Liwayway

Mga Bituin Sa Tubig (4)

- Efren Abueg

N(IKA-4 NA LABAS)

AISIP ni Armand na nakasayad na ang mga paa ng babae sa batuhan kahit humahawi pa ang katawan nito sa tubig habang papalapit sa kaniya. Inisip niyang magtataka o matitigati­g ito pagkakita sa kaniya. Mali siya. Matigas ang mukha nito, parang talsik ng pinakinis na magalas na ibabaw ng bakal ang kislap ng mga mata nito sa pagkakatit­ig sa kaniya. “Sino ka? Ba’t nandito ka?” May dahas pa ang boses nito. Hindi siya makasagot. Hindi napuknat ang tingin nito sa kaniya kahit tuluyan nang nakaahon ito sa tubig. Wala man lang hiwatig ng kahit anong pangamba nang tuluyang humarap ito sa kaniya.

Ito ang may mabulas na katawan sa dalawang babae na nasilip niya sa largabista sa ilog. Matangkad ito kaysa kasama nito. At sa paghaharap nila ngayon, higit itong kaakit-akit sa malapitan kaysa noong una niyang namalas niya sa malayo.

“Sino ka nga? Gusto mong ipalapa kita sa mga aso?” Lumakas pa ang boses nito.

Hindi siya makasagot o makakilos. Parang itinali ng engkanto ang dila at mga paa niya nang oras na iyon.

Lumapit pang lalo sa kaniya ang babae. At kahit hindi ganap ang liwanag ng gabi, nagdiwang ang mga mata niya sa

katawan nitong kinakapita­n ng basang damit.

“Sumagot ka!” Tumaas na ang tinig nito. Saka itinampak ang isang paa sa tubig at natalsikan siya sa mga mata ng mga butil nito.

Sinundan pa iyon ng bulalas ng pagkainip. “Kamag-anak pa yata ito ni Gunggoy…pipe din!”

Iyon ang narinig niyang pangalan ng kuba na sumundo sa mga ito sa ilog.

“Dito ako naliligo n’ung bata pa ako!” naisagot niyang parang nagising mula sa isang panaginip.

Nagkatitig­an sila ng babae. Lumambot ang ekspresyon ng mukha nito. Parang may tinimbang sa kalooban.

“Tagasaan ka rito?” Lumambot na ang boses nito sa muling usisa sa kaniya. “Doon pa sa sityo Aplaya.” “’Yung tanaw ditong ilog na papunta sa dagat?” “Doon ako ipinangana­k, pero bata pa lang, napalipat na kami sa Daang Kalesa.”

“Taga-d’yan ka lang pala…alam mong bawal pumasok dito!” Muling tumaas ang tinig nito, kumumpas pa sa pagkainis. “Teka…maliit pa ako n’on…kagagaling ko lang abroad…” Bigla itong pumihit at tinalikura­n siya. Bago siya nakapagsal­ita, nakarinig na lang siya ng labusaw ng pagtalon sa tubig ng isang mabigat na bagay. Sa bilis ng kilos nito, lito siyang napatanaw sa katawang mabilis na humihilis sa liwanag ng ibabaw ng ilog. Parang isdang nahiwalay sa kawan nito na nabulabog sa katahimika­n ng gabi.

Naisip ni Armand na hindi narinig ng kabataang babae ang kaniyang sinabi. Sa bugso ng muling pagkainis nito, hindi kataka-taka ang naging reaksiyon nito.

“A…tatawagin siguro niya ‘yung taong may hila ng mga aso,” nasabi pa niya sa sarili.

Hindi nagdalawan­gisip si Armand sa kabila ng maaaring gawin ng babae. Mabilis din siyang tumalon sa tubig. Higit na mabilis, malakas ang mga kampay niya sa paglangoy. Tuwing itataas niya ang kaniyang ulo sa tubig, nakikita niyang kumikitid ang agwat ng pagkakalay­o niya sa sinusundan.

“Sandali lang, magpapaliw­anag ako,” sigaw pa niya habang lalong binilisan ang paglangoy.

Naririnig niyang lumalakas pang lalo ang labusaw sa tubig. Iisa ang kahulugan niyon: gusto ng babae na tuluyang makalayo sa kaniya, maiwasan siya.

Nagpahina siya ng pagkampay sa tubig. Pinuno niya ng hangin ang kaniyang dibdib. Saka pinag-ibayo niya ang paglangoy. Ginawa niya ang lahat ng natutuhan niyang pagpapabil­is sa paglangoy sa tubig. At nang mauna siya rito, humarang siya sa harapan nito.

“Lumayo ka! Talagang ipalalapa kita sa mga aso!” sigaw nito.

“Wala akong masamang intensiyon… bumibisita lang ako sa lugar ng pagkabata ko…” “Basta lumayo ka! Sisigaw ako…darating ang mga aso!” Hindi siya tuminag. Kumakawag siya sa ilalim para mapanatili niya ang sarili na nakalutang.

Alam niya, sa paghinto ng kabataang babae sa paglangoy, kumakawag din ito sa tubig para hindi ilubog ito ng bigat ng katawan.

“Miss, sorry at nagpunta ako sa inyong ilog. Hindi ako masamang tao…”

At naisip niyang para hindi mapagod ang babae sa pagpapalut­ang sa tubig, nagpauna na siyang lumangoy pagawi sa batuhang kinakitaan niya rito at sa kasama nito noong isang gabi.

“Dito ka na…lulubog ka kung di ka aalis d’yan!” imbita niya sa babae.

Walang reaksiyon, sa kilos, sa pananalita nito. Mayamaya, narinig niya ang labusaw ng paglangoy, ng paglapit sa gilid ng malapad na batuhan na kinasasand­alan na niya. “Talaga, sisigaw na ako…darating si Gunggoy!” sabi nito.

“Please, ‘wag naman! Walang ospital sa Peňaranda. Baka may rabies ang mga aso n’yo!”

Hindi niya narinig na nagsalita uli ang babae. Narinig na lamang niya ang unang pagkawag nito na lumikha ng labusaw, saka ang tahimik na paglapit nito sa kinaroroon­an niya. Kumawag-kawag sa tubig, naglangoy-aso ito. “Walang rabies mga aso namin! Gunggoy!” sigaw nito. Walang narinig na sagot. Hindi na uli sumigaw ang babae. Humihingal na sumandal ito sa gilid ng batuhan.

“Sorry at pinagod kita…” “Di ako napagod. Galit ako!”

“Sorry talaga. Di ko naman alam na may maliligo ka sa dulo ng putol na ilog!”

“Trespassin­g ka!” “Binabalika­n ko lang ‘yung boyhood memories ko.” “Meron kayong lugar n’yo. Private property ang ilog na ito!” “Kuwentuhan kita ng boyhood ko sa ilog na ito…sa gilid ng gubat na ‘yan…” paibang paksa niya para libangin ito. “I am not interested. Umalis ka na. Darating na si Gunggoy…”

Kunwa’y luminga-linga, saka tumawa siya. Hindi tumitingin sa kaniya ang babae. “Wala pa naman siya.

Graduate ka na sa college? Saan sa Maynila ka nag-aral?” At idinugtong niya kung saang unibersida­d siya nagtapos ng

course niya. “Military ka pala…” “Police lang! Ikaw, ano? Computer? Tourism? Culinary?” Pumihit ito. Bumwelo. Patalikod na umahon sa batuhan. Mabilis siyang sumunod. “Umalis ka na…” “Ihahatid kita sa inyo,”sabi niya at lumapit dito. “May bahay na pala d’yan. Mansion ba?” Humakbang. Gumawi sa gubat. Nakasunod si Armand. “’Alis na. Uuwi na ako.” Bumilis na ang mga hakbang nito. Sumasabay naman siya sa paglakad nito. Papalapit na sila sa hangganan ng ilog at ng gubat. Wala pa rin ang tinatawag nito.

“Ako si Armand Abeza…kagagaling ko lang sa Middle East. Tagal ko d’on…” Mayamaya, narinig niya ang kahol ng mga aso. “Parating na si Gunggoy…” sabi ng babae at may munting tuwang naramdaman si Arman nang hindi niya narinig sa kabataang babae ang banta nitong “ipalalapa kita sa mga aso”.

Lumalakas ang mga kahol, narinig pa ni Armand ang matinis na tawag ng isang babae. “Kapatid mo ?” usisa ni Armand. “Malapit na sila…umalis ka na!” Dama na niyang may pagalala ang boses nito. Nakasabay pa rin siya sa patakbo na nitong paglakad. “Kailan ka uli maliligo sa ilog?” tanong niya. “Alis na…”At humarap ito sa kaniya at itinulak siya.”Lalapain ka talaga ng mga aso…!”

Magkita pa nga kaya sila ng babae? Sa ano kayang pagkakatao­n?

Ngunit alam ni Armand, hindi basta nanlalapa ng tao ang ganoong klase ng mga aso. Inuutusan muna ang mga ito bago kumilos. Tumakbo na, papasok sa gubat ang kabataang babae habang lumalakas ang mga kahol ng mga aso. Malapit na rin ang boses ng tumatawag na babae.

Napangiti si Armand. Sa mga kilos at pananalita ng babae, ayaw nitong saktan siya ng mga aso. Dama niyang malaki na ang kangina’y maliit na tuwang aalagaan niya sa kaniyang puso mula sa gabing iyon.

Pagbalik niya sa bahay nina Nancy, ginulat siya ni Bart na nasa bangko sa ilalim ng punong mangga na malapit sa tarangkaha­n. “Uncle Armand, basang-basa ka!” Nagkunwa siyang hindi nagulat. “O, di ka ba nilalamok d’yan sa dilim?” Ibig niyang iligaw ang pansin nito sa pag-uusisa sa kaniya. “Walang masyadong lamok kung tag-araw…” At lumapit ito sa kanya’t minasdan ang suot niya. “Basang-basa nga…”

“Binalikan ko’ng pamilya ni Iloy, ‘yung kaibigan kong nasa Indonesia. Sa pag-uwi ko, hinabol ako ng mga aso. Nadulas ako’t nahulog sa pusaw na maraming tanim na punong gabe!”

“May pusaw pa d’on? Wala na namang poso na pinaglalab­ahan sa subdibisyo­n. May taniman ng gabe, pero d’on sa irrigation sa bukid na malayo sa gubat.”

Pinagtawan­an niya ang sarili. May imahinasyo­n at lohika ang mga pananalita ng kabataang nag-aaral ngayon kahit nasa haiskul pa lamang, tulad ni Bart.

“’Wag ka nang babanggit sa Nanay mo, ha? Kahiya-hiyang nahulog ako sa dulas ng pilapil sa bukid.”

“Si Uncle naman, tuyong-tuyo ang bukid. Tagal na rin na nakaalis na ang bagyo. Nagpunta ka sa putol na ilog, ano?”

Napahalakh­ak na si Armand. Ngayon niya naisip na nakatutok pala sa kaniya ang pansin ni Bart.

“Sana, isinama mo ako…” May bahid ng tampo sa boses ni Bart. “Di ba bawal na’ng pumasok doon?” “E, ano’ng ginawa mo at nakapaligo ka yata d’on?” usisa ni Bart.

“Nakatiyemp­o ako na walang tao sa dulo ng putol na ilog. Pero di ako nagtagal, may mga aso. Baka ako maamoy.” “May mga aso nga raw gumagala sa gubat. Private na

private ang gubat na ‘yon…” “Natakot din ako nang maisip kong baka barilan ang mga guwardiya roon…”

“May mga nakaharap ang guwardiya sa may highway, pero hindi raw nagsasalit­a. Siguro, utos ‘yon ng may-ari!”

“Kaya nga tingin ko’y mahirap nang bumalik doon… walang laban pag tayo ang nabaril doon. Kakasuhan lang tayo na gustong magnakaw!”

Parang nasiyahan naman si Bart sa mga sinabi niya. Hindi na ito nagsalita ng tungkol sa ilog o sa gubat. Sumabay siya rito sa pagpasok sa pinto sa likod ng bahay. Ikinandado ang pinto sa harapan kung gabi. Nasa dakong likuran ng bahay ang mga silid-tulugan nina Nancy.

“Di makatulog si Nanay pag di nakakandad­o ang pinto d’on. Sa banyo ka na. Ikukuha kita ng tuwalya at pambahay sa kuwarto mo.”

May silid para sa bisita ang bahay nina Nancy. Doon niya inilagak ang dala niyang personal na mga gamit. Nagbolunta­ryo pala si Bart sa Nanay nito para siya na ang maghintay sa pag-uwi niya nang gabing iyon. Walang pasok ito sa iskuwela.

“Uncle, puwedeng matulog ako sa kuwarto mo? Pampamilya naman ang kama d’on!”

“Aba, sige. Sige’t kunin mo na ang tuwalya’t makapaligo na ako. Kuwentuhan muna tayo bago matulog.”

Masiglang sinunod ng kaniyang pamangkin ang sinabi niya.

“Uncle, kuwentuhan mo naman ako ng experience­s mo sa Middle East, ha?” sabi nito nang pumasok na sila sa silid pambisita roon.

Naisip ni Armand ang pangunguli­la ni Bart sa ama na nasa Guam.

“Sure! Naghahanap nga ako ng audience para naman maiyabang ko ang adventures ko sa Saudi, sa Dubai at sa iba pang bansa d’on!”

“Pag umuuwi rito si Tatay, boring ang mga kuwento niya. Puro hanapbuhay, kuwento ng homesickne­ss. Hindi naman ‘yon sumasama sa mga good time . Sayang lang daw ang pera!”

“Walang iniisip kasi ‘yung Tatay mo kundi kayo ng Nanay mo. Sa akin ka na lang mamulot ng colorful stories. Binata pa tayo!”

Nakapaligo na noon si Arman. Habang nagpapatuy­o ng buhok kahit ipinapunas­an pa niya iyon ng tuwalya kay Bart, kinuwentuh­an niya ng mga biyahe at imbestigas­yon niya sa mga lugar na may kababayang biktima ng mga krimen. Mga abentura nga niya at magagandan­g lugar ang ikinuwento niya sa pamangkin. “Talaga? ‘Dami mo palang narating na places!” “Oo naman. ‘Yung mga lalaki roon, macho. Sila ang may

free movements. Nagagawa nila ang lahat ‘wag lang ‘yung labag sa kanilang relihiyon. Kakahinaya­ng ang maging babae roon, karaniwang nasa bahay lang. ‘Yung mga asawa lang ng mga

super yamang mga negosyante at pinuno ng gobyerno at mga nakadiskub­re ng yaman sa lupa at dagat tulad ng langis ang isinasama ng kani-kanilang asawa abroad!” “Uncle...abroad na lang kaya ako after my graduation!” Umiling si Armand. “Pagbutihin mo’ng aral mo. Makakuha ka lang ng mabuting trabaho dito sa Pinas, okey ka na. Masarap ang buhay sa sariling bayan. Sabi ng nakausap kong mga Pinoy, kung mapapantay­an lang dito ang kinikita nila roon, uuwi na sila. Hindi sila maho-home sick at kung mapupunta ka sa mga salbaheng amo, kahit lalaki ka, problema!”

Masaya silang natulog na magtiyo nang gabing iyon. Katatapos lang nilang mag-almusal, may pumaradang kotse ng PNP sa tapat ng bahay nina Nancy.

“Superinten­dent Abeza, pinasusund­o ka ng Crame!” Nakilala agad ni Armand ang SPO na nag-aayos ng mga papeles sa mga opisyal na pulis na ipinadadal­a sa mgadayuhan­g bansa.

Nakatawa niyang kinamayan ang isa sa tatlong sumundo sa kaniya.

“SPO Miranda…baka nakalimuta­n sa headquarte­rs na naguumpisa pa lang ako ng bakasyon.” “May na-review lang na isang matagal nang kaso. Sa iyo ang

assigment, pero hindi naman agad mong uumpisahan. Ibabalik ka rin namin dito!” At inabot sa kaniya ang nag-ring na cellphone. Ang pinuno ng police task force sa human traffickin­g.

“Don’t you worry, Abeza. Dito lang sa Pilipinas ang kaso. Habang nagbabakas­yon ka, pag-aralan mo!”

Ganoon din ang sinabi sa kaniya nang ipadala ka sa Saudi. Tutulong siya sa isang kaso. Nagkadugto­ng-dugtong na sa iba at inabot siya ng kulang-kulang na sampung taon.

Nang dumaan ang kotseng sumundo sa kaniya sa malawak at makapal na gubatan, naisip niyang manghihina­yang siya kung hindi niya mababalika­n ang babaeng nakatagpo niya sa putol na ilog.

(ITUTULOY)

 ??  ?? “Sino ka nga? Gusto mong ipalapa kita sa mga aso?” Lumakas pa ang boses nito.
“Sino ka nga? Gusto mong ipalapa kita sa mga aso?” Lumakas pa ang boses nito.
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines