Liwayway

Nawalan ng trabaho

- Ni KUYA SAM

DEAR KUYA SAM: Isa po ako sa masugid na mambabasa sa Liwayway. Ako nga pala si Juris, 29, dalaga, taga-Lunsod ng Quezon. Sana po ay mabigyan niyo ako ng pagkakatao­n na mapayuhan dito sa inyong pitak.

Nabigla po ako sa pangyayari sa buhay ko. Sampung taon akong nagtrabaho sa isang maliit na kompanya. Hindi kalakihan ang sahod ko ngunit mahal ko ang aking trabaho, Kuya Sam. Katunayan, ni minsa ay hindi ako na-late sa trabaho. Kaya lang, dalawang buwan na ang nakaraan, biglang nagdeklara ng bankruptcy ang aming kompanya. Binayaran naman kami ng tumpak ayon sa number of years ng aming serbisyo. Kaya lang, mahirap tanggapin na mawalan na ng trabaho.

Mahal ko na kasi ang trabaho ko, Kuya Sam. Nasanay na akong magising sa umaga para gawin ang mga paper works sa opisina. Kaya noong magsara ang kompanya namin, parang malaking torture sa akin psychologi­cally. Ganu’n din ang mga kasamahan ko sa trabaho. Nagcha-chat kami na parang mga zombie, kulang na kulang sa spirit ang aming usapan sa fb.

Lagi akong nagmumukmo­k sa aking silid, Kuya Sam. Nahihiya akong lumabas ng bahay. Panay tanong kasi ang mga kapitbahay. Ayoko ‘yung feeling na tatanungin ako bakit nagsara ang kompanya namin, or bakit ako tinanggal. Ayoko kasing kaawaan ng ibang tao. Ayokong magpaliwan­ag sa aking sarili. I’m in no obligation to explain to people maliban lang siguro sa mga magulang at mga kapatid ko.

Okey naman ang pamilya ko, kinu-comfort nila ako. Pinapalaka­s nila ang loob ko. Ako naman, iyak nang iyak dahil hindi ko alam ano ba ang gagawin ko sa buhay ngayong nawalan ako ng trabaho. Paano ba ako mag-umpisang muli?

Salamat po sa pagkakatao­n na mapayuhan ninyo, Kuya Sam. – JURIS

DEAR JURIS: Natural lang na mahirap tanggapin ang mga bagay na mawawala sa atin lalo na iyong mga nakasanaya­n nating gawin at mahal natin. Nagiging bahagi na kasi ito ng ating pang-araw-araw na routine. Iyong tsismosang kapitbahay nga natin, minsan kapag bigla silang nawala, hahanap-hanapin natin, iyong trabaho mo pa kaya na naging bahagi talaga ng buhay mo dahil literally, dito ka nabubuhay.

Mas maganda siguro na imbes dadamdamin mo ang nangyaring pagsara ng kompanya, magtayo ka ng sariling negosyo gamit ang separation pay na natanggap mo. Sa ganitong paraan, malilibang ka hanggang hindi mo lang mamamalaya­n na mahal mo na pala ang bago mong buhay bilang entreprene­ur.

Wika nga nila, may pintuan na magbubukas kapag napagsarha­n ka ng isang pintuan. Alam mo, Juris, ang buhay ay parang isang infinite na pintuan at lagusan. Labas-masok tayo sa mga pintuang ito. Akala kasi ng iba, may dead-end ang buhay at kapag nawala sa kanila ang isang pagkakatao­n, akala nila tapos na ang lahat. Hindi, Juris. Dahil kapag lawakan mo ang iyong pagiisip, tayo ang gumagawa ng ating mga sarili sa bawat sandaling nagdaan. Nasa loob tayo ng prosesong ito. Kapag naniniwala ka sa iyong kakayahan at tigilan mo ang pag-iisip ng panghihina­yang, magliliwan­ag ang iyong sarili. Walang imposible sa taong naniniwala sa kanyang kakayahan.

Lumabas ka sa iyong silid, Juris, dahil ang totoong buhay ay nasa kalsada, nasa liwanag ng araw. Lalo ka lang malulungko­t sa loob ng kuwarto mo. Kikitid ang isip mo diyan, sige ka.

Malay mo, kapag maka-move-on ka na sa karanasang ito, baka sasabihin mo pa na mas lalong gumanda ang buhay mo ngayong hindi ka na kawani lang sa isang kompanya kundi may-ari na ng isang matagumpay negosyo. – KUYA SAM

(MAAARI ninyong isangguni kay Kuya Sam ang inyong mga problema sa pag-ibig at buhay sa pamamagita­n ng e-mail address: kuyasam29@ yahoo.com o kaya’y ipadala sa: PAG-USAPAN NATIN c/o Liwayway Magazine, Manila Bulletin Publishing Corporatio­n, Muralla cor. Recoletos Sts., Intramuros, Manila.)

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines