Mga Bituin Sa Tubig (3)
NAKAILANG hakbang lamang si Armand pababa sa putol na ilog. Parang kapre na hinarangan siya ng tibobos na mga kawayan. Simbilog ng hita ng matipunong binata ang mga kawayang iyon. May nakahapay na iba na tinampalasan ng mga bagyong dumaan sa bansa. Inisip niya kung paano ang paglusot doon para makababa siya sa pampang ng putol na ilog. “Siguro kababagyo lang dito bago ako nakauwi?” Dinukot niya sa bulsa ng suot niyang puruntong ang penlight na may isang dangkal ang haba. May ulo iyon na sinlaki ng mata ng pusa. Naglagos ang liwanag niyon sa kawayanan na alam niyang mahirap maisisiksik doon ang kaniyang katawan.
Kailangang humanap siya ng ibang daan pababa sa putol na ilog. Pumaitaas uli siya sa pampang. Naghanap ng ibang daan. Pagdating niya sa dakong kaliwa, nasinagan niya ng liwanag ng penlight ang buwal na punongkahoy. Sinluwang ng isang maliit na bahay ang sakop ng kinabuwalan niyon. Nakita niya ang ilang espasyo sa pagitan ng mga sanga.
Doon siya dumaan. Pagkaraan ng ilang pasukot-sukot sa pagitan ng mga sangang nagtikwasan, nakagapang siyang pababa sa ilog.
“Paano pagbalik ko…?" Nagasgasan ang kaniyang mga braso sa paglusot niya sa nabaling maliliit na sanga ng punongkahoy.
Hindi na niya inintindi ang hapdi ng mga galos. Nakalampas na siya sa kinabuwalan ng punongkahoy. “A, sa ibang lugar na lang ako dadaan pabalik!” Ngayon, ahas na lamang sa matataas at malagong talahib ang kinatatakutan niya sa bahaging wala nang mga punongkahoy. “Bahala na ang penlight…” Nakababa na siya sa pampang. At pagbulusok ng tingin niya sa tubig, tulad siya ng isang tikin na inarok ang lalim niyon.
“Nandito na uli ako…” May umindak sa loob ng kaniyang dibdib.
Parang palanas ng matigas na yelo ang ibabaw ng tubig sa ilog. May luwang iyon na mahigit isang libong metro kuwadrado. May haba naman iyon nang kalahating kilometro. Maliwanag ang tubig sa dulo. “D’on naputol ang ilog…” sambit niya ngayon. Alam niyang nahaharangan ang dulo ng ilog sa kaliwa ng pader ng mga batong puti. Usli-usli ang ibabaw ng pader. Parang may aabutin sa langit ang mga usling iyon.
Lumusong siya sa tubig na hawak sa kaliwang kamay ang penlight. Maligamgam ang tubig sa balat niya. Tagaraw. Kung tag-ulan, iisiping papalamig na tubig iyon sa refrigerator.
May sintas ang gomang sapatos na kaniyang suot. Magaan. Mabasa man iyon, makalalangoy siya.
Kailangang sa tubig siya dumaan patungo sa dakong dulo. Malayo nang kaunti sa pampang. Maaaring may ahas o alakdan sa halamanan at palumpong doon.
Mababaw ang tubig sa tabi ng pampang. Hindi kailangang manlabusaw siya sa babaw niyon. Hindi rin kailangang lumangoy.
At napatigil siya nang malapit na siya sa dulo. Hindi siya makapaniwalang makikita pa niya uli sa tubig doon ang mga perlas ng alaala ng kaniyang kabataan. “Wow! Parang led bulb sa liwanag!” Hindi nakatingala sa langit si Armand. Nakatungo siya, titig na titig sa tubig. Parang may engkanto ang panoorin niya nang mga sandaling iyon.
“Babalik at babalik ako dito…” At inisip niyang walang ano man o sino man na makapipigil sa kaniya na bumalik sa lugar na iyon.
Si Iloy, si Eulogio, ang kababata niyang nasa Indonesia ngayon ang kasama niya sa paliligo sa putol na ilog. Maiinggit ito sa kaniya pag nagkuwento siya tungkol sa pagbaba niya sa ilog ngayon.
“Halos sing-edad lang kami noon ni Iloy. Bata pa siya kay Bart….” Alaala pa rin iyon ng putol na ilog.
Tanghali pa lamang, naninirador na sila ng ibon. Kung makakahuli sila ng mga bato-bato, masaya na sila. Leleegan nila ang mga ibon. Patutuluin ang dugo sa palapa ng gabi na tumutubo lamang sa matubig na bahagi ng bukid kung tag-araw. Magsusunog sila ng mga tuyong siit at dahon at iihawin nila doon ang mga ibon. At mangingiti siya sa balik ng mga alaala. “An’ takaw ni Iloy, ang daya…” nangingiti siya. “ Uulukan niya akong maghanap ng bungang kamyas.”
Si “tanga” naman siyang susunod sa ulok nito. Aalis siya habang binabantayan ni Iloy ang mga iniihaw nilang ibon. At mambabato pa siya ng mga bunga ng duhat o sampalok para lumaglag ang mga iyon.
“Talagang salbahe…” natatawa siya. “Pagbalik ko, mga tadyang na lang ng ibon ang natitira, lahat ng laman, naubos na niya!”
Ngunit hindi siya maaaring magalit kay Iloy. Kung tagulan, ikinukuwento ni Aling Ima, ang nanay nito, maagangmaagang aalis ang anak at makatanghali na uuwi. At siya naman ang magkukuwento sa iba tungkol kay Iloy. “Santambak na talangka ang dala, nakasako…para kay Nanay,” nagugunita niya. “Inuunahan n’ya pala’ng mga magsasaka sa patubigan.”
Si Iloy rin ang nagregalo sa kaniya ng malalaking bunga ng mabolo nang “gumradwet” siya sa kanilang elementary
school ” sa baryo. Ngayon, hindi niya agad namalayan ang ibinubulong niya: “Missed n’ya ‘to….kung ikukuwento ko ‘to sa kaniya, may dunggol uli ako sa punong braso ko…”
Ganoon si Iloy. Matuwa, mapikon. Sinusuntok siya sa braso. Naglalambing. Nang-iinis din.
“Iloy! Hanggang may umbok pa ako, siguro kaya parang wala… lumubog lang sa taba ng braso ko!”
Naiisip niyang maiinggit sa kaniya si Iloy. Nakasandal siya sa batong pader na harang sa putol na ilog. Patay na ang kaniyang penlight. Maliwang na maliwanag ang paligid. Parang nahulog ang lahat ng mga bituin sa langit. Nasadlak sa pinakamalalim ng tiyan ng ilog!
“Mando…paano’ng nangyari?” Takang-taka si Iloy nang unang masaksihan nila ang liwanag na nakabudbod sa pusod ng ilog, kikislap-kislap, parang mga mata ng libong uod na nangingitlog sa ilalim ng tubig.
“Ewan ko rin…” At naisip niya, wala sino man sa kanilang sityo ang nakapagkuwento tungkol sa nasaksihan nila noon. “Sisiriin kaya natin…” sabi pa sa kaniya ni Iloy. “Sige, sisid ka na…sunod ako!” “O, iisahan mo ako… di ka sisisid, ano?” Duda ang mga mata ni Iloy.” Manawa-nawa siya sa itsura ni Iloy. Takot maisahan. “O, takot ka lang. Takot ka sa malalim, di ba? ‘Nung maligo tayo sa dagat, di ka sumunod sa akin!”
“Di ako takot…nakita ko lang ‘yung mga isda, iba-iba ang kulay. Di hanggang batuhan lang ako!” “Sige nga, kundi ka takot, mauna kang sumisid!” Kinuyom ni Iloy ang isang palad at iniharap sa mukha ko. “Pag di ka sumunod sa akin…lagot ka. Pati bayag mo, babasagin ko nito!”
Nagtawa lamang siya nang malakas noon. Una na siyang sumisid. Narinig niya ang labusaw ng tubig. Sumunod si Iloy. Malalim. Dumilat siya. Palalim pa rin si Iloy. Kinapos siya ng hininga. Lumutang siya.
Nagtagal si Iloy sa ilalim. Natakot siya. Baka naipit ang paa nito sa bato. Baka hinigop ito ng pusod ng ilog at kung saan dinala. Napasigaw siya. “Iloy! Iloy!” Hindi pa rin lumulutang si Iloy. Napaiyak na siya.
Sino sa nakita niyang dalawang babae sa ilog ang nakikipagtitigan sa kaniya ngayon?
“Iloy! Iloy!” Tumabi na siya sa bato at umiyak pa siya. Takot na takot siya. Baka kinuha na si Iloy ng engkantada. Hindi ba sa ganoong mga lugar naninirahan ang mga engkantada? “Iloy! Iloy!” sigaw niya. Mayamaya, bigla na lamang sumulpot si Iloy. Hingal na hingal. Hindi halos makagulapay na lumangoy papunta sa harang na batong pader ng ilog.
“An’ lalim, Mando…an’ lalim talaga! Pero ang liwanag d’un…ang daming parang mga bituin. Daig pa’ng liwanag ng mga alitaptap sa puno!”
Nakatingin lamang siya kay Iloy. Parang hindi siya makapaniwala sa sinasabi nito. “P’ano ‘yon? Ba’t may mga bituin sa ilalim?” “Di naman ako nakarating sa pinakailalim...natanaw ko lang. Di na ‘ko makahinga!” “Ha? ‘Kala ko, pinakailalim na’ng naabot mo!” Nandidilat pa rin si Iloy na tumabi sa kaniya sa pagkakasandal niya sa pader na bato. Humihina na ang paghingal nito. Dilat na dilat pa rin.
“’’Lam ko na…d’un nga nakatira ang engkantada. Ayaw ka lang niyang makarating sa pinakailalim. Minadyik ka! Hinarangan ka!” sabi niya. “Hindi naman siguro. Balikan natin ‘to sa araw, ha?” “Di hindi natin makikita ang mga bituin sa tubig?” “Ibig lang nating malaman kung talagang malalim…” ani Iloy.
“Sige…pero sikreto natin ‘to. Pag may nakaalam nito… dadami’ng maliligo dito…pati mga gurang!” “Di huwag nating sasabihin sa nanay…tatay natin?” “Pati sa mga lolo…lola, ha?” “Di ‘wag na lang nating sabihin kahit kangino?” sabi pa niya.
Hindi na kumibo si Iloy. Parang pagod, sumandal sa pader ng bato. Lupaypay. Nakapikit.
Hindi niya kinibo si Iloy. Tumingin uli siya sa ilalim ng ilog. Parang napunta ang langit sa pusod ng ilog. Talagang ang dami ng mga bituin doon.
Hapon nang magbalik sila ni Iloy sa putol na ilog. Sumisid uli sila. Si Iloy ang unang lumutang. “Naabot ko ang ilalim…” sabi sa kaniya ng kaibigan. “Talaga?” Taka siya. “Ikaw naman,” sabi sa kaniya ni Iloy. Sinubok niya. Sisid na sisid. Talagang pinigil niya ang kaniyang hininga. Naabot nga niya.
Nang umalis na sila sa ilog, parang nawalan ng gana si Iloy.
“Ewan ko, pero mababaw lang naman pala ang ilog na ‘yon?” “Nagtataka nga ako…di ba naabot ko rin?” “Madyik, ha?” Hindi siya makapaniwalang may engkantada roon. Umuwi na sila. Parang karaniwan na lamang kay Iloy ang putol na ilog. Kapag nagagawi kami roon sa araw, ni ayaw nitong maligo.
“Mababasa lang ‘tong jersey ko…ilalaro ko pa ‘to ng basketbol sa kabilang sityo!” Mag-isa na lamang siyang naligo. Ngunit minsan, inabot siya ng hapon ng paninirador ng mga tikling sa kabila ng pambansang lansangan ng Daang Kalesa. Isang ibong bato-bato lamang ang kaniyang napuruhan. Inihaw agad niya. Miryenda. Pursigido siyang makapag-uwi ng tikling. Ginabi na siya’y wala ni isang tikling na nasabat siya.
Umulan. Madulas ang daan patungo sa kanilang sityo kung babaybayin niya ang patubig sa kabila ng gubatan. Baka maglabasan pa ang mga ahas sa lugar na iyon.
Dumaan siya sa pampang ng putol na ilog sa lupang sakop ng Peňaranda. Tumigil ang ulan. Umaliwalas ang langit. Lumitaw ang mga bituin.
“Baka nga bumababa sa ilog ang mga bituin…” naisip niya.
Dumiretso siya sa putol na ilog. Inakit siya ng alaala ng mga bituin sa tubig. At lumusong siya, nakatuon ang paningin sa kailaliman. Nagniningning na sa ilalim ang mga bituin. Sumisid siya. Mahawakan ko kaya ang mga bituin, inisip niya.
Naisip niya si Iloy na sumisid doon nang araw at nakaabot sa pusod ng ilog. “Maabot ko rin ngayon…” bulong niya. Nakailang sisid siya. Dalawa. Tatlo. Apat. Ngunit hindi niya narating ang pusod ng ilog. Parang makailang ulit na nakipagkindatan sa kaniya ang mga bituin.
Ngayon, naiisip niyang hindi na mahalagang marating niya ang pinakailalim ng ilog. Sapat nang makita niya ang mga bituin doon. Iyon ang sinasabi niya kay Iloy kung nagyayakag siyang sumama sa kaniya sa putol na ilog. “’Yong mga bituin lang naman ang gusto kong makita…” Tumango-tango lamang si Iloy. Alangan ang paniwala niya sa ilog.
Iginalang niya ang engkantada roon. Kung naninirahan iyon sa pusod ng putol na ilog, binabantayan niyon ang mga bituin.
NAKIRAMDAM si Armand. Parang may narinig siyang bahagyang labusaw ng tubig. Umulit iyon, nagmumula sa kabilang dulo ng ilog. “Hayop kaya na naligaw…?” Nakaupo siya sa bato nang lubog ang pang-upo niya. Makikita agad siya sa liwanag na iyon ng paligid. Idinausdos niya ang sarili at lumubog siya hanggang lampas sa dibdib. Nakiramdam siya.
May kumikilos sa gitna ng ilog. Pagawi sa kaniya? Inilubog pa niya ang kaniyang katawan hanggang leeg. May labusaw pa rin. “Buwaya…imposibleng meron dito!” Wala ni isang kuwento tungkol sa buwaya sa bayan ng Peñaranda. Alaga ng bagong may-ari ng gubatan doon?
May labusaw uli. Parang lumalangoy. Tinalasan niya ang kaniyang mga mata. Nag-aprita siya na tumanaw sa pinanggagalingan ng labusaw. “Itim…ulo!” naisip niya nang palapit na ang labusaw. Ngayon, alam niyang tao ang lumalangoy patungo sa batuhang pader ng dulo ng ilog. At naisip niya ang dalawang babaeng nasilip niya sa kaniyang largabista.
“May sumusunod na isa pa…?” Pumitik iyon sa kaniyang utak.
Ngunit nag-iisa ang itim na nakikita niyang patungo sa kinaroroonan niya. At ngayon hindi na siya nagkakamali na isiping mga bisig ang kumakampay sa tubig.
Pigil niya ang kaniyang hininga. Inakala niyang hindi siya napapansin ng lumalangoy. Patuloy ang pagkampay.
Nilabusaw niya ang tubig sa harap niya. Napatigil ang pagkampay. Ngunit naging mukha na ang itim na nakikita niya ngayon. Babae. Sino sa dalawang hagip ng lente ng kaniyang largabista noong isang gabi?
Ngayon, nakatitig na sa kaniya ang babae.
(ITUTULOY)