Tof. Mahal na rin ‘ata kita.”

Unti-unting nabalot ng tuwa ang pakiramdam ko. Masaya... masaya ako sa winika ni Glen. Parehas pala kami ng nararamdaman. Tumayo ako at sa muling pagtititigan ng mga mata namin, bigla niya akong niyakap at tuluyan siyang umiyak. Binasa ng mga luha niya ang kaninang tuyo kong balikat. At... at unti-unting napalitan ng lungkot, kaba at takot ang kaninang sayang nararamdaman ko nang muling magsalita si Glen habang yakap niya ako. “Patawarin mo ako, Tof,” mahinang bulong niya. “Hah? Bakit?” “Hindi ko kasi agad nasabi sa iyo na--” kumalas siya sa pagkakayakap sa akin at itinuloy ang sinasabi.

“Aalis na kami dito, Tof. Ibinenta na nina Nanay ang bahay namin dito. Tutungo na kami sa Maynila sa susunod na araw. Doon na kami titira. Pero, Tof, pangako... babalikan kita.”

Tila dinudurog ang puso ko sa narinig ko. Parang nawalan ako ng pag-asang magkakatuluyan kami. Malayo ang Maynila dito. Tuluyan na ngang pumatak ang luha ko, hindi dahil sa tuwa, kundi dahil sa sakit. Masakit... masakit na wala akong magawa. Masakit na kung kailan ko nagawang ipagtapat sa kaniya ang nararamdaman ko at kung kailan niya sinabing mahal niya rin ako ay saka naman niya ako iiwan. Binitawan ko ang kamay ni Glen. Marahan akong naglakad palayo at naiwan siyang mag-isang nakatayo sa bukid namin. Ilang hakbang pa lamang ang nagagawa ko’y nilingon ko siya. Nakita kong nilapitan niya ang puno ng mangga na inukitan ko. Iyon na ang huling pagkakataong nasilayan ko siya rito sa probinsiya. Nagpatuloy ako sa paglalakad at pagdating sa bahay ay nagkulong ako sa kuwarto. Ngunit, hindi ko ipinahalata sa pamilya kong nasasaktan ako. Sabi ko may sakit lang ako kaya wala akong ganang kumain.

Dumalaw raw si Glen sa bahay bago sila lumuwas pero nagkunwari lang akong tulog hanggang sa tuluyan nga akong nakatulog nang dahil na rin sa pagod. Hindi naman masakit ang magmahal. Ang masakit lang, iyong iiwan ka ng taong mahal mo. Iyong akala mo perpekto na ang lahat, iyong akala mo masaya na pero mauuwi lang pala sa wala. Huminto ang mundo kong masaya at napalitan ng lungkot. Gusto ko lang huminto ang panahon sa minutong sinasabi ni Glen na mahal niya ako tapos paulit-ulit lang na mangyayari iyon. Pero hindi... kahit hindi ako gumalaw rito sa kama, patuloy lamang na iikot ang mundo. Kung ihihinto ko lang ang paghakbang ko, maiiwan lang ako ng panahon.

Nang magmulat ako, nakita ko sa tabi ng unan ko ang isang bagong sapatos! Kulay itim na rubber shoes na may puting sintas. Napatayo ako sa pagtataka. Tinawag ko si Nanay at itinanong kung kanino ang sapatos na nasa kama ko. Akin daw iyon sabi niya. Bigay raw ni Glen bago sila pumunta ng Maynila. Nakita niya sigurong sira ang sapatos ko kaya ibinili niya ako ng bago. Ngunit sa halip na matuwa, bumalik lang sa akin iyong sakit. Paano ko nga ba naman maisusuot ang sapatos kung ‘di ko pa kayang humakbang? Paano ko ito maisusuot kung pipiliin ko lang na ihinto ang mundo ko? Sa totoo lang, wala naman akong balak isuot ang sapatos na ibinigay niya. Nagpapaalala lang ito ng sakit ng pang-iiwan. Hindi ko lang alam kung bakit hindi ko siya maintindihan. Nasaktan lang siguro ako.

Muli kong tinitigan ang sapatos. Para bang may bumubulong na isuot ko ito. Kaya naman, bumuntonghininga ako at hinawakan ang sapatos. Unti-unti kong kinalas ang sintas at sinubukang isuot ang kanang paa. Kasya naman sa akin. Isinuot ko na rin ang kaliwa at saka ako tumingin sa salamin. Bagay naman sa akin ang regalo niya. Hinubad ko ang sapatos at saka naligo. Pagkabihis ko’y muli kong isinuot ang sapatos. Maayos ang porma ko. Lumabas ako ng aming bahay. Nagtaka pa nga si Nanay; saan daw ang punta ko.

Marahil nakakatawang isipin na nakaporma akong nagpunta sa bukid namin. Hindi naman maputik doon kaya hindi narumihan ang sapatos. Tulad ng dati, huni lamang ng ibon at hampas ng nagsasayawang dahon ang tanging naririnig. Nandoon pa rin ang nagkalat na mga nabulok nang bulaklak ng santan na saksi sa pagtatapat ko ng nararamdaman ko kay Glen. Saka nakita ko rin ang pitong tsokoloteng hindi man lang nabuksan pero pinapak na ng langgam. Bumalik na naman ang sakit, pero patuloy pa rin ang paghakbang ko gamit ang munting regalo ni Glen. Lumapit ako sa puno ng mangga na nasa gitna. Tinitigan muli ang mga inukit kong letra. Ngunit, sa halip na muling lumuha, ngumiti ako. Nangako ako sa sarili kong hindi ako susuko sa amin ni Glen. Pagbubutihin ko ang pag-aaral ko at tutungo ako sa Maynila. Muli kaming magkikita.

LUMIPAS ang ilang mga araw, linggo, buwan at taon. Wala kaming naging komunikasyon ni Glen. Hindi pa noon uso ang cellphone sa probinsiya namin. Ni hindi ko alam kung ano na ang nangyari kay Glen matapos ang ilang taong hindi kami nagkakausap. Hanggang sa tumungtong na ako sa kolehiyo at napagdesisyunan kong mag-aral sa Maynila.

Maliban sa pag-aaral, si Glen rin ang dahilan kung bakit sa Maynila ako kumuha ng kurso. Umasa pa rin akong makikita ko siya roon. Pero, lumipas na ang tatlong taon kong pamamalagi sa Maynila, ni anino niya ay hindi ko nakita. Hanggang sa nauso na ang Facebook. Pagkagawa ko ng account, agad kong hinalungkat ang pangalang Glen Hidalgo - at sa wakas! Nakita ko na ang larawan niya. Tiningnan ko ang kanyang FB at hindi nga ako nabigo. Nalaman ko kung saan siya nakatira at kung saan siya nag-aaral. Pinindot ko ang Add Friend at saka naglakas-loob na mag-iwan ng mensahe sa kanya. “Hello, Glen, kumusta ka na?”

Nang maipadala ko na ang mensahe’y tiningnan ko ang mga larawan niya. Malaki na ang ipinagbago niya. Mas gumanda pa siya lalo. Hindi na siya iyong neneng nakilala ko noon. Maputi ang kaniyang balat at may kulay pang medyo itim na pula ang kanyang buhok. Mukha na siyang artista. Siguro mas maganda pa siya sa personal. Gusto ko na siyang makita. Kaso... nagdadalawang-isip ako. Biglang nagsulputan ang mga tanong sa isip ko. Kilala pa kaya niya ako? Galit kaya siya sa akin kasi hindi ko siya kinausap noong nagpunta siya sa bahay namin

Umaasa si Cristof, na sa paglipas ng mga panahon, tutuparin ni Glen ang pangako nitong babalikan siya para dugtungan ang naudlot nilang pag-ibig…

para magpaalam? Kailangan pa ba akong magpakita sa kaniya o hindi na? May puwang pa ba ako sa puso niya?

Isinara ko na ang Facebook ko at lumabas sa computer shop. Hindi pa rin nawawala ang mga tanong sa isip ko, pero hindi ko hinayaang makaapekto ito sa pag-aaral ko. Makalipas ang ilang araw, may tumawag sa cellphone ko.

“Hello?” sagot ko. “Cristof?” wika ng isang boses ng babae na pamilyar sa akin, si Glen.

“Oo, ako nga ito.” Bumilis ang kabog sa puso ko na waring may hinahabol. “Si Glen ito, ‘yung kababata mo!” masayang sabi niya. Napangiti ako! Kinuha raw niya ang numero ko sa Facebook. Hindi ko akalain na tatawagan niya ako. Hindi ko akalain na kakausapin pa niya ako. Halos sampung taon na rin ang nakalipas nang huli kong marinig ang boses niya. Ngayon kausap ko na siya. Nagkaroon muli ako ng pag-asang magiging kami. Ito na ang tamang panahon! Hindi na kami mga bata, puwede na! Puwede na naming tuparin ang pangako namin sa isa’t isa. Puwede na naming ituloy ang naudlot naming pag-ibig.

Pinuntahan ko siya sa kanilang paaralan. Naninibago ako. Iba’t ibang mga mukha ang nakita ko. Lumingon-lingon ako sa kanilang unibersidad pero hindi ko siya nakita hanggang sa nag-text siya. Sa may hardin daw malapit sa gusali ng isang kolehiyo. Mabagal ang paglakad ko papalapit sa tinutukoy niyang lugar. Kinakabahan ako pero nasasabik din. Nang makarating ako sa hardin, nakita ko siya. Nakangiti siya sa akin! Tama ako! Mas maganda nga siya sa personal. Napanganga lang ako sa kinatatayuan ko. Hindi ako makakilos agad hanggang sa banggitin niya ang pangalan ko.

“Tof!” sigaw niya bago siya lumapit. “Ikaw nga! Hindi ko akalaing nandito ka sa Maynila.”

“Ah... matagal na ako rito. Dito sa Maynila na ako nag-aral ng kolehiyo. Hindi ko rin akalin na makikta kita.” Tuluyan kaming umupo sa mahabang upuan saka ipinagpatuloy ang pag-uusap.

“Ang dami na ring nagbago noh, Tof? Kumusta naman kayo doon sa probins’ya?” wika niya.

“Ayun okay naman. Marami na’ng nagbago. Karamihan na nga sa mga bahay sa baryo natin sementado na. ‘Yung malawak na bukirin nina Mang Nesto, parte na ng isang bagong

expressway. Marami man ang nagbago... pero mas marami pa rin ang nanatili tulad ng dati. Ikaw kumusta ka naman dito, Glen?” tanong ko.

“Ayos rin. Eto, tao pa rin naman,” pabirong sabi niya. “Saka eto, ga-graduate naman na ako sa Marso,” masayang dagdag niya.

Gusto ko nang simulan ang paksa namin tungkol sa huling araw niya sa probinsiya nang biglang may tumawag sa cellphone niya. Tinanong ‘ata kung nasaan siya at sinabi naman niya kung nasaan siya ngayon. Tapos mga ilang segundo lang, may dumating na lalaki - mestiso, matangkad at makisig. Nilapitan niya si Glen at hinalikan sa pisngi. Natulala ako sa nakita ko. Parang muling huminto ang pag-inog ng mundo ko. Bumilis ang tibok ng puso ko; ngunit sa pagkakataong ito, tumibok ito nang mabilis dahil sa kaba, takot at sakit. Nakatingin lang ako sa kanilang dalawa nang biglang nagsalita si Glen.

“Cristof... si Jiro, bf ko. Jiro si Cristof, kababata at kaibigan ko sa probins’ya,” wika ni Glen na unti-unting dumudurog sa akin. Paulit-ulit na umalingawngaw sa akin ang katagang “Kaibigan ko”. Kababata at kaibigan lang pala niya ako. Kung sa bagay, bata pa lamang kami noong sinabi niyang mahal niya ako. Baka nga nakalimutan na niya iyon. Marahil nadala lang siya ng emosyon noon. Nagkamali nga lang siguro siya ng nararamdaman sa akin. Baka kaibigan lang talaga ang tingin niya sa akin. Bakit nga ba naman kasi ako umasa na mamahalin niya ako. Ayan tuloy, nasaktan na naman ako. Muli na namang bumalik sa akin ang kirot at pagkabigo na naramdaman ko sampung taon na ang nakaraan. Lumunok lang ako nang malalim dahil kailangan kong itago ang nararamdaman kong sakit. Baka makahalata sila, baka kung ano pa isipin ni Glen. Kaya ngumiti ako at kinamayan si Jiro. Batid naman sa kanilang dalawa na masaya sila. Hindi dapat ako makagawa ng aksiyon na ikasisira ng maganda nilang relasyon.

“Sige, Glen... mauna na ako. Hanggang sa muli. Dalaw ka sa probins’ya natin, ha,” wika ko.

“Sige, Tof... salamat!” sabi ni Glen. Batid kong alam ni Glen ang nararamdaman kong sakit.

Mabagal ang paglakad ko papalayo sa kanila. Patuloy pa rin ang pagpigil ko sa mga luhang maaari nang pumatak anumang segundo. Marami na namang tumatakbong tanong sa isip ko. Bakit nangyayari sa akin ito? Hindi ba talaga kami para sa isa’t isa? Bakit pa kami pinagtagpo kung mayroon na pala siyang iba?

Mahirap na namang humakbang para magsimula ng bago. Dati na akong huminto sa paglalakbay ng buhay ko nang masaktan ako at nauulit na naman ito ngayon. Gusto ko na namang huminto ang pag-ikot ng mundo sa minutong kausap ko si Glen sa hardin. Iyong tipong hindi na darating si Jiro sa buhay niya. Pero hindi... hindi maaaring ihinto ang mga pangyayari sa mga panahong gusto lang natin. Hindi natin mapipigilan na dumating ang oras na tayo’y masasaktan, pero hindi dapat ito ang maging dahilan upang hindi natin ipagpatuloy ang paglalakbay natin. Humakbang lang tayo nang humakbang dahil may dahilan ang lahat.

Tuluyan na akong nakalabas sa kanilang unibersidad. Blangko pa rin ang mukha ko, pero nakapagdesisyon na ako. Tatanggapin ko nang hindi talaga kami para sa isa’t isa. Itinuloy ko ang paghakbang nang bigla kong narinig ang isang nakabibinging busina at dumilim ang paligid ko.

TAHIMIK lang ang lahat hanggang sa imulat ko ang aking mga mata. Nakita kong nakatayo sa harap ko ang babaeng kanina lang ay kausap ko. Binasag ng mahihinang tunog ng buntonghininga at paghikbi ni Glen ang katahimikan sa kinalalagyan namin. Unti-unting dumaloy ang kaniyang mga luha mula sa mata hanggang sa makinis niyang pisngi. Muli siyang huminga nang malalim, yumuko at saka winika ang mga katagang sumampal sa akin ng katotohanan.

“I’m sorry, Tof. Minahal kita noon, pero... matagal na iyon. Patawarin mo ako kasi hindi ko natupad ang pangako ko sa ‘yo. Hindi na kita binalikan. Alam kong nasaktan kita. Pero, sana... sana maging masaya ka sa amin ni Jiro. Paalam... Paalam, Tof,” ‘saka niya pinunasan ang mga matang kanina pa umiiyak. Wala akong imik. Namuo lang ang mga luha ko habang tinititigan ko siya. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko hanggang sa napagdesisyunan kong lapitan siya at hawakan ang kaniyang mga kamay. Unti-unti kong idinikit ang aking palad sa palad niya ngunit hindi na niya ito nararamdaman hanggang sa dumating si Jiro. Tumalikod si Glen sa akin, niyakap ang binata at muli na naman siyang lumuha.

Masakit. Masakit pero masaya. Masakit na hindi ako ang pinili niya, pero masaya ako ngayon dahil alam kong sasaya siya sa piling ni Jiro.

Muling humarap si Glen. Malamlam ang kaniyang mga matang hapo na siguro sa kaiiyak. Nag-iwan siya ng isang itim na sapatos at isang pumpon ng mga puting rosas sa harapan ko. Inakbayan siya ni Jiro at tuluyan silang humakbang palayo, palayo sa kinatatayuan ko.

Naiwan akong walang ibang kasama kundi ang sapatos at mga puting rosas na iniwan niya sa lapida kung saan nakaukit ang pangalan ko. Isinuot ko ang sapatos at muling humakbang papalayo sa tunay na mundo - sa mundong hindi humihinto sa pag-ikot. Palalayain ko na si Glen sa aking puso at palalayain ko na rin ang sarili kong ginapos ng pagmamahal sa kaniya. Huminto ako sa paghakbang at huminga nang malalim. Ngumiti ako at muling itinuloy ang paghakbang gaya ng walang hintong paghakbang ng oras sa mundo.

“Anong ginagawa mo, Tof?” pagtatakang tanong niya. “Tumayo ka na,” utos pa niya. Ngunit, hindi ako tumayo.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.