Dapat Bang Bayaran Ang Tinanggap Na Utang Na Loob?
NORMAL din sa isang tao ang umutang ng pera o mga bagay-bagay kung kinakapos siya. At marami siyang puwedeng puntahan: bangko, lending
companies, kinaaanibang insurance companies, o kaya’y lumapit siya sa mga kamag-anak, kaibigan o roon sa mga nagpapautang ng pera, lalo na kung mayroon siyang ikolateral. Kaakibat ng pangungutang ang pagbabayad nito, kasama na ang interest kung ito’y napagkasunduan ng mga kinauukulan.
Ngunit paano kung ito’y utang na loob o pagmamagandang-loob ng isang tao? Na tumanggap ng pera o ano mang bagay mula sa ibang tao na tumugon naman sa kanyang matinding pangangailangan? Dapat ba itong bayaran? Ito’y ibinibigay o ipinagkakaloob ng isang tao sa kanyang kapuwa, tila gratis et amore? Ngunit di rin maitatatwa na maraming nagmamagandang-loob ‘kuno’ pero sa huli’y naghahanap din pala ng kapalit. At kung di maibigay ang inaasahang kapalit ay isisingil sa iyo iyon.
Sa tingin ng nakararami, ang pagbibigay ng pabor sa iba o ng utang na loob sa kapuwa’y di nangangailangan ng bayad o kapalit. Ibig sabihin, ito’y ibinibigay hindi dahil sa hinihingi ng isang tao na ibig pagbigyan kundi ito’y kusang bumubukal sa puso o isipan ng ibig magbigay. Ito’y tulad ng isang handog o regalo na hindi hinihingi ngunit ito’y ibinibigay ng isang tao dahil dama niyang dapat niyang gawin iyon sa ibang tao. Isang pagbibigay ng pabor na magbibigay sa isang tao ng kasiyahan, ng walang hanggang kaligayahan!
Di nga ba’t may mga taong nagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga institusyong nangangailangan ng financial assistance, nagbibigay pa ng malaking halaga upang matugunan ang pangangailangan ng mga tao’t komunidad (kahit hindi hinihingi sa kanila) ngunit mas nanaisin pang manatili silang unknown sa mata ng publiko? Ang pagkakawanggawa ay mistulang batis ng kanilang kasiyahan sa buhay, di ba? Iyon lang iyon. Ngunit kung ito’y susuklian ng tumanggap bilang pasasalamat, na di naman hinihingi ng nagbigay, sa ano mang panahon, mainam din. Kung ano ang ibinigay o ipinunla, iyon din o higit pa ang tatanggapin, di ba?
Tulad ng karanasan ng isang mayamang lalaki sa Europa noong ika-19 siglo. Isang doktor ng pilosopiya, dalubhasa sa
literature, sign language at ng musika, nakagawian na niyang dumalo sa mga concert, recital, opera at stage presentation ng mga batikang artista sa entablado at pelikula. Minsan, sa kanyang pagdalo sa isang pagtatanghal ng isang world-class violinist ng London, may nagpasabog sa harap ng entablado malapit sa kanyang kinauupuan na nagbunga ng kanyang pagkabaldado.
Ang naging libangan ng naturang mayamang doktor ay ang panonood sa mga taong naglalakad sa plasa sa harap ng kanyang bahay araw-araw. Ginagawa niya iyon sa umaga at hapon. Minsan, habang siya’y nanonood mula sa beranda ng kanyang bahay, napansin niya ang isang matandang babae na humiwalay sa agos ng mga tao at tila hapong-hapong napaupo sa isang sementadong upuan sa lilim ng isang punongkahoy. Nang itutok niya ang paningin sa matandang babae, nakita niyang gumagalaw ang mga labi nito. Palibhasa’y marunong siya ng sign language, naiintindihan niya ang sinasabi ng matandang babaeng iyon. Isang dalangin iyon sa Diyos na sana’y magkaroon siya ng pera upang maipagamot ang kanyang anak na may malubhang karamdaman. Nakadama ng awa ang doktor at inatasan ang kanyang katulong na magbigay ng pera sa matandang babaeng iyon. Ibayong kasiyahan ang nadama ng doktor sa mga sandaling iyon, lalo na nang makita niya ang paniningning ng mga mata ng matandang babaeng binigyan ng pera ng inatasang katulong.
At iyon na ang simula ng kanyang pagmamagandangloob sa mga taong may matinding pangangailangan sa buhay. Pagmamagandang-loob na walang inaasahang bayad o kapalit. At paano ba siya pasasalamatan ng mga taong kanyang natutulungan, e, di naman nila alam kung sino ang taong nagmagandang-loob at tumulong sa kanila?
Sa tingin namin, ang pagbibigay ng pabor o utang na loob sa kapuwa’y di nangangailangan ng bayad o kabayaran. Ito’y pagpapakita ng pagmamahal at pagpapahalaga sa kapuwa, sa mga taong nangangailangan ng ating tulong, sa mga tinatawag na less fortunate. Pagpapakita ito ng pagiging isang Kristiyano ng isang tao. Gawing pamantayan ang aral mula sa Panginoong Jesus na nagsasabing tulungan ang mga nangangailangan; pakainin ang mga nagugutom, painumin ang mga nauuhaw, bihisan ang walang damit sa katawan, dalawin ang mga taong nasa piitan, ipanalangin ang mga may karamdaman. Ang sabi pa ng Panginoon ay “kung magbibigay ng pabor, magbigay doon sa mga taong walang kakayanang suklian ito, ng mga taong naghihirap at tunay na nangangailangan ng tulong. Tunay, na ang tumatanggap ng biyaya o pagmamagandangloob ay magiging masaya, gayon din naman sa nagbigay o pinagmulan ng biyaya. Ang kabayaran ng ibinigay na utang na loob ay ang bubukal na kasiyahang mananahanan sa puso na di matutumbasan ng pilak at ginto!