Binu-Bully Ka Ba?

Liwayway - - News - Marilyn C. Arayata

HINDI naman lahat sila ay nangungurot, namamatid, nambabatok, nanunulak, o nanununtok. Marami sa bullies ay gumagamit ng ibang paraan para magpakita ng power sa kanilang target. May tinatawag na verbal abuse. Kung anu-ano ang sinasabi nila na masasakit para makaramdam ang target ng panghihina ng loob at takot… maramdaman niya na siya ay maliit at mahina. May bullies din na nang-aagaw ng mga personal na gamit, kasama na ang pagkain at pera. Hindi nila isinasama sa mga usapan ang target nila, para maramdaman niyang hindi siya kasali at hindi gusto… etsa puwera, ‘ika nga.

Naranasan mo na ba ang ilan sa mga nabanggit? Binu-bully o na-bully ka na ba? Unfair talaga, pero kahit mga taong may edad na, ginagamit ang mga nasabing taktika, makaramdam lamang ng power ang

bullies. Kailangan pa nilang manakit ng ibang tao para lamang sumaya! Ang lubhang nakababahala, parami nang parami ang mga bata na nambu-bully ng mga kapwa bata – kapitbahay, classmates, schoolmates, at pati na nga mga tao na hindi nila personal na kilala. Nagagawa nila ito kahit na hindi sila magkakasama. Basta may gadget at internet connection, kaya nilang makapanakit nang ganoon-ganoon na lang. Ang talamak na cyberbullying ang isa sa mga hindi magandang epekto ng internet.

Ayon sa psychologists, ang mga nambu-bully ay biktima rin ng pambu-bully. Ang problema sa hindi pagdaan sa tamang counseling at paggamot sa emotional wounds, ang mga dating nakaramdam na sila ay biktima ang siya namang nambibiktima. Nagkakaroon tuloy ng cycle of abuse. Tuwang-tuwa ang bullies kapag may ibang tao na nasasaktan, naiinis, nahihirapan, at natatakot dahil sa kanilang kagagawan. Api-apihan ang pakiramdam nila noon. “Powerful” ang

pakiramdam nila sa pambu-bully na ginagawa nila ngayon.

Anong klaseng sugat ang naidulot sa iyo ng isang bully? Naihinga mo man lamang ba ang hinanakit mo? Kung alam mo ang pinanggagalingan ng isang bully, mas magiging madali para sa iyo ang intindihin siya, pero hindi ibig sabihin nito na wala kang gagawin. Kailangang mapangalagaan mo ang kapakanan mo at mga karapatan. Mahalaga ang suporta at payo ng pamilya, mga kaibigan, at mga opisyal. Humingi ng tulong sa trained counselors. Maaari ka ring sumali sa isang support group.

Magpakatatag. Hindi puwede ang balat-sibuyas. Kung sinasadya ng ibang tao na inisin ka o galitin ka, ipinapakita lamang nila ang tunay nilang kulay. Sa mga kilos at salita nila, ipinapakita lang nila sa mundo na sila ang may problema. Kung minsan, hindi naman sila dapat intindihin. Mas nakikita nilang naaapektuhan ka ay lalong hindi sila titigil. Piliin mo lang ang mga laban mo. May mga bagay na kailangang seryosohin, at may mga bagay na mas makabubuti kung hindi na lamang papansinin. Hindi ka nag-iisa. May karamay ka.

Mga larawang mula sa Google

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.