Buklat /Mulat
(UNANG LABAS)
M
AS naunang nakilala si Rene O. Villanueva bilang mandudula bago mahirang bilang tagapagsulong ng panitikang pambata sa Pilipinas. Nang mailathala ang antolohiyang The Rene O. Villanueva Children’s
Reader (Cacho, 2005), may mahigit 60 aklat pambata na si Villanueva. Unang nalathala ang kaniyang mga aklat pambata noong 1978 na pinamagatang Si Emang Engkantada
at ang Tatlong Haragan at ang Ang Pag-ibig ni Mariang Makiling ng Nutrition Center of the Philippines na naging “prototype ng Aklat Adarna.” Ayon sa panimula ng may-akda, lumahok siya sa unang palihan ng kuwentong pambata na itinaguyod ng Nutrition Council of the Philippines na idinaos sa Lake Caliraya, Laguna noong 1977. Dagdag pa niya, “ang workshop na ito ang pinagmulan ng grupo na kalauna’y makikilalang Adarna group.”
Ang antolohiyang ito ay binubuo ng apat na bahagi— mga kuwentong nalathala na bilang mga aklat pambata, mga kuwentong di pa nalalathala (dalawa sa bahaging ito ang naging aklat pambata pagkaraang malathala ang antolohiya), mga tula at titik ng awiting pambata, at ilang dulang pambata. Hindi nito nilalayong tipunin ang lahat ng nalathala at naitanghal na piyesa ni Villanueva. Imposible iyon dahil sa isyu ng paghingi ng pahintulot sa ibang palimbagan. Sa halip, pinili ng awtor ang mga kinatawan niyang akda upang magsilbing “patikim” sa kaniyang kasaysayan at pag-unlad bilang manunulat pambata mula 1978 hanggang 2005.
Naglalaman din ito ng mga kuwento niyang nalathala ngunit out of print na o hindi na muling nalimbag pa. (Ang kaniyang Nemo, Ang Batang Papel ay muling nalimbag noong 2017 ng Adarna.) Mas marami pa siyang nalathala mula taong 2005 hanggang taon ng kaniyang kamatayan noong 2007 na hindi nailahok sa antolohiyang ito. Kaya para sa mga mananaliksik at mag-aaral, mahalagang hanapin sa aklatan ang iba pa niyang aklat na karamiha’y mga retelling o muling pagsasalaysay at ang kaniyang mga bersiyon ng alamat na binansagan ng Lampara Books bilang “modernong alamat.”
Mababakas ang politika ng panahon sa kaniyang unang dalawang aklat pambata. Ang Si Emang Engkantada
at ang Tatlong Haragan ay maituturing na katuwang ng pamahalaan sa panghihikayat sa mga bata na pangalagaan ang Kamaynilaan. Ipinaparating nito sa mga bata na maging matipid sa paggamit ng tubig, huwag magkalat ng basura, at magtipid sa tubig at kuryente. Mas pangahas naman ang
Ang Pag-ibig ni Mariang Makiling na isang uri ng makabayang retelling at walang takot na talakayin ang mga dahas ng kolonyal na kasaysayan para sa batang mambabasa.
Tampok din sa antolohiya ang kuwentong “Tungkung Langit at Alunsina” na nagbago ang pamagat nang mailathala bilang aklat pambata. Maituturing itong isang feministang retelling na ipinapakilala sa mga bata na ang babae ay hindi lamang kabiyak at katuwang ng lalaki. Ang mga babae’y may kapangyarihan din bilang bayani at tagapaglikha ng daigdig. Hindi sila ang mga kadalasang binibining nagpagwagian ng magiting na prinsipe o isang dalagang maysakit o isinumpa na kailangang pagalingin ng bayani. Sabi nga ni Alunsina sa asawa niyang si Tungkung Langit, “Sawa na ako sa pagtanaw sa iyong araw, planeta at bituin. Sawa na ako sa pagiging tagapanood lamang. Ako man ay may angking galing.”
May bahid din ng feminismo ang kaniyang bersiyon ng modernong fairytale na “Ang Prinsesa sa Tore at ang Mahiwagang Prinsipe.” Narito ang sipi: “Laking gulat ng lahat nang bumagsak ang dalawa sa lupa. Tinanggal ng mahiwagang prinsipe ang kanyang balatkayo. Nakilala ng lahat ang tagapagligtas ng prinsesa. Siya’y isang babae!”
Pinapatunayan ni Villanueva na hindi sapat na muling ikuwento ang mga lumang kuwento sa mga bata. Ibangiba na ang politika, ang kahingian ng panahon, at ang pangangailangan ng kabataan. Hindi sapat na mang-aliw lamang sa pamamagitan ng pantasya o hiwaga. Mahalagang magamit ang mga lumang elemento ng kuwento para magsilbing daluyan ng mapagpalayang pananaw hinggil sa kasarian at kasaysayan.
Isa mga kontrobersiyal niyang kuwentong pambata ang Nemo, Ang Batang Papel. Walang-takot na ipinakita ni Villanueva ang kahirapang dinaranas ng mga bata sa mga lungsod gaya ng Maynila—ang sapilitang paggawa, ang kawalan ng edukasyon, ang pagpapabaya ng magulang, ang pagkalulong sa droga, at ang pagiging biktima ng mga
pedophile. Sa antolohiya, mababasa ang orihinal na bersiyon ng kuwento na hindi “nilinis” (sanitize) upang maging picture
book ng Adarna. Hindi ang paksa ang pinag-usapan sa kuwento kundi ang kawalan ng kuwento ng pag-asa na mahalagang elemento sa anumang panitikang pambata. Gayong pesimistiko ang kuwento, maituturing ang aklat bilang isang makabagong
fairytale ng Ikatlong Daigdig. Pinalawak nito ang potensiyal ng kuwentong pambata na kayang talakayin ang mga panlipunang suliranin.
Bukod pa sa mga ito, tumatatak din sa isip ang mga kuwento ni Villanueva na tumututol sa pagkakaroon ng nuclear power
plant sa bansa. Tinawag niya itong “pabrika ng kidlat” sa kaniyang kuwentong “Ang Karunungan ng mga Pusang Itim.” Sa muli niyang pagsasalaysay ng paglikha ayon sa mga Manuvu, detalyado ang pagkakasalaysay na gumagamit ng elegante at madamdaming wika. Sa paglalarawan sa proseso ng paglikha ng mundong may nakaw na lupa na pinagtutubuan ng mga halaman, higit pang mapapahalagahan ang yamang kaloob ng kalikasan. Halimbawa ito ng mito na may diwang makakalikasan.
May kuwentong pambata rin siyang bunga ng hamon-sa-sariling “makapagsulat ng kuwentong erotiko sa mga bata.” Sa “Kuwento ni Malinis,” lantad ang mga paggamit ng bokabularyo ng masusumpungan sa mga sex column sa tabloid. Hindi lamang ito ehersisyo sa paggamit ng wika kundi sa pag-eeksperimento sa hangganan at posibilidad ng pagkukuwentong naglalayong mangaral kaugnay sa kalinisan.
Maituturing namang radikal ang kaniyang “Pasko ng Tatlong Ungas.” Ayon sa panimula sa kathang ito, “Kumbinsido si Rene na hindi siya mahilig sa mga bata. Hindi rin siya mahilig sa mga kuwentong pambata na pawang magaganda at modelo ng kapinuhan ang nilalaman. Ayaw niya sa mga kuwentong parang Sanrio ang pananaw sa mundo. Sinulat niya ang kuwentong iyo para patunayan sa sarili na kahit ‘magaspang’ na kuwento ay uubra para sa mga bata.” Ilan sa maituturing na kagaspangan sa kuwentong ito ang paglalarawan sa “letseng Pasko,” “mapangheng ngipin,” “litid na tinga, “tatlong patapon,” at “mandekwat ng pagkain.” Magagaspang ang tauhan at kolokyal ang wikang ginamit na magpapaaalala sa atin sa “Utos ng Hari” ni Jun Cruz Reyes.