Liwayway

Ano Ang Tamang Asal Sa Pakikipag-date?

- Chad Faller

BALAK mo rin sigurong makipag-date ngayong Valentine’s season. Maaaring first date mo ito, isang blind date,

second date o exclusivel­y dating na kayo. Isang friendly date o romantic date kaya. May mga magkapareh­ang sa sinehan ang tuloy pero sa halip na manood lang ng pelikula ay may milagrong ginagawa. Marami naman ang tumutuloy sa ‘biglang-liko’ at alam naman natin kung ano ang ginagawa nila roon.

Pero teka, ito ba ang tamang paraan at dapat igawi sa pakikipagt­ipan? Tila nakakalimu­tan na yata ang moralidad at kagandahan­g-asal. Ano ba ang tamang dapat iasal sa pakikipag-date? Una, ang lalaki ang dapat mag-aya sa babae na makipag

date. Siya rin ang dapat magtakda ng petsa at alamin kung available ba ang babae. Hindi ang babae ang mag-aaya o kaya ay mangunguli­t pa.

Dapat ding tiyakin ng lalaki na may sapat siyang panggastos para sa date.

Pangalawa, gumayak nang malinis, komportabl­e at naaayon sa okasyon. Kung formal date o formal party, mainam ang coat

and tie para sa lalaki ngunit huwag namang mag-blazer at pencil skirt ang babae na parang dadalo kayo sa isang business

meeting sa halip na magdi-date. Marami pa namang formal clothes na mapagpipil­ian ang babae. Kung hindi formal date, kasiyasiya ang civilian clothes, sport shirt, maong at jacket para sa lalaki. Maaliwalas naman para sa babae ang afternoon dress o evening

dress. Huwag magsuot ng maraming borloloy na para kang geek o manghuhula. Lalong huwag magsuot ng lukot na damit na parang hinahabol ka ng plantsa. Dapat din ay bagay sa iyo ang suot mo at hindi ka mukhang jologs.

Hindi rin kailangang parang dinilaan ng baka ang buhok ngunit suklayin at ayusin ito. Ang babae ay dapat naka-make up at masinop ang pagkakaayo­s ng buhok. Hindi dapat katagpuin o sunduin ng lalaki ang babae saanmang lugar maliban sa bahay ng huli. Ngunit dapat ay nandoon ang pamilya nito o may kasamang adulto. Kung nagiisa lang ang babae sa bahay, hindi tamang imbitahin niya ang lalaki sa loob ng bahay gaaano man katagal. Ngunit kung may tiwala na ang magkapareh­a sa isa’t isa, o ang kanilang mga magulang sa kanila, puwede silang magkita sa ibang lugar.

Kung nakakotse ang lalaki, hindi dapat bumusina ang lalaki na parang parang pag-aanyaya na sumakay na sa kotse ang babae. Dapat ay tawagin niya ang babae mula sa pintuan ng bahay. Kung hindi pa naipapakil­ala ng babae sa kanyang mga magulang ang lalaki, maaaring imbitahin niya ang lalaki sa loob ng bahay upang maipakilal­a ito. Kailangan ding mag-abiso ang lalaki kung anong oras niya ihahatid pauwi ang babae.

Dapat na pagbuksan ng lalaki ng pinto ng kotse at igiya ang babae hanggang makaupo sa loob bago siya sumakay. Sa pagibis naman, dapat maunang umibis ang lalaki habang nakaupo pa ang babae. Saka tulungan niyang makaibis ang babae.

Kung lululan naman sa pampasaher­ong sasakyan, dapat na tulungan muna ng lalaki na makasakay at makaupo ang babae bago sumakay at umupo ang lalaki. Sa pagbaba, dapat namang mauna ang lalaki para maasisteha­n niya sa pagbaba ang babae.

Kung papasok naman sa isang sinehan, dapat sundan ng babae ang usher pagkatapos sabihin dito ng lalaki kung saan gustong umupo. Kung walang usher, dapat na igiya ng lalaki ang babae o magkasabay silang maglakad sa aisle. Kung uupo na, dapat magpaubaya naman ang lalaki na makapasok sa hanay ng mga upuan ang babae bago siya umupo.

Iwasang makaistorb­o sa mga katabi sa sinehan. Iwasan ang maingay na pagngalot ng popcorn, maingay na pagkukuwen­tuhan o public display of affection (PDA). Lalong huwag gumawa ng milagro sa sinehan. Kung lilisan na, dapat paunahin ang babae at alalayan siya.

Kung papasok naman sa isang restaurant, dapat sundan ng babae ang waiter sa napiling mesa. Dapat ipaghila ng lalaki

ng silya ang babae hanggang makaupo ito. Saka alisin ang kanyang jacket o coat.

Sa pag-order ng pagkain, hayaang pumili ang babae sa menu. Kung nakapili na ang babae, puwedeng sabihin iyon ng lalaki sa waiter pati ang order ng lalaki. Puwede ring sabihin ng lalaki sa babae na diretso nang sabihin ang order nito sa waiter. Huwag umorder na parang inosente sa mga putahe o sobrang dami na para kang bibitayin. Habang kumakain naman, dapat obserbahan ang good table manners and etiquette.

Ang lalaki ang dapat magbayad ng bill. Mas mainam kung gawin niya ito nang palihim.

Kung naglalakad naman, hindi dapat na parang ahas o sawang nanlilingk­is ang babae kung makakapit sa lalaki. Puwede lang siyang kumapit sa siko o braso ng lalaki kung kailangan niya ng pag-asiste nito tulad sa pagtawid sa kalsada.

Habang nagdi-date, dapat na magpakita ng courtesy ang lalaki sa babae. Dapat ding pahalagaha­n ng babae ang lalaki. Maging focused at interesado sa kausap. Hangga’t maaari ay i-off ang cell phone para walang divided attention.

Hindi dapat panay ang hawi ng buhok ng lalaki o mag-ayos ng kuwelyo habang kaharap ang babae. Ang babae naman ay dapat iwasang mag-retouch, magsuklay o paglaruan ang buhok habang nagbyu-beautiful eyes. Baka sa halip na ka-date ay mapagkamal­an ang babaeng si Sisa.

Magkaroon ng ‘sense’ kausap. Pero huwag maging boring. Huwag magbida tungkol sa politika o business events na wala namang interes ang ka-date. Magkaroon din ng sense of

humor pero huwag naman iyong parang stand-up comedian ka na. Ipakita ang magandang personalid­ad ngunit totoong sarili. Huwag maging presko. Baka sa sobrang hangin mo ay liparin mula sa upuan ang ka-date mo.

Dapat tuparin ng lalaki ang takdang oras na ipinangako niyang ihahatid pauwi ang babae. Kailangan niyang igiya ang babae sa pinto hanggang makapasok sa loob. Kung nandoon o gising pa ang mga magulang ng babae, puwedeng anyayahan niya ang lalaki upang pumasok at makapagmin­indal o dinner.

Kapag pauwi na ang lalaki, dapat namang ihatid ito ng babae hanggang sa pinto at sabihin na nag-enjoy siya sa kanilang date. Na dapat ding suklian ng pasasalama­t ng lalaki. Isang masaya at nakaaaliw na karanasan ang pakikipag

date. Masarap sa pakiramdam na makasama ang taong nagugustuh­an. Paraan din ito upang lalong magkakilal­a ang magkapareh­a. Ngunit dapat ding isaalang-alang ang moralidad at kagandahan­g-asal. Dapat magkaroon ng paggalang at malinis na intensiyon. Dahil kung hindi naman magkakatul­uyan ngunit ibinigay ang katawan sa isa’t isa, parang pinaglarua­n lang ng magkapareh­a ang bawat isa at dinungisan ang dangal. Kaya matutong magpahalag­a at tumrato nang tama.

 ??  ?? Mga larawang mula sa Google
Mga larawang mula sa Google
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines